Tapos na si Mama sa mga Tiktok ng Tingting-tangtang. Wala na ring bagong K-Drama pagkatapos ng lumang serye ni Lee-Min Ho. Ang kinabaliwang First Yaya, nalampasan na niya hanggang sa yugtong ang yaya ay naging First Lady na.
Kaya, sa partikular na hapong iyong, isang hapon bago ang pagbabalik kong muli sa opisina, ikinuwento niya ang video tungkol sa painting na may kakaibang halaga. Isang larawang nabili sa pangkaraniwang ukay-ukay, na sa dulo ng video ay sasabihing nadiskubre ng bumiling labing-apat na milyon pala ang presyo. Totoo kaya iyon, nasabi ni Mama, habang kinukutkot ang mga dumi sa daliri ng paa.
Magpapa-pedicure siya sana, kaya lang ay nagsabi akong pauwi na ako mula sa sariling lakad, kaya siya na lamang ang nag-pedicure sa sarili at hindi na umalis. Mahirap maglinis ng sariling paa, sabi niya, habang nanlalamig ang tinimpla niyang SanMig Coffee sa katapat niyang mesa. Nabanggit niya ang tungkol sa napanood na video, kung totoo kaya iyon, na ang sagot ko ay “ewan ko, baka.” Pagkatapos, ihininto niya ang ginagawa, at ibinalitang nagbalik siya sa ukayang dinaanan namin noong nakaraang Sabado, biyaheng ukay na naudlot dahil nagsabi akong kumukulo na ang tiyan ko. Bumalik siya, sabi ni Mama, at nagsiksik doon sa pinakalikod, kung saan nakabili siya ng sapatos na 55 at 65 pesos. May bahagyang biyak ang isa, pero hindi na raw mahahalata kapag napatahi na. May dalawang bag ding nasa 55 at 65 ang halaga, at shorts na kung magkano ay lumipad na sa aking alaala. Ipinarada ni Mama ang mga gamit na nabili niya.
Noong natapos ang kanyang fashion show, ipinakita naman niya ang mga polo shirt na ipinagako niyang bibilhin para sa akin. Pero ang sa akin, hindi galing sa ukayan, kundi sa palengke na mas mahal. 280 ang sa akin, at bumili siya ng dalawa. Isusuot ko ang maroon na polo shirt pagpasok ko sa Lunes, sabi ko sa kanya.
Nag-iba nang bahagya ang timpla ng tinig niya noong nasabi kong baka hindi ako makadalaw sa susunod na linggo, pero agad namang bumalik ang sigla noong ikunukuwento na niya ang pabaong adobong manok, mga damit na naplantsa noong nakaraang gabi, hopiang may palamang pastillas. Matulog daw ako nang maaga, sabi ni Mama, para hindi ako mapuyat. Pareho naming binati na sana ay bumalik na ang tubig na humina ang tulo noong umaga, pero sinabi ko ring nag-text ang head ng HOA, at nagbalitang bukas pa magagawa ang nasira. Natulog akong iniisip na sana’y tauhan kami sa isang larawan na ipinipinta, at pumasok naman akong bitbit itong eksenang ipininta sa alaala.
Isang araw, mabibili ang larawang ito mula sa estante ng ukay-ukay, o makikitang nakasabit sa maliit na palengke, baka mapulot mula sa tambak ng basura. Balang araw ay magugulat sila sa taglay nitong halaga.