Pagkat sinisi mo ang higanteng lamok
na sa aming balat ay nakikipapak—
kay Kuya’t sa akin, sa banig, sa lapag—
minsan isang gabing mailap ang tulog.
Kaya kamo ikaw, piniling umalis
at sa eroplano’y sumakay, lumisan.
Paroon, parito, ginhawa ang asam.
Sa bawat paglipad, may di maibalik
mula sa Irish Spring o Ferrero Rocher
nitong kahun-kahong mga alaala—
di-kasyang sapatos, tambak ng delata,
class A na G-shock, kid-size na Tag Heuer.
Sa lahat ng misyon, sa dami ng naipon,
lagi’t laging kulang ang ating panahon.