Si Susan at ang mga Leksyon tungkol sa Talinghaga

Isa itong piyesang naisulat ko noong 2010. Tungkol sa nanay ko, bilang pagpupugay sa nanay ko. Habang hindi pa nakakagawa ng 2020 update, sana’y sumapat muna ito. Para sa mga nanay at sa lahat ng tinatrato nating nanay.

Inagaw ng goiter ang boses ng nanay kong si Susan. Sa pagpasok ng 1998, nahinog na ang bukol sa may lalamunan niya, lalamunang kumakalong sa maligalig niyang thyroid. Hindi na kinaya ng iodized salt, mga lumot at iba’t ibang pagkaing dagat, pati ng iniinom niyang gamot, ang paglaki ng bahaging ito’t kinailangan ng operahan. Sa East Avenue Medical Center naganap ang panghahablot ng kanyang boses.

Bago ang operasyon, matatandaan ang nanay kong si Susan para sa malakas niyang tinig. Nakikipagkumpitensya ang kanyang tili sa dalawa hanggang tatlo pang kapitbahay na ina sa aming kalye: tuwing papasok ang gabi’t masyado nang madilim at malamok para maglaro ng habulan o tagu-taguan; kapag napipikon na sa kakulitan naming magkakapatid noong malayo pa ang konsepto ng tuli’t pagbibinata; sa mga oras na maulan at umaapaw ang kanal, sa mga oras na hindi inaasahan, sa mga sandaling bibigay ang kapit ng suot niyang tsinelas o sandalyas at madudulas siya, madudulas sa saliw ng “Ay kabayo!” o “Ay pukeng nahiklat!” o “Putanginamo!”


Siya ang pinakamatangkad sa siyam na magkakapatid. Siya ang pangalawang kapatid na sumusugod sa mga umaaway sa ate niyang topnotcher. Hindi siya nagreklamo noong sinabi sa kanyang ang ate niyang topnotcher na lang muna ang didiretso sa kolehiyo, kasi nga, si ateng topnotcher ang topnotcher.

Nagtrabaho siya bilang front desk personnel sa isang hotel, nagkaroon siya ng nobyo doon, katrabaho rin niya. Sabi ng ate ng nobyo niya, pwede siyang maging fashion/ramp model, lalo pa’t mahusay magdala ng damit at pagkataas-taas pa ng nanay kong si Susan.

Noong umabot siya sa kanyang ika-19 na taon, ikinasal siya sa nobyo niyang magiging tatay ko. Isang litrato na lang ang natitirang alaala ng okasyong iyon. Kapag tinitingnan namin ni Susan ang litrato, ang pinakanatatandaan kong ikinukuwento niya ay ang kolorete sa pisngi niya—iyon daw ay papel de hapon na binasa at idinampi sa kanyang mukha.

Bago mag-asawa, bukod sa pagiging model-modelan ay tumitipa rin siya ng gitara. Paborito niyang sabayan sa pagtipa ang “Sound of Silence,”Here, There, and Everywhere” o “Yesterday,” at saka “Dream, Dream, Dream.”


Madalas niya kaming mapagalitan ng kuya ko, sa mga panahong kami pa lang ng kuya ko ang anak, lalo sa mga panahong hindi namin isinasabuhay ang miracle of sharing. Madalas nangyayari ang bulyawan portion na ito kapag panahon na ng dessert, kapag nag-aagawan kami ng mga saging, ng mga hiwa ng pakwan, ng pisngi ng mangga.

Noong pinag-awayan namin ni Kuya ang pinakahuling pisngi ng mangga, nabulyawan kami. Hindi raw dapat pinag-aagawan ang pagkain. Kaya hayun, bumili pa siya ng isang bungkos ng mangga, para maturuan kami ng leksyon. Kaso, naubos lang naming dalawa ni Kuya ang pagkarami-raming mangga (Ibang kaso na iyong pinag-awayan namin ang natitirang baso ng gatas, o ang nag-iisang stick ng ice candy—doon ko nadiskubreng masakit pala sa ulo kapag sa plastic ng yelo inilagay ang frozen dessert na ito).

Ito ang mga pagkakataong imbes na manggigil ay mapapahagalpak na lang siya, si Susan, ang nanay ko.


Pinakahuli kong narinig ang malutong niyang tawa noong nakaraang Disyembre, noong nasa kalagitnaan kami ng paghahanda sa church wedding ng kuya at hipag ko. Ikinukuwento niya sa isang bisita ang mga plano niya para sa kasal ng anak: ang kulay talong na mga dress, ang mga barong na galing sa Divisoria (na sabi nga ng kaibigan ay hindi lang basta barong, CHINESE COLLAR barong pa), ang pagpapaimprenta ng mga imbitasyon, ang mga gown na isusuot niya (talagang “mga” gown, dahil hindi lang iisa). Umakyat siya papunta sa kuwarto nila, bumaba suot ang one of two gowns, at napagbiruan naming mukhang siya at hindi ang hipag ko ang ikakasal.

Noong nagtanong ang bisita tungkol sa wedding dance, natuwa siya, sabi niya’y maiiba ang bahaging ito dahil sa imbes na mabagal na kanta’y sasabayan niya ng indak ang “I want nobody, nobody, but you!” Sabay halakhak pagkatapos idutdot ang hintuturo sa bisita.

Lagi kong sinasabi sa mga kuwentuhan, minsan ko nang naisulat, ang tawang iyon, ang halakhak ng nanay kong si Susan ng mga oras na iyon, iyon ang isa sa mga pinakamailap na pagkakataong narinig kong tumawa siya nang buong laya at pagmamalaki. Higit pa sa mga panahong hindi pa hinihiklat ang kanyang thyroid, higit pa sa mga sandaling tinitingnan namin ang wedding picture niya’t ang pisnging pinulahan ng papel de hapon.

Ito marahil ang tawa niya bago siya nag-asawa, bago siya pinaos ng buhay pamilyada, bago niya pinasan ang tatlong anak na may magkakaibang antas ng kulit, bago siya maoperahan sa lalamunan, bago siya mawalan ng boses.


Sa kanya ko nakikitang pinakaangkop ang mga gasgas na simbolismo ng mga bintana’t pinto.

Pagkat ito ang nagbibigkis at naghihiwalay sa amin, sa bahay na siya rin ang nagpasimula. Naaalala ko ang mga anyo ng lagusan at ang pagbabagu-bago nito sa paglipas ng mga taon. Ang pintong gawa sa kahoy at screen ay mapapalitan ng bakal, ang dating hubad na bintana’y mabibihisan ng grills at blinds, ang dating dalawang silid ay magiging tatlo, ang dating iisang palapag ay magiging dalawa. Habang kumakayod ang asawa niyang tatay ko sa ibang bansa, siya ang sumigurong maititindig ang istrukturang magsisilbing pugad naming mag-anak. Pero, sa proseso ng paglikha, lumaki ang mga taong sinisilungan ng edipisyo. Nag-asawa ang kuya ko, nagsimula na akong magtrabaho, ang bunsong kapatid naman ay nilulubos ang buhay kolehiyo. Madalas, lalo noong hindi pa nagreretiro ang tatay ko, maiiwanan si Susan, ang nanay ko, sa pugad na itinayo niya para sa amin, maiiwanan siya para siguraduhing mananatiling malinis ito, para mabantayan ang mga alagang halaman at hayop, para matiyak na nasa oras ang bayad ng kuryente at tubig, para bigyan kami ng garantiyang anumang oras man kami dumating, siguradong may tahanang uuwian, may pagkaing makakain, may mga silid na matutuluyan.

Minsan, inaamin ko, nakakalimutan kong siya ang gumagawa ng lahat ng ito. Nawawala sa isip na siya ang puwersang pumipigil sa pagguho nitong tumpok ng semento, bakal, at bato.

Kaya sa mga oras na matalas ang pag-alala, sa mga saglit na naiisip kong kailangan kong tiyakin sa kanyang nakikita namin siya, umaakyat ako malapit sa silid niya, maaabutan siyang nagtatahi ng sirang damit o kurtina habang nanonood ng anumang sikat na telenobela. Sa mga oras na iyon, sinisikap kong buksan ang mga lagusan ng aming mga silid, tinatangka kong mangamusta, makipag-usap. Kamusta siya. Kamusta ang araw niya. Ano ba ang ginawa niya sa araw na iyon, sino ang mga nakausap niya. Iniisip kong sa gitna ng mga tabing nitong literal at metaporikal na pinto’t durungawan, sa dinami-dami ng screen, kurtina, blinds, kandado’t hagdan nitong binubuo naming tahanan, iniisip kong paminsan-minsan, tulad ng mga palabas na pinapanood niya, iniisip kong minsan talaga’y kailangan ang kaunting pangangamusta’t pagdadrama.


May isang umagang naabutan ko siyang naglalaba, si Susan, ang nanay ko. Papunta ako sa grade two quiz bee challenge, at siya naman ay wala pang nababanlawan. Mauuna na lang ako, sabi ko. Hahabol na lang siya, sabi niya. Alam kong mananalo ako at alam kong dahil doon ay matutuwa siya.

Lumipas ang patimpalak, wala akong Susan na naabutan. Okey lang, panalo naman. Ikukuwento ko na lang sa kanya pag-uwi, sabi ko, tutal ay walking distance lang naman. Mabilis akong umalis ng eskuwelahan.

Hindi ko siya naabutan sa may poso kaya binuksan ko ang kanilang kuwarto. Naroon siya, gulo-gulo ang mamasa-masa’t hindi pa nasusuklayang buhok, nagmamadaling ibutones ang kulay kahel na blusa (kahel na may mga itim na polka dot). Natigilan siya sa pagmamadali at ang nasabi na lang ay “tapos na?” Hindi maipinta ang mukha niya sa sabay na lungkot at panghihinayang.

At ito, ang eksenang ito, ito ang palagi kong ibibigay na eksena kung may hihiling sa akin na ilarawan ang pagmamahal.


Noong unang panahon, noong ang SM ay sa Cubao pa lang, at ang konsepto ng pasyal ay hindi doon kundi sa Fiesta Carnival, ipinasyal kami ng nanay kong si Susan. Kasama ang tatay na galing sa Saudi, nagpaikot-ikot kami sa karnabal, sumakay sa mga laruang kotse, umikot sa Caterpillar, uminom ng sago’t gulaman. Pagkatapos ng sago’t gulaman ako biglang nawala sa paningin nila.

Alalang-alala silang mag-asawa noong nakita nila ako. Ako naman ay takang-taka, paano’y isinoli ko lang naman ang plastic na basong pinaglagyan ng gulaman. Naisip ko, baka katulad iyon ng mga baso sa sarili naming bahay, na kailangang ibalik para mahugasan, dapat nagsosoli pa man din kami ng mga hinihiram, iyon ang palaging sinasabi nila. Sigurado akong napagtawanan lang nila ako noon, sila, ang mga magulang ko, iyong tatay ko, at siyempre’y ang nanay kong si Susan.

Ewan ko, siguro kahit noon pa lang, matagal ko nang alam na kahit anong mangyari, mapadpad man ako sa kung saang lupain, maligaw man ako ng ilang milyong ulit, parang matagal ko nang naintindihan na palaging sa kanya naman ako uuwi, na palaging sa kanya ako magpapabalik-balik.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.