Understanding the Reference: Ang Ating mga Pag-uugat, Pag-uugnay, at Pananalig sa Komunidad ng Pagtuturo at Pagsusulat

(Pangwakas na mensahe sa natapos na Gemino Abad Seminar Workshop, na isinagawa noong 22-25 Setyembre 2021

Sa dami ng mga palihan at seminar na nalahukan ko para sa Likhaan: UP Institute of Creative Writing, nabuo ang pangarap kong maging Steve Rogers ng mga opening at closing program. At gusto ko mang sabihing dahil ito sa hiling na maging kasingkisig at kasinglakas ng comicbook hero ang dahilan ng nasabing pangarap, hindi itong kamachohan ang aking hinihiling, o hindi para masabihan ng mga tagapakinig at tagapanood na “that’s ICW’s ass!” At syempre, binabati ko kayong lahat na napakinggan ang linya at napasabi sa sariling “I understood that reference.”

Kung hindi para rito, o bukod pa rito, sige na nga, gusto kong magbukas at magsara ng mga palatuntunan—kumperensiya, panayam, seminar-workshop—sa isang paraaang kawangis ni Captain America sa mga napanood nating pelikula. Yung tipo ng pagtatalumpating kalma, malinaw, tiyak. May mensaheng sinasabayan ng mga instrumentong pang-orchestrang unti-unting lumalakas kasabay ng pagkabog ng mga dibdib. Kumakabog sa dagdag na lakas ng loob, sa umaalingawngaw na pag-asa, sa liksi ng isip at katawang kayang humarap sa dambuhalang kalaban at kayang sabihing “I can do this all day.” Sa pangkalahatan, gaya ng sentimiyento ng marami sa atin, gusto nating magsulat at magpakawala ng mga salitang may tunog ng nalalapit na tagumpay.

Hindi ganoon ang takbo ng mga bagay sa kasalukuyan. Alam natin ito. Ang lungkot, pagkadismaya, takot sa di maaninag na pagtatapos ng pandemya—iyan ang overall arc ng ating COVID-19 experience sa kasalukuyan. Tema at sentimiyentong naihinga natin nang ilang beses sa ating mga talakayan sa apat na araw ng seminar at palihan.

Ihininga natin kung paanong ang marami sa mga kaya at hindi kayang gawin ng panitikan at malikhaing pagsulat ay nakasalalay sa usapin ng mga sistemang tagapagpaganap at tagapagbawal—kung paano tinatrato bilang laro ng tagu-taguan o patintero ang pagpasok ng mga konsepto at lapit sa pagsusulat ang iba’t ibang mga asignatura, mga subject na itinakda sa elementary at high school maliban sa mga tiyak na kursong nakalaan sa pag-aaral ng mga malikhaing akda. Tinitiis natin ang pagsingit ng paghahambing, kontekstuwalisasyon, kabalintunaan, pananalinghaga, paghahanap ng resolusyon, sa kung saan natin makakaya, sa abot ng ating makakaya. Whatever it takes, sabi nga ng sikat na pelikula. 

Batid natin ang mahika ng mga salita, kaya madalas ay parang magic din natin itong ipinapasok sa mga kurso sa Arts, Science o Math. Nagtatanim tayo ng mga pananaw kaugnay sa pagkukuwento at pagtula, sa pananalig na darating ang araw na may isang empleyadong titingin sa kanyang computer o makina, at matatauhan sa kung bakit may mga araw na mas mahalaga pa ang trato at pag-aalaga ng mga employer sa mga kasangkapan ng opisina o pabrika; o, may physician o doktor na namatayan ng pasyente at batid niyang ang itatawag niyang oras ay hindi lamang oras ng kamatayan ng katawan, kundi oras kung kailan muli na namang nagkulang ang suporta sa sistemang pangkalusugan ng bansa; may gurong nakatitig sa rubric ng paggagrado sa klase, at sa pagitan ng pagpili ng equivalent ng pass o fail sa mag-aaral na ilang beses nang hindi makapasok sa online class, ang una niyang itatanong, “bakit kaya siya nawawala?.” Kinikilala natin ang mga pansarili at kolektibong pagod, habang pinapaalala sa sariling ang mga leksyon din sa panitikan ang siyang nagbibigay ng lakas na kumilos sa gitna ng at lampas sa sariling hinaing ng puso at katawan. Ang pagkontra sa sarili nang maraming ulit, isa rin ito sa regalo sa atin ng pag-unawa at pagtuturo sa hiwaga ng mga salita.

Sa mga aralin sa pagtatawid ng kaalaman mula sa iba’t ibang anyong pampanitikan, humugot tayo sa iba’t iba nating mga “what if.” What if ang totoo para sa akin ay hindi totoo sa iba. What if itinatanghal ng ating mga ehersisyo sa online na dula, kasabay ng ating kanya-kanyang mga pagka-logout at diskoneksyon, ang kakapusan at limitasyon ng ating access sa mga batayang serbisyo gaya ng kuryente at Internet. What if ang kahol ng aso sa isang online class ay mas maingay at mas nakakaistorbo dahil paalala ito ng inaasam-asam nating ligtas na balik eskuwela, isang pangarap na tila matagal pa bago maging totoo. Inaral at pinahalagahan natin ang pag-angkin sa katotohanan at pagharap sa mga umaagaw nito, hinagilap natin ang mga  nawawala sa iba’t ibang mapa para maibalik sa papel at sa gunita, naghimay tayo ng mga bersong pinagbigkis ng mga hinagpis at paghihintay sa magkakaibang antas ng pagbabalik. Kasabay nito, nanawagan ang ating mga kasama sa seminar at palihan, nanawagang maging totoo, to “get real.” At bagaman nakalilitong tumumbok ng totoo sa dami ng hokus pokus ng gobyerno o/at ng iba pang mga galamay nito, natutuhan din nating ang bisyon ng maayos na mundo ay lumilinaw sa tulong ng paglikha at pagsipat na magpapabalik sa ating pakiramdam at pagtrato ng pagiging tao. Ang ekstensyon o pagpapatuloy sa kuwento. Pagbubukas sa mga posibilidad. Paglalagay ng puwang at lugar sa mga bahaging sa umpisa’y walang espasyong nakalaan. Ehersisyo sa pagbibigay at pag-aalay ang ating mga aralin sa pagtuturo ng panitikan.

At sa esensya ng pagpapatuloy, alam nating hindi sa mga salita natatapos ang kuwento. Hindi sa pagtuturo. Nasa patuloy na pag-aaral, sa paghahanap ng mga hakbang at gawain upang maging maalam at magkaroon ng pagkakataon para lumubog at makisangkot. Ito ang klase ng pakikisangkot na marunong makinig, magtimbang, magpuna at magwasto. Sensitibo at mapanganib ang ating tuntungan, paano’y nabubuhay at kumikilos tayo sa mala-hydra na sistemang lumilingkis at lumalamon sa atin habang sinisikap nating magwasto at magpuna. Lumalaban habang nasa loob ng sistema, kaya may panganib na malamon ng sistema, gaya ng mga binabasang bida sa kuwento o nobela. Pero muli, pinapaalala sa atin ng ating pagbabasa at pagsasanay sa arte at literatura, laging ibinabalik sa atin ang pangako ng pagbabalik-sa-ayos. Gaya ng mga paboritong bayani at superhero, sa isang panahong malayo man ay may destinasyong hindi kasindak-sindak ang distansya, may isang araw na gagaling ang mga dapat maghilom, at mababawi ang nararapat sa mga dapat singilin. Habang may kayang lumikha. Habang may mga nangangahas magbasa at makinig. Habang may kapwang kayang magbigay at magbahagi ng lakas at kaalaman sa iba. Ito ang ating baon mula sa Gemino Abad Seminar Workshop, ang pananalig at pangakong sa panahong may banta ng pagwawakas, may kapangyarihan tayong maghawan ng landas patungo sa mga lugar at kalagayang mas ideyal, maginhawa at panatag. Whatever it takes, sa abot ng ating makakaya, ika nga ng binanggit kong superhero na bida sa umpisa.

Pagbati sa lahat ng nakatapos ng seminar workshop. Dalangin ko’y makalikha at makapagbahagi ang ating mga salita at iba pang gawa patungo sa pagbibigkis, pagsasaliksik, paglikha, pagsipat, pakikinig, pagtindig.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.