Palihan (I)

Sa gitna ng maraming nakapilang gawain–deadline sa grant, lampas sa deadline na adaptasyon ng dula, mga babasahing thesis sa undergrad at MA, grado ng mga estudyante, gawaing administratibo, narito ako ngayon sa Baguio para sa 54th UP National Writers Workshop.  Naibalik sa akin ang ginagawa ko dito noong 2010, ang kumuha ng litrato, mag-update ng blog at i-live tweet ang napapag-usapan sa workshop sessions.  2010 ang unang subok dito, at kasama ko pa ang kaibigang si Piya (ako sa blogging, si Piya sa larawan, minsan salitan kami).  Noong 2011 hanggang 2014, si Piya na ang humawak ng blogging at mga larawan.  Ngayong taon, nasa ibang bansa siya, at ako nag nahilingan na gumawa nito bilang may karanasan na sa gawaing ito.  May mga kaba at alinlangan, lalo at kulang ako sa gamit–ang dating laptop na ginagamit ko ay na-appropriate na ng kapatid–pero nagpatuloy pa rin.  Una, nabalitaan kong ito na ang huling palihan ng UP sa Baguio; pangalawa, may bayad; pangatlo, siguro’y nahatak na rin ng ideya na makakarinig uli ng mga manunulat na magkukuwento tungkol sa kanilang pagsusulat, sa isang environment na malayo sa mga totoong buhay namin, magpapaka-writer pansamantala.

Sa MA class na tinuturuan ko, natanong nito lang, paano mo ba idedepensa ang halaga ng isang palihan sa pagsusulat?  Nasabi niya ito sa kontekstong naibahagi ko sa klase–na ang pondo a iba pang suporta sa mga programa sa pagsusulat at iba pang sining ay nababawasan.  Taon-taon, palaging kailangang ipaliwanag ang halaga ng isang palihan sa malayong lugar, kailangan itong pondohan, may nagagawa ito.  Sa tanong ng estudyante, nasabi ko ang alam kong ginagawa sa administratibong antas–ang lumaro sa mga kondisyong teknikal na naise-set ng tagabigay ng pondo, mag-adjust, habang naghahanap ng paraan na manatiling buhay ang espiritu ng taunang aktibidad.  Usual na justification ay ang pagbibigay ng listahan ng mga dumaan sa workshop, ang mga nakaraang writing fellow, at ipakita kung nasaang larangan na sila ngayon, na mapatagumpay silang lahat bilang book writers, publishers, media practitioners.  Nariyan ang paglalabas ng isang libro kada taon–print-based, hindi e-book, dahil mas nauunawaan ng marami kung may korpus na mapanghahawakan.  Pagbabawas ng mga tao–kaltasan ang bilang ng staff, bawasan ang fellows, alternate ang akyat ng panelists lalo kung lahat sila ay on active service o walang naka-leave, secondment, o sabbatical.  Sa mga ganoong salaysay umikot ang aking justification, habang sa loob-loob ay may maliit na kaba.

Saan galing ang kaba?  Hindi lamang doon sa MA class, hindi doon mismo, mas malayo pa, mas sanga-sanga.  Sa maraming pangyayari nitong taon, maraming ipagpapasalamat, relatibong maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, pero paminsan-minsan, kung hindi man madalas, may talakerong pakiramdam na may mga pagkukulang at mga kulang.  Siguro dahil ngayong taon, wala (pa) akong naitatanghal na dula para sa mga kaibigang taga-teatro–isang gawaing nasimulan ko noong tag-init ng 2012 hangang tag-init ng 2014.  May mga proyektong nabibitin, naghihintay ng kanya-kanyang mga go-signal.  Pag nagsisimulang magsulat, parang laging may sumisingit na gawaing kailangan at hindi kailangan.  Memo, spreadsheet, iba-ibang paperwork.  At oo, malay naman ako sa sentimiyento ng ilang manunulat, sa totoo lang ay nasabi nga rin ito ng isang fellow sa palihan–na wala naman talagang writer’s block; ang lahat ng pagkaantala ay sariling mga pagpapalusot lamang ng manunulat na maraming inarte sa buhay.

Ngayong bumalik ako sa Baguio, dito sa workshop, hindi maiwasang magbalik-tanaw sa mga panahon na ako ang nakasalang bilang fellow.  2002 ang una kong karanasan bilang fellow sa maikling kuwento; noong 2009, sa Sanaysay.  Kung may matatandaan ako agad mula sa dalawang yugtong ito, ang una’y ang una kong pagtatangka na magvideoke sa harap ng ibang tao (2002), at ang pagkakaroon ng sariling libro na naging bestseller, at ang nakapilang kasunod na libro mula sa nagtiwalang publisher, ang Milflores Publishing (2009).  Sa pagsusulat, natatandaan kong mahalaga sa akin ang pag-e-eksperimento, ang pagsubok ng mga bagay na hindi inaasahan ng iba habang pinipilit maging madaling intindihin.  Natatandaan ko ang halaga ng yabang, o kung hindi man yabang ay pananalig, isang matinding paniniwala na may halaga ang pagsusulat at may halaga ang mga isinusulat ko/namin.  Natatandaan kong para sa akin (noon, kung hindi man ngayon) ang pangangailangang mag-engage, makipagdebate, manghamon ng punto nang may punto.

Lumipas ang mga taon, dumaan ang buhay at napakaraming kuwento.  Ano ang mga nagbago?  Mas wala nang kaba  sa videoke, totoong-totoo iyon.  Nag-eksperimento sa pagsasalin at pagsusulat para sa teatro.  Kumuha ng maraming-maraming litrato.  Ang debate’y nallimita sa mga klase, nabawasan na ang angas at pakikipagsagutan sa Facebook at mga social network.  May pakiramdam ng pagkakulob, may mga bara.  Tingin ko, may mga kwento akong hindi nailabas nang maigi, naantala sa maraming personal na dahilan (sa pagsusulat, ano ba naman ang hindi personal), kaya nabawasan ang attitude na mag-eksperimento, nabawasan ang drive.  Parang si Professor Tripp sa nobelang Wonder Boys, isang tauhang naakusahang naging takot magdesisyon sa kanyang pag-akda.  Para pa man din sa nobelang iyon, kahit gaano kadetalyado ang mga eksena, kahit gaano kaganda ng ipinipintang mga larawan, kung hindi nakikitaan ng pagdedesisyon ng manunulat sa pamamagitan ng mga desisyon ng mga tauhan sa isinusulat, walang patutunguhan ang akda.

Saan nga ba dapat patungo ang isinusulat?  Dito sa Baguio, laging lumalabas ang linaw ng layunin, honesty, commitment.  Parang Wonder Boys lang din.  Maraming maalam sa genealogy, sa rhythm, sa beat, sa tension, sa teorya.  Pero sa mga nagbabasa, mas may bakas ng tagumpay silang malinaw ang presentasyon ng sarili, silang parang may katiyakan sa direksyong gusto nilang puntahan.  Ang maganda sa palihan, maraming pagbasa, maraming nagbabasa, may nagbabasa.  Lagi silang maraming sinasabi, silang nagbabasa.  May mga sasabihin silang hindi palaging gustong mapakinggan ng nakasalang sa palihan.  Pero nakaka-miss din iyon.  Nakaka-miss sa isang banda na may ume-effort maunawaan ang gusto mong gawin o sabihin.

Baka iyon nga ang magic ng ganitong mga pagkakataon.  Kailangang maiparamdam, kailangang maipaalala ng mga kasama mo sa komunidad na ayun nga, may komunidad naman pala.  Maliit, sobrang liit nga yata, sobrang liit at mag-aaway pa minsan sa copyright, sa tindig sa K-12, sa Filipino sa kolehiyo, sa maraming bagay, nagkakatalo pero sa huli, komunidad pa rin.  Naisip ko, baka nga hindi isolated na pakiramdam itong kabang nararamdaman ko.  Mukhang may mga kagaya ko rin na nanginginig ang daliri kapag titipa na sa keyboard, at minsan pipiliin na lang na mag-siesta o manood ng Daredevil o Penny Dreadful.  Mukhang hindi lang naman ako ang napapaisip ng “kaya pa ba, aabot pa ba, itutuloy pa ba?”  Baka dapat pang magpatuloy, baka kailangang magpatuloy.

Kung magtutuloy, isasama ko sa byahe ang mga kwentong naging bahagi na ng aking paglalakbay–mga pag-iisip ng isang petiburgis na nakikipagtunggali sa usapin ng uri at sexualidad; paghahanap sa mga taong pinaglaho ng mapanupil na mundo; mga kwentong nakakapagpangiti, kumukurot sa puso; buhay-pamilya, guro, mangingibig, sa isang bayang for export ang maraming bagay.  FAN FICTION!  Adaptasyon, mga dula.  Nakaka-guilty nga rin na kailangan pang malamigan nang kaunti, kailangang mapaakyat pa sa bundok, para lalong maalala na hindi sa sarili umiikot ang mundo.  Baka pagbaba, nadagdagan na nang kaunti ang lakas ng loob para masabi sa panulat na hindi random event ang mga tumataob na tren at kakaunting bagon, na problematiko ang ideya ng good manners at gratitude ng maraming nakakaangat sa buhay at may pang-Internet, na kailangang harapin at kalabanin itong pangkalahatang arogansya ng pamahalaan na aminin at akuin ang kanilang mga pagkukulang.  Maraming trabaho pagbaba.

Attitude nga siguro.  Ang paniniwala sa sariling mahika at apoy.  Paggigiit kahit na maaaring taliwas sa rumaragasang kontra-opinyon.  Baka ganoon ang paraan para manatiling buhay ang pagsusulat.  Igiit ang pangangailangan sa mga espasyon pangmanunulat, ilaban ang mga adbokasiyang tinataya bilang mahalaga.  Lumangoy sa masalimuot na dagatng burukrasya para makapaglimbag, makapagpabasa, makapag-paisip.  Tuloy ang laban.  Hindi naman talaga ito natapos, hindi natatapos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.