Ipinagdiwang ni Mama ang ika-58 niyang kaarawan nitong Linggo. Isa na namang taon ng pagiging buhay, at kahit may ilang karamdaman ay masasabing nasa mabuti namang kalusugan. Iyon ang una kong ipinagpapasalamat. Marami na akong naigugol na sandali sa pag-aalala para sa kalusugan at kapanatagan ng mga magulang nitong mga huling taon. May edad yata talagang nagiging mas mapag-alala ka sa ganoong mga bagay, na nasabi ko na rin naman nang ilang ulit dito.
Kung anuman, kadamay ko naman ang kapatid na si Yani sa paghahanda. Kasama rin ang kaibigang si Tanya na lagi namang maaasahang tumulong sa ganitong mga okasyon. Dumating kami sa bahay sa Cabuyao nang maaga, pagkatapos naming maghagilap ng bulaklak na pinabili ni Papa para kay Mama.
Sa Calle Arco sa Pagsanjan kami dumayo para sa tanghalian. Sa dinami-dami ng punta doon ay hindi pa pala namin naisasama sina Mama at Papa. Kaya ginawa naming pagkakataon ito para bumawi. Gaya ng alam na naman naming nakapunta na doon, masarap naman ang pagkain at palaban lalo ang Crispy Pata nila. Healthy food dapat kasi sa mga nasa edad singkuwenta. Saka hidden agenda namin iyon ni Tanya. Winner din naman ang callos, corn soup, camaron rebosado, at ang ginisang ampalaya. May pansit habhab pa sana, pero nakalimutan ng magluluto kaya pang-next time na lang. Bukod sa mga ulam, laging kapiling din ang Mer-Nel’s cake na mas madalas na lang na pang-photoop kesa kinakain (o kinakain namin, kasi madalas ay pinamimigay namin ito sa iba para maranasan nila ang chocolate cake na ito)
Pagkatapos magtanghalian, naisipang kumain ng halo-halo doon kay Aling Taleng’s.
Pagkalipas ng mabilisang panghimagas, dumaan naman kami sa simbahan ng Pakil. Masayang bisitahin ang simbahang ito.
Ang nalampasang viewing deck sa may Lumban, binalikan namin noong natapos nang magsimba. Mabilisang litratuhan dahil nakaharang kami sa makitid na kalsada. Bukod pa doon, nakigaya pa ang mga bumabyaheng kasunod namin. Nag-hazard din sila at nagkuhaan ng litrato at video.
Mahaba ang byahe mula Pagsanjan pauwi ng Cabuyao. Si Yani, nauna na pa-Maynila at may trabaho pa sa Lunes. Kaming walang trabaho sa Lunes, tumambay muna. Nakihati kami sa pizza at manok. Hati sina Mama at Papa sa Red Horse.
Kinabukasan, naka-leave sina Mama at Papa para may part two ang pasyalan. Nayaya ang mga titang sina Tita Glo at Tita Olay na bumiyaheng pa-Tagaytay. Nagpalamig at kumain uli. Sayang at kailangan na naming umuwi ni Tanya, umuwi at umalis ng Tagaytay at Laguna. Di na tuloy namin naabutan ang pa-buy one, take one doon sa isang bakery na sikat sa raisin bread nila.
Excited na ako para sa gagawin namin para naman sa anibersaryo nina Mama at Papa sa Marso. Excited na kinakabahan. Dapat kasi happy sila, dapat busog at enjoy sa kain at pasyal. Mabuti na lang at may larawan. Nasabi ko nga dati, kahit minsan sinungaling ang larawan, may mga pagkakataong kaya nilang magsabi ng totoo. Kaya heto, at ayun, hanggang sa mga susunod na plano at litrato, kasama kayo. Maligayang kaarawan, Mama Susan!






























































