Senti Walk 2024

Hindi ko masyadong binilang/binibilang, nitong pauwi ko lang nga rin namalayan, na ang paglalakad na iniisip kong ginagawa at tinatrato bilang karaniwan ay napadpad na pala sa teritoryo ng Senti Walk. Paglalakad na minsan nilulunod ang isip, minsan ay iniisip na nakikinig sa isip. Saan mang panig mas kumikiling, malinaw sa aking ang pinakahuling inilakad ay Senti Walk na maituturing.

Naglalakad ako nang iniisip na kay tagal ko na palang hindi nag-eehersisyo. Yung tipo ng sinadya, pinagplanuhan, dinidbib, pinanindigang klase ng ehersisyo. May ligayang nakagalaw at kinaya ang pagpaparoon at pagpaparito. Sa pangkalahatan nga, may pasasalamat na kaya pa ng binti at tuhod ang ganitong akto. May ligaya sa kakayahang maglakad, at mag-isip, kahit paano.

Naglalakad ako nang iniisip ang mga ginawa at gagawin pang trabaho. May bahaging sinasabi sa sariling may mga nagawa, may napagtagumpayan, may dahilan para makontento. Sa pagpapalit ng hakbang ay sumasalisi ang pakikipagbuno sa mga kulang, mga alingawngaw ng mga pabalik-balik na tanong gaya ng “aabot ba,” “kakayanin ba,” “nagkulang ba ako,” “sasapat ba ako.” At ako rin ay maririndi sa dami ng mga parinig tungkol sa hindi mawala-walang “ako.”

Syempre, habang naglalakad, laging may matutuntungang mga kuwento tungkol sa pangako. Pangako, halimbawa, na hindi magpapatali sa labas-pasok ng opisina, sa palasak na dilim at sikip at pagmamadali ng lungsod, at ibabaling ang enerhiya sa kung ano at sino ang mga tunay na mahalaga. Sa imahinasyon, natitisod at napapatid ako sa lahat ng mga pangakong napako, mga sumpang hindi naman din nagkatotoo sa ngalan ng pagbabalik-sa-ayos, sa ngalan ng kitang mahirap kitain, at sa ngalan ng lahat ng mga paalalang may kapalit at sinisingil ang bawat bakas ng ginhawa.

Naglalakad ako nang may panalanging sana’y napaninindigan ko ang pagiging mabuti. Kahit sa mga saglit na nagdududa ako sa sariling kabutihan. Ayokong pangunahan ang husga ng iba, gaya ng ayokong mabaliw sa pag-aabang sa kung ano ang sasabihin/ihahatol ng iba tungkol sa mga muwestra ng sariling kagandahang-loob. Wala namang nagsabing laging pantay ang mga hakbang mula sa pinanggalingan patungo sa paroroonan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.