Sa iyong nangakong makikipagtagpo sa kabilang dulo:
Tungkol ito sa ating napag-usapan, at ipagpapauna ko nang sisikapin kong gawin itong pag-uusap sa pinakapormal na paraan na abot ng aking kakayahan. Ayokong isiping pinepersonal kita, gaya ng ayaw kong isiping pinepersonal mo ako. Ayan, nakita mo na, sa umpisa pa lang ay naliligaw na agad tayo. Kaya subukan natin itong paraan ko. Hayaan mong tratuhin natin ang liham na ito na parang usapang trabaho, at hindi isang liham ng pag-ibig o malasakit.
Nais kong balikan ang huli nating pag-uusap. Ang pag-uusap tungkol sa bukas, sa kinabukasan. Batid natin ang kontradiksyon dito. Ang isang pag-uusap na nagtapos na, bahagi ng nakaraan, tungkol sa mga plano sa bukas, ang hindi pa nalalamang hinaharap. Nahihirapan akong ipaliwanag ang puno’t dulo, parang isang lumang larawang may nawawalang piraso. Nawawala, o kumupas. Hindi ko na rin matandaan ang eksaktong kuwento. Maaari mo ba akong tulungan? Marami akong hindi na matandaan pero sa nawawala kong mga alaala, naroon ka, isang kontradiksyon at isang pangako. Oo, tungkol sa isang lumang larawan, hindi ito buo pero alam kong kasama ka sa larawang iyon. Minsan ang larawan ay gumagalaw, nagkakaroon ng tunog. Isang pelikula, isang palabas. Sa putol-putol na palabas, naroon tayo—isang “noon” na nagkukuwentuhan tungkol sa isang “bukas” na hindi pa nagaganap. Maraming hindi malinaw, pero laging kabisado ko ang pagkahalina ko sa pakikipagkuwentuhan tungkol sa mga bukas, plano, at pangarap. Natatandaan ko, pakisabi kung nagkakamali ako, natatandaan kong sinadya mo man o hindi ay pinilit mo akong manatili dito. Dito sa lugar at panahong wala ka. Dito sa lugar at panahong may pangakong darating ka, pero palaging hindi malinaw kung paano, kailan, at sa anong anyo ang iyong pagdating.
Ang hinihiling ko sa iyo sa ngayon, ikaw na aking pinatutungkulan, ikaw na pinag-aalayan nitong liham, ay sikaping huwag bumitaw sa aking paglalahad at pagpapaliwanag. Hinihiling kong yakapin mo itong mga iniaalok kong pagkalito. Kung maaari. Naaalala mo ba? Itong kuwentong hiwalay sa atin pero baka malapit din, tungkol sa dalawang pinagtagpo ng pagkakataon. Oo, isa itong “noon,” iba sa naunang “noon” na ipinapaalala ko sa iyo, magkakaibang “noon” na baka magtatakda ng magkakaibang “bukas,” kung saan maaaring naroon ka. Itong isang noon ay may dalawang tauhan, pinagtagpo, pinaglapit ng kani-kanilang mga salaysay ng nakaraan at kasalukuyan, ng kanilang mga plano sa hinaharap. Ang kanilang mga salaysay ay salaysay din tungkol sa pagmamahal, o kung paanong sa kasalukuyan nilang sa ngayon ay noon na lamang, ang kanilang dating noon kung saan hindi sila maaaring maging panatag, buo, iisa. Matatapos ang kanilang dating ngayon sa isang usapan, sa isang pangako—may isang magsasalitang “kapag maaari na akong umibig muli, at kung wala ka nang ibang iniibig ngayon, hanapin mo ako.” Naaalala mo ba kung napag-usapan natin ito? Iniisip kong ang pag-alala dito ay magpapalinaw sa ating sitwasyon.
Sige, ganito na lamang. Aaminin kong itong mga bugso ng iba’t ibang “noon,” ang mga oras na dumaraan, ang mga araw na lumilipas, ang mga buwag natatapos, lahat sila ay mga “noong” nagsasanga-sanga at tinatangay ako sa mga istorya at direksyong sa aking pakiramdam ay naglalayo sa kapanatagang inaasam mula sa muli nating pagtatagpo. Ang mga istorya ng aking “noon,” ang mga lumilipas na “ngayon,” ay mga sala-salabat na kuwento ng hinagpis, pasakit, paghihirap, kamatayan. Malayo ito sa naibahagi kong kuwento ng mga taong naghahanap ng pag-ibig, sa kanilang naglalatag ng mga pangako at nagtatanim ng pag-asa. Na, sa isang araw, isang bukas, mahahanap ang lahat ng hinahanap at nawawala. Na, bukas o makalawa, hindi malayong katotohanan ang makita, makausap, at mayakap ka.
Ganito, isipin mo, sa isang mundong kawangis ng sa atin, may mga gumaganap sa mga papel na dapat tayo ang umaako. Sa isang kahanay na daigdig, sa kapares na espasyo’t panahon, may humahalili sa ating mga pagkukulang; may ibang timbre sa mga awit na matagal na nating kabisado’t binibirit; ibang pagkain ang hinahagilap ng mga katawang nagugutom, iba ang ugat ng mga gabing mailap ang antok/ mga umagang maligaya ang gising dahil sagana sa pahingang panatag. Sa isang mundong kawangis ng sa atin, itinutulak at hinihigop ang uniberso ng magkakaibang mga sentro. Umiiral ang mga estrangherong batas ng pag-unawa, maaaring may mga puwersang lampas sa ating nakasanayang parametro ng pisika’t iba pang agham-pangkalikasan. Isipin mo, na itong mga binabalasang magkamukha pero magkaibang mundo at tao, darating ang araw na masasalansan ang lahat ng ito, babalik sa angkop na hanay, at maiwawasto ang mga nawala sa ayos.
Lumiliham ako sa iyo para kumpirmahing sa kabila ng maraming pagkalito, lampas sa napakaraming pagsasala-salabat, nagmamalasakit ako, umiibig, nananalig sa isang bukas, iyong bukas na pareho nating iniisip bilang bukas na bukal ng maraming pagkapanatag, ng mas maraming maligaya at mapayapang bukas. Lumiliham ako para ipabatid na kahit madalas, iniisip kong hindi ako makakaalis dito sa lugar at panahon kung saan tayo huling nagkita, dito sa iyong “noon” na aking “ngayon,” isang lugar at panahong napakalayo sa lahat ng ating inasam at inaasahan, nagpapatuloy ako, umuusad, hanggang sa kabilang dulo ng pagtatagpo, hanggang doon sa ating bukas.
Palagi akong sumasaiyo. Ibayong pag-iingat, at magkita-kita tayo sa kabilang dulo.
