Ibabahagi ko ang sipi ng piyesang Delta Transit para sa ika-29 na araw nitong self-imposed na challenge. Kung ang kaibigang si Angelo Suarez ay naikakabit sa usaping MRT, usaping bus naman ang pinagkakaabalahan ko noong 2000-2001. Sa mga taon din ito ako nagkaroon ng mas maraming kaibigang natatanong at nakakausap tungkol sa aktibismo at pagsusulat. Lampas isang dekada na rin pala akong nagtatanong at nakikipag-usap, mukhang ganoon talaga ang takbo ng mga bagay-bagay.
Panahon pa ni Estrada noong naisulat ito. Baka may magic pa rin kahit dumaan na sina Arroyo at Aquino, hanggang andito na si Duterte.
***
So ganito yung nangyari: Sumakay yung ale dun sa bus, maraming upuan pero okupado na lahat. Maluwag pa yung ano, ano bang tawag dun sa tinatayuan? Yung parang aisle, a hindi, aisle talaga! Dun siya pumuwesto. E di yun na nga, lumalakad na siya papunta sa likod, kasi ayaw niya sa harap, e biglang nag-brake yung driver. Aba, nag-rolling attack yung ale! Parang si ano, yung sa Street Fighter, si Blanka ba yun? Ayun, nagpagulong-gulong siya, patalikod pa nga e kaya hindi nga rolling attack yun kundi reverse rolling attack kasi pabaligtad kaya reverse, kahit si Blanka hindi kaya yun. Para siyang bola, parang basketball, hindi, bowling ball, hindi, para siyang ferris wheel na tao kaya hindi talaga ferris wheel kasi tao nga siya na umiikot-ikot, parang bola, ayun, ganun. Sinubukan niyang kumapit sa mga upuan pero laging dumudulas lang yung kamay niya at yun na nga, napabalik yung ale dun sa harap ng bus, tapos bumagok yung ulo niya sa salamin, yung likod ng ulo niya ha kasi reverse rolling attack nga yung ginawa niya kasi pabaligtad. Tapos yun, sumabog yung ulo niya kasi nabagok nga kasi nag-rolling attack siya na pabaligtad kaya reverse rolling attack. Tumilapon yung utak niya. Natalsikan nga yung konduktor saka yung driver, tapos tumalsik pa yung mata ng ale, hindi naman lahat—yung isa lang. Parang cannonball yung mata ng ale, ang lakas saka ang layo ng pagkakatilapon. Nakain nga ng isang pasahero yung mata, kasi nakanganga yung pasahero kasi natawa siya sa joke ng girlfriend niya. Actually, corny yung joke ng babae, e baka ma-offend kung hindi tatawa yung lalake, kaya ayun, nakain niya yung mata ng ale. Masarap nga raw e, parang manok, hindi yung manok na luto kasi hindi naman luto yung mata ng ale. Parang manok na hilaw daw, pero masarap pa rin—parang Ovaltine, wala na ngang gatas, wala pang tubig, pati asukal wala na pero masarap pa rin. Ganun yung mata ng ale, masarap, parang manok na parang Ovaltine pero hilaw yung manok tapos yung Ovaltine walang tubig saka walang gatas saka walang asukal. Parang Ovaltine na manok flavor, o manok na Ovaltine flavor, ganun, ganun yung mata ng ale.
Pero hindi pa yun yung kuwento ko, kasi hindi pa ako sumasakay sa bus na yun nung nangyari yun. Nasa Wendy’s ako, yung Wendy’s sa may EDSA, kumakain kami ng mga kaibigan ko, si Glenda saka si Al. Kumakain kami kasi nagugutom kami, at saka nagse-celebrate kami dahil katatapos lang ng People Power 2 rali e kasama kami sa rali na yun, tapos mabilis yung pagkain namin kasi nagmamadali si Glenda kasi hinihintay siya ng nanay niya sa Glorietta. So wala pa kami sa bus. Actually, kami lang ni Al ang sasakay sa bus, dun sa bus na sinakyan ng ale, kasi nga si Glenda aalis kasi hinihintay siya ng nanay niya sa Glorietta. So yun, umalis kaagad si Glenda pagkatapos niyang kumain kasi nga nagmamadali siya. Iniwan nga niya kami ni Al kasi kami ni Al di pa tapos kumain, kasi malaki pala yung Big Classic sandwich ng Wendy’s, e umorder pa ako ng baked potato kaya mas napatagal ang kain namin. Naasar nga ako kay Glenda kasi ako yung nanlibre tapos iniwan niya kami, pero okey lang kasi hinihintay na siya ng nanay niya saka lagi naman kaming nagkikita sa school, at saka masungit yung nanay nun. Actually lahat sila masungit—yung kuya niya, yung ate niya, yung nanay niya, yung ate niya, yung ate niya, saka yung ate niya. Nasabi ko na bang masungit yung ate niya? Yung tatay niya, ewan ko kasi hindi ko siya kilala kasi ano, basta, sikret.
Hindi. Hindi ko sasabihin yung sikret. Hindi na. Wag na. Hindi.
So yun, natapos din kaming kumain ni Al. Wala na si Glenda kasi sinabi ko na kanina kaya hindi ko na sasabihin uli, hindi ko na sasabihin na umalis siya kaagad kasi hinihintay na siya ng nanay niya. Ayun, nasabi ko rin uli yung hindi ko sasabihin, whatever, shet. E di naghihintay na kami sa labas ni Al, nag-uusap tungkol sa ginawa naming pakikibaka noong mga nakaraang araw habang nag-aabang ng sasakyan, pero bago kami mag-abang ay bumili muna ako ng Andok’s liempo, dalawang order yun ha, para sa tatay ko kasi kinabukasan ay aalis na siya pabalik sa Saudi. Sa Saudi kasi nagtatrabaho ang tatay ko, hindi sa Pilipinas kasi sa Saudi nga tapos nagbakasyon lang siya dito pero isang buwan lang pero nagpa-extend naman siya pero tapos na yung extension niya kaya babalik na siya kaya bumili ako ng liempo kasi pasalubong ko yun sa kanya kasi babalik na nga siya sa Saudi kasi dun siya nagtatrabaho.
E di yun na nga, tapos na akong bumili ng liempo, dalawang order yun. Sabi ko kay Al, mag-aircon bus na lang kami kasi gusto ko. Ayaw talaga ni Al sumakay ng aircon bus kasi hindi niya gusto e ako gusto ko e mas malaki ako sa kanya kaya wala siyang magagawa kahit ayaw niya kaya pumayag siya. Yun nga, nakita ko yung bus na sinakyan ng ale, pero hindi ko alam na sinakyan yun ng ale kasi kumakain pa kami nung sumakay siya. Sinabi ko kay Al na dun na lang kami sumakay kasi biyaheng Tungko na yung bus, diretso na sa amin, sa bahay namin. So bale didire-diretso talaga yung bus hanggang sa loob ng bahay namin, dun siya paparada tapos dun din makikitulog yung driver saka yung konduktor. Pinara ko yung sasakyan, huminto naman. Wala na yung aleng nabagok ang ulo, tinapon na siguro sa basurahan kasi masamang magtapon ng basura sa kalsada. Puno na rin yung parang aisle na aisle talaga, so talagang tayuan na. May bakanteng upuan naman, pero nasa likod tapos pang-isang tao lang, pero sabi ng konduktor lima pa raw ang kasya dun, e naniwala ako kaya dun kami naupo ni Al, pero ayaw niyang maupo dun pero mas malaki ako sa kanya kaya wala siyang nagawa kaya naupo na nga kami. Naupo na kami. Sa upuan. Sa upuan ng bus. Naupo kami. Ako. Saka si Al. Naupo kami.
E di umandar na nga yung bus. Nagtaka ako kay Al kasi bigla siyang nanahimik, hindi yung nanahimik na na-stroke tapos naospital tapos na-coma tapos namatay tapos nailibing tapos nakalimutan ha, nanahimik na hindi lang nagsasalita, yung parang ayaw akong kausapin, yung parang hindi niya ako kilala, yung parang basta, yung ano, basta. Hindi naman siya talaga madaldal pero basta, hindi siya talaga nagsasalita habang nakasakay kami. Basta, ang weird ng ugali niya sa bus. Basta. Kahit na nagjo-joke ako’y ayaw niyang mag-react, e dati naman wala pa nga yung punch line ko e nauutot at naiihi na sa kakatawa yung kaibigan kong yun, kaya ko nga kinaibigan yun e kasi natatawa siya sa mga jokes ko, di tulad ni Glenda na graduate yata ng Taray-tarayan & Galit-galitan University, hindi lang basta graduate kundi with honors pa. Basta. Pero kunwari’y wala akong pakialam kay Al kahit hindi siya nagsasalita, so nagkuwento ako nang nagkuwento para maaliw siya, at walang anu-ano ay bigla siyang nagsalita, nagulat nga ako e kasi talagang na-surprise ako sa pagkagulat sa kanya. Basta, nagsalita siya. Basta.
“Mag-e-FT na ako!!!” (Talagang marami ang exclamation point, for emphasis. Yun lang. Basta)
FT? Hindi ko alam kung ano ang FT. Pinag-isipan ko kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Al, yung FT, yun ngang sinabi ni Al, yung FT nga, sinabi ni Al, FT. FT…hmmmm…..FT….hmmmmm….Fisikal Therapist? Forna Tolentino? Finiritong Talong? Fuke at Titi? Finilakang Tabing? Fink na Tigre? Futo at Taho? Fita at Tsaa? Falakfak at Tumbling? FT… hindi ko alam ang FT. Hindi. Hindi ko alam. Wag na. Hindi.
Wala talaga akong ideya kung ano ang ibig sabihin ni Al, so tinanong ko siya kasi nandun naman siya at saka siya naman ang nagsabi nun kaya tinanong ko siya.
“Ang tanga mo naman Ian! Hello? FT—Full Time. Underground! Duh! Hello? Ian, hello?”
Hi. I would like to ask I where can I read the full version of Delta Transit? Nabasa ko po sya dati sa book na pandawan with other tagalog stories pa. I found it very fascinating talaga. Thank you!
Hello! Sorry sa late na sagot. Susubukan kong maghanap ng kopya sa files ko, luma na rin kasi siya e. 🙂
magandang araw po! pwede po bang malaman kung saan makukuha ang buong kwento?
Hello! Hahanap ako ng kopya, baka nakatago sa e-mail kong luma. 🙂
Pahingi po ng complete story neto, bitin po eh