16 – Ang mga Butong Pakwan

3May mga araw na tinatamad kaming lahat na maglaro, pero pumupunta pa rin kami ni Kuya sa bahay ng tatlong dalaga. Binibisita namin sina Regina, Ramona, Rosemarie, nauupo sa malambot na sofa sa sala, nanonood sa kanilang TV habang pumapapak ng tsitsiryang inuwi nila mula sa kanilang pang-umagang pasok sa eskuwela, o mga dala namin ni Kuya galing sa sari-sari store sa Maningning Baba. Cheezels at Chickadees para sa Pom Poms, Yan-Yan at Knick Knacks para sa Barok Pop Corn, Haw Flakes para sa butong kalabasa at pakwan. Pinakagusto ng tatlong magandang dilag ang butong pakwan. Isang hapon, habang nanonood kami ng lumang pelikula ni Fernando Poe Jr., nag-contest kami sa pinakamaraming makakain na butong pakwan. Binigyan ni Regina si Kuya ng naipon nilang baong pera at kumaripas si Kuya sa Maningning Baba para dagdagan ang nadala naming butong pakwan noong hapon na iyon, at pagkaakyat niya’y nagsimula na ang paligsahan. Si Ramona, sinisipsip na lang ang asin sa butong pakwan kapag hindi niya matanggal ang balat. Si Rosemarie, iniipon muna ang nababalatan sa isang platito bago isubo nang maramihan na parang kornik. Sina Kuya at Regina, bukod sa paramihan ay naglalaban ng pabilisan. Habang pumapapak ng sarili kong butong pakwan, nagsasalit-salit ang aking mata sa pagsuntok ni FPJ kay Paquito Diaz at sa pagngasab nina Kuya at Regina sa aming meryenda.

Nagpaalam kami sa isa’t isa na nangangati ang nguso’t inaalat ang panglasa. Kinabukasan, lahat kami’y namamaga ang mga labi. Parang sinapak ni FPJ, naisip ko noon.

2

***

Nasimulan ko ang proyekto noong 2006 o 2008 pero nabuo noong 2012, dahil sa pakikipag-usap ng dating estudyante na naging kaibigan din, si JC Cortez Jacinto.  Nagplano siya kasi ng collab na show, kasama ang isang manunulat.  Ayun, napuwersa akong tapusin ang maiksing piyesa.

Pira-pirasong salaysay ito ng pagkakaibigan ng tatlong magkapatid na babae at dalawang magkapatid na lalake, nasa parehong kalye pero nasa magkabilang dulo.  Naging E-book din ito sa tulong naman ni Adam David, na noon ay nagtatrabaho pa sa Flipside Publishing.

Ipinapabasa ko ang isang bahagi (yung wala pang bastos na gaya ng nasa isang kalakip na artwork ni JC), para sa 31-day Writing Challenge.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.