Talon*

1.

Paborito niya ang kuwento ni MC.  Tuwing magkikita kami doon sa AS Steps, kahit saan pa mag-umpisa at matapos ang pinag-uusapan, laging nababalik kay MC ang mga gitna at singit-singit ng istorya.  Si MC na naging kaklase ko sa Soc Sci 2, noong required pa ang Soc Sci 2 (palagi pa rin siyang nagugulat kapag naikukuwento ko sa kanya na hindi na required ang mga subject na required sa dati sa lahat ng taga-UP).  Si MC na mas matanda sa akin nang dalawang taon (1996 ang student number ni MC), si MC na nagsabing huwag kong tatawaging “Palma Hall” ang Palma Hall kundi “AS,” para hindi ako mahalatang freshie ako.  Si MC na maraming lumang kuwento, tungkol sa UP noong hindi pa ako taga-UP, tungkol sa Palma Hall na dapat kong tawaging “AS.”  Dati raw, may mahahabang mga bangko sa hallway, east wing man iyan o west wing (mga upuan na lang sa loob ng CR ang naabutan ko, na naalis na rin noong third year na ako, alam ko nasabi ko na sa kanya iyon e).  Dati, walang grills na nakaharang sa fourth floor ng building, nagpalagay lang ang admin dahil andaming estudyanteng nasingko ang tumatalon doon.  Dati, noong hindi pa marami ang nagpapatiwakal, sabi ni MC, nakakaupo sila doon sa itaas, nakaupo sa may pader na bumabakod sa loob at labas ng gusali, naigagalaw ang mga paa habang nagbabatuhan ng mga kuwento tungkol  sa US troops sa Pilipinas, sa mga prof na late magbigay ng classcard, sa PI 100 na talagang mapapasabi ka ng “P.I.” dahil sa napakahabang pila tuwing enlistment, na minsan ay magkakaubusan o mapupunta sa teacher na  walang ibang pinapagawa kundi ipabasa ang libro na siya ang sumulat kahit walang kaugnayan kay Jose Rizal.  Totoo namang marami akong maaaring ikuwento tungkol kay MC.

“May gusto talaga sa iyo yun.”  Lagi niyang isinisingit iyon, habang nakaupo kami sa AS Steps, naghahabulan ng mga kuwento.  Lagi lang akong mapapangiti, titingin sa kalsada sa tapat, saka sasagot.

“Alam mo namang may iba akong gusto.”

At gaya ng dati, ililihis niya ang usapan, ibabalik kay MC, si MC na dating kaibigan, si MC na walang kamalay-malay pero laging pinag-uusapan.  Ipapakuwento niya ang mga naikuwento ko na tungkol kay MC, na marunong manghula ng kapalaran si MC, na marunong tumingin si MC ng hinaharap ng tao sa paghawak lang sa kamay.  Oo, sabi ko, hinawakan ni MC minsan ang kamay ko, binasa ang kapalaran, minsan, noong magkaibigan pa kami.

“Tapos, ano nga uli yun?”  Alam kong alam na niya, gusto lang niyang sa akin manggaling.

“Sabi ni MC, hindi raw ako magiging mayaman pero hindi rin maghihirap.  Sabi ni MC, huwag akong mag-teacher pag naka-graduate ako, kasi hindi ako nababagay sa ganoong trabaho.  Sabi niya, makikita ko raw ang taong nababagay sa akin, basta kailangan kong magtiwala, magtiwala at tumalon.”  Lagi siyang mapapangiti sa bahaging iyon.  Mapapangisi bago tumingin sa akin at sabihin:

“Akala ko talaga noong una, babae si MC.”

2.

Laging mag-uumpisa ang kuwento niya sa natapos na birthday ng nanay niya.

Doon kami sa AS Steps nagkita.  February 29, 2000.  Isang makulimlim na hapon ng Martes, noong napaupo ako habang iniisip kung ipapasa ko ba ang pangatlong Math subject na inenrol ko, o kung dapat na bang mag-drop at magplano ng lilipatan.  Doon ko siya unang narinig na magsalita.

“Birthday ng nanay ko kahapon.”

Noong napatingin ako sa direksyon ng boses ay napansin ko agad ang mga kamay niya, nakataas, ipinapakita sa akin ang mga guhit sa palad.

“Andami kong hinugasang plato.”

Ikinuwento niya ang nanay niya, lagi niyang ikinukuwento ang nanay niya.  Ang kaarawan.  Siya lang ang nag-asikaso ng lahat.  Wala naman siyang kapatid.  Ang tatay niya, matagal nang wala iyon.  Simpleng handaan lang naman, may brazo de Mercedes saka ube ice cream, tapos may dalang spaghetti at barbecue ang mga kaopisina ng nanay niya.  Andaming bisita, andami ring hugasin.  Inabot daw siya ng hanggang alas dose kakahugas ng pinagkainan.  Pero masaya naman daw, saka siya lang ang inaasahan ng nanay niya.  Kapag ikinukuwento niya ito, lagi niyang iniaabot ang mga kamay niya.

“Belated.”  Laging iyon naman ang nasasagot ko sa kuwento niya, bago niya tanungin kung ano ang inaabangan ko.  Saka ko ikukuwento ang pag-iisip tungkol sa pag-drop ng subject.  Kapag sasabihin ko nang Math ang inenrol ko, iisa lang din ang sagot niya.

“Naku, Math, mahirap iyan.”

Pagkatapos ay lalapit siya papunta sa akin.  Magtatanungan kami ng pangalan, ng kurso, kung tagasaang probinsya kami galing, kung saan kami umuuwi.  Saka ko maisisingit na ayoko naman talaga ng Computer Science, gusto ko lang namang magturo, na maging teacher.  Saka susulpot sa usapan ang paborito niyang si MC.

Noong unang engkuwentro, nagkuwentuhan kami tungkol sa mga kaarawan hanggang sa mga subject na gustong i-drop hanggang sa mga kaibigang hindi na kaibigan at mga pangarap sa pagtuturo na hindi nababagay sa akin ayon sa hula ng kaibigang hindi na kaibigan, tungkol sa kuwento ng mga bumabagsak na tumatalon at mga grills at mga upuan na dati’y naroon pero biglang wala na.  At bigla-bigla, natapos na ang Pebrero at pumasok na ang unang araw ng Marso.

3.

Noong unang engkuwentro, interesadong-interesado siya sa mga usong kampanya ng aktibista (“No Way VFA” ang sinabi kong isinisigaw noong ako ang bagong-salta sa State U), sa kung sinong mga fraternity ba ang magkakaaway (nabahagi ko naman ang takot ko noong nakaraang taon dahil may binaril na estudyante sa building malapit sa kinukuhaan ko ng Nat Sci 2), sa kung sino  na ba ang presidente  ng Pilipinas (natawa siya noong sinabi kong si Erap na ang pangulo).  Tinanong niya ako kung magkano na ang pamasahe sa Ikot jeep (napailing siya noong sinabi kong 2.25 ang naabutan ko).  Kinamusta niya ang pila tuwing enlistment (nabahagi ko tuloy ang pinapauso ng registrar na computerized registration at ang registration form na may carbon paper kaya hindi na kailangang isa-isang sulatan gaya ng mga naabutan nilang forms noon).

Sunod kaming nagkita noong 2004, February 29.  Akala raw niya hindi na ako babalik.  Dating gawi, naikuwento niya ang nanay niyang nag-birthday noong nakaraang araw.  Naisingit ang kaibigang si MC.  Naulit ang mga bagay na nasabi na, pero sumunod lang ako sa daloy ng kumustahan.  “Teacher na ako,” nasabi ko sa kanya.  Natawa siya bago siya humirit ng “mali pala ang panghuhula ni MC.”  Sasabihin niya uling akala niya, babae ang MC na ikunukuwento ko, bago siya magtanong ng mga bagay-bagay na alam kong dapat ay alam niya kung kaeskuwela ko nga siya, pero sabi nga sa hula ni MC, sumubok tumalon, at magaan naman siyang kausap, kaya tuloy-tuloy lang ako.  Ikinuwento kong hindi na required kumuha ng grammar at research subject ang mga estudyante, pwede na silang pumili ng iba-ibang general education course nila.  Ang fourth floor lobby ng AS, nahulog sa third floor dahil sa lumang materyales, kaya may harang sa gitna ng east at west wing noong ginagawa ito.  Nabanggit ko ang People Power Two at ang pagpapatalsik kay Erap, si Gloria Arroyo ang pumalit.  Sabi ko, may usap-usapang imbes na Miyerkules ay maging Lunes na ang weekday break sa Diliman.  Tinanong ko kung gusto niyang maglakad, kumain sa Mcdo sa Philcoa o sa Tandang Sora, doon ituloy ang usapan.  Ngumiti lang siya.  Noong bago kami maghiwalay, sinabi niya, kuwentuhan mo uli ako pagbalik mo.

February 29, 2008.  Katulad ng dati.  Birthday ng Nanay.  Si MC at ang fourth floor ng AS na pinasara dahil sa mga nagpapakamatay.  Hindi pala babae si MC.   Wala nang classcard dahil online na ang grading (mas masarap pa rin daw ang pakiramdam ng nahahawakan ang classcard).  Nagmahal na ang tuition sa UP, mula 300 ay naging 1000 hanggang 1500 pesos (baka mas maraming fourth floor daw ang dapat harangan at maraming mapapatalon sa kamahalan, sabi niya).  May mga estudyanteng dinukot ng militar, halos dalawang taon na silang nawawala (umiiling-iling siya noong sinasabing sana may makanap sa kanila).  Nagkaroon kami ng 20000 pesos na bonus dahil sa sentenaryo ng UP (pareho kaming hindi magaling sa Math pero sa kuwenta namin ay kulang pa iyon sa 15 units kung 1500 pesos ang tuition).  Ang pamasahe sa Ikot, limang piso na (sabagay, sabi niya, marami na namang de-kotse).  Tumawa at pumalatak at bumuntong-hininga kami sa mga napag-usapan, walang paki sa mga nakatambay o dumadaan na napapatingin sa lakas ng kuwentuhan.  Noong malapit na uling pumasok ang unang araw ng Marso, nagpaalam na ako, kailangan ko nang umuwi.  Ang mukha niya, parang nag-aalalang hindi na kami magkikita sa susunod.  Nginitian ko siya, at kahit alam kong hindi naman siya papayag, tinanong ko kung gusto niyang sumamang mag-Mcdo muna sa Philcoa o sa Tandang Sora.

4.

Mga alas-nuwebe na ng gabi ako nakarating sa AS Steps noong pinakahuli naming pagkikita, ginabi sa meeting tungkol sa K-12 at sa mga pagbabago sa academic calendar ng UP at ng iba pang mga eskuwelahan (mula Hunyo, Hulyo o Agosto na).  Alam kong maiirita siya sa mga ikukuwento ko sa kanya.  Ang mukha niya, ganoon pa rin, mukhang nag-aalalang hindi mababalikan, nag-aalala o/at sabik sa kausap.  Bukod sa mga dating gawi, nabati niya ang dumaraming Inglesero sa UP, marami na raw sa may steps, naghihintay ng mga sundong kotse. 

“E may ganoon naman kahit noong panahon mo di ba?” 

Ngumiti lang siya, gaya ng dati.  “Mas grabe ngayon.”

Hinawakan ko ang kamay niya.  Ganoon pa rin siya, kung ano ang itsura niya noong una kaming nagkuwentuhan.  Buti pa siya, naisip ko.  Ako, namayat at nanaba at namayat at nanaba uli sa siklo ng pagpupuyat at pagkain at pag-diet at eherisyo.  Mas malalim ang ilalim ng mga mata, nadagdagan ang mga guhit sa mukha.  Nagkaroon at nawalan ng iba’t ibang mga kaibigan at ugnayan.  Siya ganoon pa rin, parang noong unang ng pagkukuwentuhan.  Hanggang sa oras na iyon, ika-29 ng Pebrero, 2012.

“May nakilala nga pala ako, noong nakaraang taon.”

“Talaga?  Kamusta?”  Alam kong na-excite siya sa bagong kuwento.

“Wala, parang si MC lang din.”

Ngumiti siya, alam niyang ayoko pa munang pag-usapan.  Nagpakuwento na lang siya sa mga bagay na alam na namin pareho.  Si MC.  Ang nanay niya.  Ang Math na mahirap ipasa.  Ang fourth floor ng Palma Hall na kahit tawagin naming “AS” ay hindi mawawala ang lahat ng tumalon.  Ang pagbibiro niyang may gusto sa akin si MC, ang laging sagot ko sa ganoong hirit niya, “alam mo namang may iba akong gusto.” 

Bago pumasok ang unang araw ng Marso, nagpaalam uli kami sa bawat isa.  Niyaya ko uli siyang kumain, gaya ng dati, at gaya ng dati ay muli siyang tumanggi.  Pumunta ako sa parking lot sa tapat.  May sasakyan na pala ako, alam kong alam niya kahit hindi ko sinasabi sa kanya.  Alam ko ring nagpipigil lang siyang asarin ako, na kamukha ko na ang mga Ingleserong batang kinukutya namin simula pa lang sa umpisa, na nagbago na ako.  Pero alam kong biro lang niya iyon, pang-alis sa iniisip niya, ang nanay niya, birthday ng nanay niya noong nakaraang araw, siya lang ang maaasahan ng nanay niya.  Pag-uusapan namin iyon, sa susunod na pagtatagpo.

Inikot ko ang susi ng sasakyan, binuksan ang ilaw.  Habang nakatingin ako sa tapat ng gusali, inaalala ko ang mga kuwento tungkol kay MC, tungkol sa pagtalon at mga maling kapalaran.  Noong dumaan ang sasakyan ko’y wala nang kahit sinong nasa may hagdan.

“Sa 2016 uli,” naibulong ko pagkalampas.  Bahagyang napalundag ang sasakyan sa batong di ko napansin at nagulungan.

*piyesang mula sa antolohiyang Sapantaha, UP Press 2017.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.