Nag-iba nang bahagya ang timpla ng tinig niya noong nasabi kong baka hindi ako makadalaw sa susunod na linggo, pero agad namang bumalik ang sigla noong ikunukuwento na niya ang pabaong adobong manok, mga damit na naplantsa noong nakaraang gabi, hopiang may palamang pastillas. Matulog daw ako nang maaga, sabi ni Mama, para hindi ako mapuyat.
[...]
Nagsimula ako bilang taong mahilig manood ng dula, na naging tagalitrato ng mga dula, at minsanang tagatingin sa gamit ng Filipino sa dula (para ito sa Orosman at Zafira 2010 ng Dulaang UP). Pagkalipas ng ilang taon sa ganitong mga papel, napagkatiwalaan akong magsulat bilang collaborator sa Rizal X ng DUP noong 2011, at nagsimulang magsalin at gumawa ng mga adaptasyong noong 2012.
[...]