Nagulat si Chief of Staff Hermie Esperon sa pagkakasaplok ng unang itlog na ipinambato sa kanya. Katatayo pa lamang niya’t naghahanda nang umalis mula sa conference room ng Faculty Center. Naimbitahan ang chief na magbigay ng keynote address sa isang forum tungkol sa national security. Ang lugar, ang pretihiyosong Unibersidad ng Pilipinas. Ang taon, After Colony 20XX.

Sumunod pa ang pambabato ng mga itlog. Tatlong estudyante ang nakalusot sa security system ng conference room (dahil sa hindi na-detect ng mga makina bilang “lethal weapon” kundi pagkain ang mga nakatagong itlog sa kanilang katawan). Mayroon pa palang mga ganitong tipo ng estudyante rito, akalain mo nga naman” nasabi ni Esperon sa kanyang sarili. Hindi siya sumigaw o tumakbo papalabas. Kalmado pa rin siyang nakatayo suot ang kanyang matikas na gala uniform, ngumitin siya bago tumungo’t pindutin ang isang buton sa kanyang relo.

Pagkalipas ng ilang segundo’y dumagundong ang tunog ng lasers at agad na napulbos ang bubong ng Faculty Center, tagos hanggang sa kisame ng conference hall. Nagulat ang mga estudyante, guro’t iba pang bisitang nasa loob ng gusali. Sa pagkahawi ng alikabok, lumantad ang salarin—isang Gundam mobile suit, ang Gundam Esperon.

Hinigop ng laser teleporter ng kanyang gundam si Hermie Esperon. Awtomatikong isinuot ng Gundam Esperon kay Hermie ang pilot battle suit niya pagkaupong-pagkaupo sa operations dock. Agad na pinindot ng Chief of Staff ang elliptic pulsator switch at binagyo ang Faculty Center ng mga malalaking mga itlog ng nakamamatay na enerhiya.

Tumakbo palayo ng gumuguhong gusali ang mga taong pilit tumatakas sa puwersa ng Gundam Esperon. Ang isang grupo’y napunta sa lagoon, at mabilis na nasunog ng elliptic pulsators; ang mga nakatakbo papunta sa may lumang bell tower ng unibersidad ay agad na nahabol ng mobile suit ng chief. Hindi na nakakilos ang mga tao, batid nilang wala na silang takas sa lakas at laki ng Gundam.
At para lang maipakita ang pang-iinsulto ni Hermie Esperon sa mga nasisindak niyang nasasakupan, hindi niya ginamit ang mas mabilis na pampupulbos ng elliptic pulsators. Sa halip ay pinahugot niya sa Gundam ang bell tower at ibinagsak ito sa mga tao. Nadurog sa maraming piraso ang edipisyo’t kasabay nitong dinaganan at dinurog ang mga taong ni hindi na nakatapos ng pagsigaw sa bilis ng mga pangyayari.

Isang nadaganang estudyante, na napadaan lang naman sa Faculty Center para umihi, ay lumuluha sa kanyang mga huling saglit ng paghihingalo. Sa unti-unting pagtakas ng buhay sa napisat na katawan, naisip niya ang kanyang ama at inag hindi na niya makikita uli, naisip niya ang paborito niyang Vietnamese restaurant at ang masarap nitong seafood noodles, naisip niya kung talagang may langit o impiyerno, naisip niya ang kakaibang pagpapatawa ng diyos, kung may diyos man.
Higit sa lahat, sa mga huling sandaling iyon bago siya tuluyang mapapikit at mamatay, naisip niya kung nasaan ba ang kanyang i.d. card, pagkat hindi siya papapasukin sa ibang gusali kung wala iyon.
magkatumbas na palitan.
*Mga larawan na gawa ni Tepai Pascual. Ginagamit ko dati ang piyesang ito bilang introduksyon pag nagle-lecture ako tungkol sa fan fiction.
