Notas Intimas (O, Aha, Ayan Ka na Naman, Nakakita Ka Lang ng Nota’y Hindi Ka na Mapakali, Best in Religion Ka pa man Din Noong Bata Ka)

(Piyesang naisulat noong 2011, para sa antolohiyang Tahong/Talong)

I.

Palaging lubak ang mga kalsada sa alaala. Pero lahat, laging walking distance. Ang tindahang binibilhan ng Cheezels at Chikadees hindi para sa chichirya kundi para sa kasamang libreng laruan, mga puno ng binayuyong nagkukulay-ube sa mga maliit na bunga pagsapit ng tag-araw, mga mangga sa katabing kalye na nangunguba sa berdeng bunga kapag husto na panahon, ang  eskuwelang nakatindig sa daanang parang binagsakan ng isang milyong bomba—ang eskuwelang tinutumbok ng mga magkakasunod na puno ng binayuyo, mangga, banaba, mga puno’t sanlaksang tae ng mga asong gala. 

            Madalas, kapag umuulan, hindi madadaanan ang kalye papunta sa eskuwela. Paano’y barado ang mga estero’t kaunting ambon lang ay nag-uumapaw na sa baha. Pero, sa hapong iyon, hapon ng uwian, aba’y  pagkataas-taas ng araw. Ito ang unang araw ng unang linggong pinatugtog sa radyo ang kantang Pare Ko

Ito ang unang araw na nakita kita. 

            Oo, ikaw. Ikaw na nasa likod ng hilera ng mga tindera ng palamig at manggang hilaw. Ikaw na nakatalikod sa mga lalaking naniningil para sa palabunutan ng goldfish, ng hermit crab, ng sisiw na pininturahan ng iba’t ibang kulay ng bahaghari. Ikaw, na nakaharap sa puting pader ng eskuwela, nagpapasirit ng ihi habang pinapakabog sa speaker ng isang school service ang “O, Diyos ko, ano ba naman ito?” Nandoon ako, sa harap ng mga sisiw at isda, sa gitna ng mga kaeskuwelang nakikiusyoso sa mga may perang naghahagis ng papel sa tubig ng palabunutan, sa likod mong hindi matapos-tapos ang pagpapakawala ng mapanghing ihi sa pader ng paaralang kahanay ng iba’t ibang mga palabunutan at paninda. Nagpagpag ka’t nakatingin na sa akin noong isinigaw ang bahaging “hanggang kailan maghihintay, ako ay nabuburat na…”

               Ikaw. Ikaw at ang kulot at mais mong buhok. Ikaw na may tangkad at bulas na angat sa ibang mga tulad mong nasa ikaanim na baitang. Ikaw na may maputing mukha’t katawan, ikaw na binudburan pa ng pagkarami-raming pekas. Kamukha ng bata sa lata ng Alaska Milk. Oo, Ikaw si Alaska Boy. Ano’t kahit kay laki ng pagkakaiba mo sa iba pero doon ka lang nahuli ng grade five kong mga mata?

              “O, Diyos ko, ano ba naman ito?”

            Mabilis kang umakyat sa Sarao na maghahatid sa iyo at sa mga kasama pa sa school service, pauwi sa inyong bahay na malayo sa kalyeng iyon, malayo sa eskuwela, sa mga nagpapabunot ng kung anu-anong hayop, sa akin na nakatayo’t nakatunganga. Maingay ang harurot ng makina habang humihina ang pasok ng kantang bago sa aking pandinig. Ito ang aking unang leksiyon tungkol sa pagtingin at distansiya. Ang kalye, ang eskuwela, ang mga palabunutang hayop, Ikaw, aking Alaska Boy, at isang bagong kanta. ‘Di ba? 

‘Tang ina. 

II.

              Bawat alaala ay may silid. May dingding, pinto, bintana. Pag nakasara ang pinto’t bintana, pag tahimik ang dingding, siguradong sa loob ay may isang batang nagwagi ng Best in Reading noong Kinder, isang batang ubod ng husay sa pagbabasa, isang bata at isang lukut-lukot na kopya Abante na naglalaman ng “Xerex Xaviera.”

               Aaminin kong bago pa kita makilala, nakilala ko na ang iyong bibig. Nakatago ang iyong bibig sa mga pahina ng tabloid na binabasa, sa pagitan ng mga maliit at itim na letra. Naroon ka, sa kuwento ni Mr. Aquarius, at sa kuwento ng kaniyang nobya. Ang kawawang Mr. Aquarius magtetrenta na’y wala pa ring karanasan sa pakikipagromansa. Dito pumapasok ang babaeng kapareha, dito pumapasok ang Best in Reading award, dito pumapasok ang kaliwang kamay na sinusuyod sa pahina ang mga titik, dito nakilala ang kanang kamay na ihinulma sa anyo ng iyong bibig. 

               Ang iyong bibig—dulo ng daliri para sa ngiping naglalaro sa ulo ng ari, pawis ng kamay para sa pampadulas na laway, sentro ng palad para sa lalamunang nabibilaukan sa “naghuhumindig na kakisigan.” Ang pagkilala sa iyong bibig ay isang aplikasyon ng mga nakaraang pag-aaral. Salamat sa mga gurong hindi nangiming magbigay ng mga gawad, salamat sa mga textbook at workbook sa balarila, salamat sa mga titong nag-iiwan ng tabloid nang walang pakundangan, salamat sa mga magulang na may tiwala sa bunsong mahilig magsunog ng kilay. 

                Sa iyo, sa iyong bago sa ano pa man ay nakilala bilang isang walang mukhang bunganga, ipinagpapasalamat ko ang mga unang leksiyon tungkol sa pananalinghaga. Sa iyo nabatak ang kamalayang hindi pa naglalampas-buko, kasabay ng ilog ng kakupalang kaabikat nito. Mukhang hindi na tayo nakaalpas sa ilog na iyon, itong nag-uumapaw na katas ng kaalaman. 

III.

                Lumaki tayo sa panahon ng mga dambuhalang Betamax, kasabay ng mga inaamag na kopya ng Traci I Love YouJeddah 69, at Sabik (Kasalanan ba ang Mahalin Ka). At pag sinabi kong “lumaki,” sa kaso mo’y talaga namang pagkalaki-laki. 

            Una ka sa lahat-lahat. Unang ipinanganak, unang natutong mag-shoot ng bola, unang isinali sa liga sa may kanto, unang naging lampas-buko, unang nagpatuli’t tumangkad. Noong ginagaya pa lang namin ang limang leon na robot sa Voltron: Defender of the Universe, naroon ka na sa court sa may eskuwela, nangunguna na sa pagsali sa barangay paliga. Hindi pa namin alam ang ibig sabihin ng “crush” na itinatanong sa mga slumbook, ikaw naman ay mayroon nang pinopormahan. 

             Minsan, pagkatapos mo akong lampasuhing muli sa laro ng beinte uno, naupo tayo sa kama ng mga magulang ko. Tiningnan natin ang mga lumang bala, ang TV, ang Betamax, lahat ay katas ng Saudi mula sa aking tatay, mula sa iyong tito. Pinansin mo ang lagayan ng dambuhalang Betamax, ang piraso ng kahoy na nakatindig sa gitna ng bibig ng tokador,” Bakit may nakabarang kahoy,” sabi mo. “Para hindi mapipi,” sabi ko. Mahina ang tokador na gawa sa kahoy ng pinaglumaang Balikbayan Box, baka hindi kayanin ang bigat ng 21-inch na telebisyon kapag walang suporta. Napagod ka sa mga makulay na pagkukuwento ko tungkol sa mga kahoy at tokador, kaya nagyaya kang maligo, maligo nang sabay. 

              Ito’y isang praktikal at malinaw na resolusyon. Pagkat ito’y mga panahong ni wala tayong pampalitada sa ating mga pader at kalsada. Isang malayong panaginip pa ang mga tubo ng Nawasa. Hindi gripo ang nanganganak ng tubig kundi isang poso, balon na halos katabi ng poso negro. At habang ang ilang mga kapitbahay ay ipinagyayabang ang mga de-kuryenteng motor at matatayog na dram na hitik sa inipong tubig, tayo’y nagpapalaki ng braso sa pag-iigib. Isang masalimuot na proseso, isang nakakatamad na proseso, ang magbomba mula sa balong mas madalas na may halong putik at kalawang, ang maalog na biyahe mula sa poso papunta sa liguan, ang mga tubig na natapon sa proseso ng pagpaspas, ang pag-iipon ng sapat na tubig sa nag-aabang ng Orocan, ang mahabang paghihintay na ang mga bakas ng lupa at kalawang ay tumining sa ilalim at maging latak. Ito’y isang mahabang prosesong napagkasunduan nating pareho nating hindi kinasisiyahang pagdaanan. 

               Ang parusa ng katamaran ay ang kapiranggot na tubig sa Orocan. Ni wala pang dalawang balde, lalo’t nasa ilalim ang naipong lupa’t kalawang. “Puwede na ‘yan,” iyon lang sabi mo. Binuksan natin ang madilaw na bombilya, isinara ang pinto ng banyo, ikinandado. Nagsimula tayong maghubad. “Kailan ka magpapatuli?” naitanong mo. Ang sabi ko naman, “ewan,” habang nakatingin sa iyong harapan. Naalala ko ang kahoy na pambara sa tokador ng Betamax. Ang dambuhalang Betamax kung saan tayo ay lumaki. At sa kaso mo, ay, pagkalaki-laki. Nagsabon tayo, naghiluran, naglagay ng kung ano ang natira mula sa sachet ng shampoo sa paligid, nagbuhos. Kapag itataas mo na ang tabo’y hahatakin mo ako para magdikit, para makatipid sa tubig. Natapos ang saglit na paglilinis, nagtuwalya tayo, nagbihis. 

               Ang sabay na pagliligo’y hindi na mauulit, pero simula noon ay napanatag ako. Na sa oras na masira ang kahoy na ipinang-iipit sa tokador ng dambuhalang Betamax, nariyan ka lang sa paligid, nariyan at palaging nakatindig. 

IV.

              Ito ang aking kumpisal: kung papipiliin mo ako ng kantang puwede kong ulit-ulitin, siguradong pipiliin ko ang mga kantang pangsimbahan. 

                Hanggang ngayon ay hindi umaalpas sa akin ang mga tugtog at titik. Magmahalan kayo, katulad ng pagmamahal ko, sa pagdaing ng kapwa mo, ang tugon ay ang pag-ibig mo; kunin at tanggapin ang alay na ito, mga biyayang nagmula sa pagpapala mo; nagmula sa iyo ang lahat ng ito, muli kong handog sa iyo, patnubayan mo, ang pagkalinga’t lahat, ayon sa kalooban mo; bumubulong ang langit sa ating mga puso. 

Hindi ba doon tayo madalas magkrus ng landas? Sa simbahan malapit sa eskuwelang pinapasukan, tuwing hapon, tuwing matatapos ang isa na namang mahabang araw ng buhay high school. Ikaw, na tuwing Linggo’y naaabutan kong nakabihis para sumimba, habang ako’y nasa labas lang at nanghuhuli ng mga fishball at lumalagok ng matabang pero malamig na sago’t gulaman. Ikaw, na walang hirap na natitipa ang opening chords ng Superproxy na kunwari’y itinuturo sa atin ng ating teacher sa PEHM, pero sa totoo’y nagpapasiklab lang siya sa kanyang kakayahang maggitara. Ikaw na katalikurang dingding, ikaw na kakambal na kalye, ikaw na kapitbahay na sumusulpot-sulpot sa iba’t-ibang panig ng mga pader na nagtatakda ng mga teritoryo’t limitasyon ng bawat isa. Sa iyo ko lang kayang aminin ang mga ito. 

            At bakit hindi? Sa iyo ko naranasan ang napakaraming mga una:unang pagbalasa sa mga pahina ng Marvel Comics Swimsuit Edition, kung saan ipinagmamalaki nina Psylocke, Rogue, at Jean Grey ang kanilang mga superhero na hubog; unang pagsilip sa mga larawan ng Gundam WingRanma 1/2 , Dragonball Z, mga imaheng matiyaga mong isiniksiksik sa pagkarami-raming 3.5 microfloppy; unang pagkapa ng tamang kombinasyon para mapasigaw ng “get over here” si Scorpion o ipag-teleport si Raiden sa Mortal Kombat, doon sa inyong  Sega Megadrive. Sa ilang taon ng pagsulpot-sulpot mo sa iba’t ibang panig ng aming sementadong bakod, sa paminsan-minsan mong pagtawid para sumaglit sa bahay namin para umupo’t makipagdaldalan, sa hindi mabilang na mga gabi bg sabay na paglalakad pagkatapos ng misa, pagkatapos kong magpakalunod sa mga himig na inaawit ng koro habang pinagtatawanan natin ang mga debotong hindi iniaabot ang donation basket sa atin tuwing offertory (akala siguro’y nanakawin natin ang mga barya), o kaya’y sa pagpapahawak mo sa akin ng bagong-tabas mong buhok. Lahat ay mga pagkakataong tanging  pasasalamat lang mula sa akin ang nag-uumapaw. 

              Kaya patawad, kaibigang dingding lang ang pagitan, sa mga oras na wala akong maibigay na sagot sa iyong mga tanong. Para sa mga panahong dumadaan ka sa bahay at tinatanong kung nasa paligid ba ang iba kong kamag-anak at sinabi kong “oo;” noong isang umaga ng summer vacation na nagpakita kang pusturang-pustura, ikinukuwento ang part-time job mo sa tindahan ng kotse, at noong kinumusta mo naman ako’y ang nasabi ko lang ay “okey lang;”  noong isang partikular na Sabadong magkaharap tayo’t nag-uusap, ikaw sa bakuran ninyo’t ako naman sa may amin, may adobeng pader sa pagitan, habang ipinapakita mo ang mga maliit na marka at butlig sa katawan mong walang anumang suot na sando o kamiseta. Patawad, dahil noong tinanong mo kung bakit ang kilikili ko’y may ilang bugso na ng buhok at ang sa iyo naman ay wala, o kung bakit magkaiba ang kulay ng mga utong ntin, parehong “ewan” ang aking naisagot. 

               Lilipas ang mga taon. Magpapatuloy tayo ng kaniya-kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Ikaw, sa abogasya, ako, sa kung anuman ang kursong napili ko noong mga panahong iyon. Magkikita tayo nang ilang ulit, sa gate ng village, sa loob ng bus, sa SM. Palagi mong hihingiin ang numero ng aking cellphone. Palagi akong maghihintay ng mensahe, pero palagi, palaging walang mensaheng papasok. 

V.

“Ikaw na ang bahala,” ang sabi mo sa akin minsan noong naitanong ko kung ano ang gusto mong mapag-usapan. Doon ko nasimulang maisip ang birong sasabihin ko sa iyo kapag nagkita tayo sa susunod na pagkakataon. Tungkol sa isang guro sa Quezon City na nagpara ng taxi na madalas ay sa Sta. Mesa gumagala. Ang kanilang maiksing kuwentuhan mula sa kalye ng Unibersidad patungo sa Philcoa. Ang pagkukuwento ng driver tungkol sa iba’t ibang mga magkasintahang ihinahanap niya ng motel na matutuluyan bilang dagdag na serbisyo. Dito ko naisip ang taxi joke na ikukuwento ko sana sa iyo. 

            Simple lang ang joke. May isang taxi driver, may isang pasahero, at ang joke ay nakadepende lang sa mga linyang sasabihin nila. Ang iba’y hango sa nangyaring tooo, ang iba’y maaaring imbento ko:

1.

Pasahero: Ang bilis naman po ng metro ninyo, Manong. 

Driver: Ha? Hindi a, tama ‘yan. 

Pasahero: Hindi naman po iyang metro na ‘yan, e. Eto po. 

                 (sabay dakma sa ari ng driver)

2. 

Pasahero: Ang laki naman po ng kambyo ninyo, Manong. 

Driver: A talaga? Hinid naman, ganyan rin sa iba. 

Pasahero: Hindi naman po iyang kambyo na ‘yan, e. Eto po.

                         (sabay dakma sa ari ng driver)

3. 

Pasahero: Ang laki naman po ng kambyo ninyo, Manong. 

Driver: A talaga? Hindi naman, ganyan rin sa iba. 

Pasahero: Hindi naman po iyang kambyo na ‘yan e. Eto po. 

                          (sabay dakma sa ari ng driver)

Driver: A hindi naman po. Ano lang po iyan, sakto lang po iyan sa bunganga ninyo. 

Pakiusap, kung sakaling magkita tayo uli, ito na lamang ang pag-usapan natin. Huwag na tayong mag-usap tungkol sa mga plano’t pangarap. 

               Pagkat doon mo ako mahuhuli. Doon mo ako nahuli. Isang tipikal na hapon, isang tipikal na nakakabagot na hapon na nagre-reformat ako ng nagloloko mong computer, naroon tayo, naroon sa loob ng silid na kapos sa kasangkapan, nakaupo sa sahig, magkatapat ang mukha habang nag-uusap tungkol sa mga hinanakit at plano sa mundo. Ang lola mong nagpadala ng retrato mula sa pumpkin farm, bakas ng unang pagbisita niya sa mga kamag-anak sa “AMERICAAAAAAAA!” (laging ganito kasaya ang pagkakasabi ng mga kamag-anak mong nagbabalita tungkol sa kaniya); ang nanay na inaabangan ang iyong pagtatapos at pasisimulang magtrabaho, para mapanatag at makapagpahinga na mula sa pagtatrabaho niya sa unibersidad; ang pagbisita ninyong magpipinsan sa Eat Bulaga, at ang aksidenteng pagkakasali sa Bulagaan portion. Ang mga tsubibo at carousel sa Enchanted Kingdom na hindi natin gaanong nabibisita kahit pareho naman tayong taga-Laguna. Mga plano at pangarap. Hindi ko agad napansin, itong kombinasyon ng mukhang magkalapit at pagsasalaysay ng plano at pangarap. Ilang buwan pa uli ang lilipas bago magpakita ang realisasyon. 

                   Nakasakay tayo hindi sa taxi, kundi sa isang tricycle. Galing ako sa trabaho, galling ka sa paghahapunan sa Chowking. Pabalik tayo sa bahay ninyo para tingnan muli ang naglolokong piraso ng teknolohiya. Doon, sa loob ng munting sasakyan, nagbitaw ako ng isang biro tungkol sa kahirapan at pinagtawanan mo itong hirit tungkol sa mga mahirap na nasa kanayunan. 

At hayun, ang hiningang may bango ng dalawang order na Chowking Lauriat, ang lapit ng mga mukhang niyuyugyog ng kulay pulang tricycle, ang mga maiksing palitan ng mga kuwento’t pangarap. Simula sa gabing iyon, nadiskubre kong mag-iba-iba man ang lapit o layo natin sa kung paano tayo pinagdikit sa sasakyang maalog, alam kong wala nang makakapagppabago sa kung paano kita tinitingnan noong mga sandaling iyon. 

                     Ganito, sa ganitong paraan ko maipapakita ang aking pagkatuto. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.