Ito ang umpisa sana ng hindi lumabas-labas na book project. Kung gusto ninyong mabasa ang katapusan, narito ang link.

START
Ang mga Daan patungo sa Up-Up-Down-Down-Left-Right-Left-Right-B-A-B-A-Select-Start ng Puso Mo
Napaglalaruan ba talaga ang puso?
E, ang suso?
Chos lang.
E heto: pag nagsabi ka ng “chos,” bakla ka na ba pag ganoon, o Bisaya? Bakla o Bisaya lang ba ang nagsasabi ng “chos?”
Chos.
Chos Life. Chos a job. Chos a career. Chos a family. Chos a fucking big television, chos washing machines, cars, compact disc players and electrical tin openers. Chos good health, low cholesterol, and dental insurance. Chos fixed interest mortage repayments. Chos a starter home. Chos your friends. Chos leisurewear and matching luggage. Chos a three-piece suite on hire purchase in a range of fucking fabrics. Chos DIY and wondering who the fuck you are on a Sunday morning. Chos sitting on that couch watching mind-numbing, spirit-crushing game shows, stuffing fucking junk food into your mouth. Chos rotting away at the end of it all, pishing your last in a miserable home, nothing more than an embarrassment to the selfish, fucked up brats you spawned to replace yourself.
Chino-chos lang ba talaga tayo ng mga plano natin sa buhay, o tayo ang chumo-chos sa kanila?
Siguro’y kasingsimple lang nito ang pangarap mo dati: makakuha ng “star” mula sa pagdrowing ng straight lines at curved lines, o sa pagsulat ng mga ABC at 123 noong Kinder o Grade 1; manalo sa palabunutan ng mga goldfish sa tabi ng eskuwela habang ngumangata ng dalawang pisong singkamas o manggang hilaw; umuwi sa bahay at isaksak ang cartridge ng Megaman 3 sa Family Computer (hihipan-hipan muna ang ilalim bago isaksak, alis-alikabok), at ipasok ang password na inaral nang ilang linggo para makapunta agad sa stage ng big boss na si Dr. Wily—Blue sa A1, B2, A3, B5, D3, D4, Red sa E1 at F4; at, habang umaakyat sa Wily Castle, bago sa winning moment ng pagtalon sa ibabaw ni Dr. Wily na nakasakay sa higanteng robot, bago pindutin ang PAUSE at piliin ang power ni Top Man, bago pindutin uli ang PAUSE at ang TURBO B, bago umiikot-ikot ang kulay Chocolait na si Megaman patungo sa kamatayan ng kalaban, bago ang lahat ng iyon, kasama sa plano mo ang pagmumunimuni sa kung paano itutulak sa tapat ng rumaragasang trak ng softdrinks ang sipsip na Valedictorian ninyo, ang teacher’s pet na may tatay na nambabaril ng teacher kapag mababa ang ibinibigay na grade, ang kaklaseng umaagaw ng napakailap na bituin ng top one stardom. Ito ba iyon, ito ba ang iyong simpleng pangarap?
Maglaro tayo. Bulungan ng mga pangarap.
Tara, subukan natin. Huminga nang malalim. Ikulong ang bibig sa dalawang palad. Ibulong ang lahat ng hinaing sa buhay, lahat ng reklamo, lahat ng himutok tungkol sa mga planong hindi maabot-abot, o mga planong dati’y nariyan lang pero ngayon ay parang isang pantal na hindi makamot-kamot. Sige, ibulong lang ang lahat-lahat. May bonus kapag may isa o dalawang patak ng luha.
Tapos, pakawalan ang mga palad. Pakawalan ang mga ibinulong na pangarap sa kawalan, patungo sa alapaap. Hayan, nakikita mo ba sila? Ang mga pangarap? Hayun, lumilipad. Parang kalapati. Parang butterflies. Parang dragon, pero maliit lang. Parang Komodo Dragon, pero may pakpak.
Nakikita mo ba? Nakikita mo ba ang mga pangarap?
Talaga? May nakikita ka?
Uy, my friend, ipadoktor mo na iyan.
Ang pangarap kasi, magaling sa taguan. Hanggang hindi pa nabubuo ang lahat-lahat, parang chos lang, parang hindi mo pa nakikita na parating na pala, na papunta na pala doon. Bakit hindi natin isulat ang mga pangarap na iyan? Bakit hindi natin ikuwento ang istorya ng ating buhay? Bakit hindi mo ikuwento ang mga kuwentong nagpapatibok ng puso mo?
Ask ko lang, ask ko lang naman—ano ba ang nagpapatibok diyan?
Ako, maraming hindi sigurado, pero may ilang malinaw. Alam kong masuwerte ako’t nabigyan ng pagkakataong makapasok sa school, masuwerte kasi nahuhuli man ay nairaos din ang napakaraming taon ng pagbabayad ng tuition. Alam kong may pagkahilig ako sa mga laro ng salita. Alam kong ikinaaliw ko kapag may mga nakasisilip ng mga larong ito’t napapangiwi sila, o napapangiti, napapangiti o napapangiwi depende sa kung ano ang plano ko. Alam ko, lalo na ngayon, na hindi lahat ay kasing-steady ko, kasing-steady natin, mga katropang nagkaroon ng biyayang makaintindi ng mga salita, nagkaroon ng oras at baon para makapaglabas-pasok sa eskuwela. At pag sinabing lumabas, ay nako, talaga namang labas kung labas. Sine man iyan, daan-daan sa Toy Kingdom o Timezone, Malling-malling, Fine Dining, Out-of-town extravaganzas, motel-motel portion. Tapos, kung nakakahiligan, kung hindi kinatatamaran, bubuksan ang diary pag-uwi, bubuksan ang laptop, magsusulat sa online journal, status message barrage via Facebook-Twitter-Tumblr integration. Hayun. Kaunting kuwento, picture-picture, kaunting poetry—basta it’s all about us: me of course, at ang walang kamatayang YOU, YOU, miles and piles of YOU!
Maglaro tayo. Ang title ng laro: YOU, ANYONE AND EVERYONE ELSE BUT.
Simple lang ang laro. Tara, ikulong mo uli sa dalawang palad ang bibig mo. Isipin ang lahat ng kuwentong hindi iyo, mga istoryang hindi sa iyo at sa iyo lang nakasentro. Sige, pilitin mo, kaya mo iyan. Matalino ka, di ba? Nakapag-school ka. Hindi ka sumilip sa answer sheet ng katabi mo noong nag-departmental exam kayo last week. Hindi ka nagpunta sa online forums para hanapin kung sinong prof ang pinakamadaling magbigay ng “A” o ng “1.0.” Hindi ikaw ang tipo ng taong mag-iimbento ng dagdag na “just for being here” o “just because you’re beautiful” fee sa registration form, na sisingilin mo sa mga nagpapaaral sa iyo, para maka-kickback ka ng pangkain sa favorite ninyong hangout place, habang humihirit ng “hindi naman siya nagche-check ng attendance, hindi ko na siya papasukan.” Higit sa lahat, nagsosoli ka ng sobrang sukli sa mga konduktor o kahera kapag sumasablay sila ng kuwenta, kung sumasakay ka nga ng bus o dyip ha. Dali, go, isip-isip. May bonus kapag may isa o dalawang patak ng luha. Huminga nang malalim, huwag e-exhale hanggang hindi ko sinasabi. Dali, bawal mandaya.
Galit ka ba sa mga mandaraya?
Noong naglalaro ka ng Marvel vs. Capcom doon sa pinakamalapit na arcade, hindi mo ba alam ang tamang kombinasyon para maipalabas ang pinakamalumpit na super-secret character? Pinukpok mo ba ng adobe sa ulo ang kalaro mo sa piko noong nahalata mong malapit na siyang manalo? Noong namili ka ng karne o isda ng panghanda sa iyong “just for being you” par-tey, napansin mo ba na kulang ng dalawang guhit ang ibinigay sa iyo, at magre-react ka ba kung sakaling nakita mo? Pag hindi ka pinapansin sa panghihingi mo ng sukli, nanggigigil ka ba sa driver sa puntong naghuhurumentado ka, o buntong-hininga-sabay-pabulong-na-mura master ka lang?
Nanggigigil ka ba kay Gloria?
Sinong “Gloria?” Estefan? Diaz? Romero? Sikreto?
E kay Pnoy?
E sa penoy?
Chos lang.
Ako, may sikreto. At sa iyo ko lang sasabihin. Ang sikreto—hindi ka pa rin ume-exhale.
Na malamang ay hindi totoo. Matalino ka nga e. Alam mo ang mga bagay na ito. O, kung hindi mo pa alam, may mga bagay kang alam na alam mo. Alam mong gaya ko, marami pang dapat matutunan, alam nating may halaga ang bawat maliit na kuwento. Alam nating sa maraming oras ay nahahati tayo, sa ano ang dapat pakinggan o basahin, ano ang dapat at hindi dapat gawin, kailan dapat magsalita at kailan dapat manahimik.
Iyon ang bonus ng mga bonus mo: may pagpipilian ka. Kuwento ba natin o ng iba? Seryosong usapan o joke time lang? Papansinin ba, o tatalikuran na lang? Lahat ba ng ito’y for each and everyone, o para lang sa kanya, doon sa nag-iisa nating “the one?”
At sino ang “the one” na ito? Si Jet Li? Si Keanu Reeves sa Matrix? Si Vhong Navarro sa D’ Anothers? Yung katabi mo? Yung nasa harap likod, kaliwa, kanan mo? Siya ba ang laman ng bawat panaginip? Siya ba ang laging bukambibig kahit ikaw ay hindi sumasagi sa kanyang isip? Siya ba ang “the one that’s here to stay,” o siya ba yung mas madalas isulat, yung pinakamasakit, diyan, yung ume-echo-echo-echo diyan sa bleeding emo heart mo?
Siya ba yung “the one that got away?”
Ganito ang laro natin. Mga laro na maraming tanong, kaunti ang sagot. At hindi iyan mababawasan habang umuusad. Mas gagaan lang malamang, sa oras na madiskubre mo kung kailan laro ang laro, at kailan ito nagiging seryosong usapan. Basta, steady ka lang, marami kang kakampi (o, baka wala, baka ganoon ka ka-chaka bilang tao), marami pang sorpresa. Bawat laro, may humahadlang sa mga itinakdang plano. Pero walang larong nagtatapos nang walang premyo. At oo, alam kong matalino ka masyado kaya nakukuha mo ang lohika ng mga sinasabi ko.
Magsimula tayo sa pagpapakilala. Isulat mo ang iyong tatak, ang iyong pangalan. Sa desk, sa notepad, sa batok ng kaibigan, kahit saan. Isulat mo ito nang buo, nang walang pag-aalinlangan. Ituro mo ang pangalang ito. Eto, isulat mo dito:
_______________________________________________
Ayan. Tingnan mo ang pangalang iyan ha, ituro mo. Dali, turo! Simula sa araw na ito, ang pangalang itinuturo mo ang pangalang magbabago sa mundo.