Lab Days: Elevator Action at ang Unang Adaptasyon Ko sa UP Dulaang Laboratoryo

Dahil sa natuwa ako sa mga napapanood na produksyong gawa ng mga estudyante, sa UP Dulaang Laboratoryo man o sa labas ng UP, naisipan kong balikan ang mga naging karanasan noong una akong gumawa ng adaptasyon para sa dula. May kilig at pagkatuwa rin para sa mga nararanasan at nararamdaman ng mga artista sa teatrong binubo/binubuno ang malalaki nilang proyekto, lalo iyong mga may lahok o ambag na tinatrato nilang either biggest thing sa dulo ng kanilang buhay-estudyante, o isa sa mga pinakauna nilang big achievement sa mundo ng teatro. Gusto ko ring balikan at ibahagi, kung paano may panahong ang unang adaptasyon ang isa sa mga pinakamalaking bagay para sa akin, at kung gaano ako ka-invested sa pagbuo sa proyektong ito.

Pero ayun, nasulat ko na pala kasi noon pa. At habang pinagtatawanan ko ang aking dumadalas na pagpapamalas ng pagkaulyanin, ibabahagi ko na lang ang ibang bagay na nasabi ko na rin sa iba pero baka wala sa mga nahalukay na tala, tungkol sa kung paano nabuo ang unang adaptasyon ng dula at ang mga naging anak-anakang kuwentong-buhay:

  1. Na, habang ginagawa ang dula ay kakatapos lang ng isang break-up, na syempre noong mga panahong iyon ay iniisip kong singbigat ng daigdig ang pasanin; na sinubukang ayain ang dating karelasyon sa isang show, na pumayag naman; na binilinan ang mga artista na manonood ang ex kaya sana galingan nila, kasi sa aking imahinasyon ay sa ganda ng aking adaptasyon ay babalikan ako ng dating kasintahan; na siyempre, hindi naman nangyari.
  2. Na, sa ibang pagkakataon, noong hindi na masyadong malaking bahagi ng iniisip ang pagkakaroon ng kasintahan o karelasyon, naging kakuwentuhan naman ang dating nakanood ng ginawang proyekto; na nagkamabutihan naman, at ayos na ayos pa naman hanggang sa ngayon; na, baka ang isa sa mga leksyon tungkol sa adaptasyon ay kung gagawin mo ito para balikan ka ng jowa mo’y hindi ito magtatagumpay, pero bibigyan ka naman ng mas mabuting tao at pagkakataon kapag hindi na pangjojowa ang iniikutan ng isip at mundo mo.
  3. Na palaging bagong karanasan ang bawat bersyon ng adaptasyon, sa iba’t ibang panahon at pagkakataon; na laging may kilig at pasasalamat sa mga artistang pinipili ang isang akdang hindi naman naisip na papasyal nang malayo at matagal pagkatapos ng unang pagsasaentablado, pero ayun na, namasyal, naglalakbay, patuloy na gumagalaw na parang may sariling buhay.
  4. Na darating ang iba pang mga proyekto at produksyong magdaragdag ng mga leksyon–tungkol sa kung paanong hindi laging ang isinulat mong teksto ang dapat makita sa dula, o kung paano nag-iiba ang ilang aspekto ng sariling wika kapag hinahaluan na ng tunog, galaw, ilaw, at iba pa–pero laging may ilang bakas at panandang magsasabing oo, moment mo rin ito, puwede mong ikaligaya ang sandaling ito.

At magpapatuloy na naman ang mga araw na sisikaping makanood ng mga dulang gawa ng mga mag-aaral, sisikaping magsulat sa mga proyektong nasa katulad na kaligiran, habang nadaragdagan ang sariling kaalaman at kakayahan, hanggang kayanin pang makagawa para sa ibang mga klase naman ng proyekto at daluyan. Counted ito I guess sa mga pagod pero masaya (pero pagod (pero masaya pa rin) x infinity) moments.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.