May love-hate relationship ako kapag kamatayan ang pinag-uusapan. Hindi ko siya gusto dahil sa obvious reason na ayokong mamatay o ayokong mamatay ang mga taong mahal ko, o mamatay sa isang paraang mahirap iproseso. Sa mga natatandaan kong idinadasal ko, lagi kong isinasama na sana, kung sakaling dumating ang panahon na mamamatay ang mga malapit na kamag-anak at ang iba pang mahal sa buhay–dahil alam kong darating naman talaga iyon–hinihiling kong dumating ito sa mga pagkakataong pinakahanda ako, o sa panahong kahit hindi na pinakahanda basta kayanin, sana kayanin.
May pasinasyon ako dito dahil sa napag-iisipan ko ang halaga o bigat nito, kung paanong sa kamatayan ay parang nahuhugasan ang maraming bagay. Nawawala o nasususpinde ang mga nakaraang bagahe, parang magic card o weapon na nata-trump ang lahat ng negatibong katangian ng pumanaw–masamang ugali, mga alaala ng pananamantala, mga atrasong sa normal na araw ay hindi palulusutin. Ang ganitong pribilehiyo ay madalas na nasasalin o lumalampas hanggang sa mga taong malapit sa yumao. Parang maraming nabubura o maraming kailangang burahin sa alaala (kahit ayun nga, kahit pansamantala) para makapagsabi ng “condolence” nang maluwag sa hininga, nang may halong sinseridad.
***
Kanina, dumalaw kami sa lamay para sa ina ng aming kasamang guro. Lampas nobenta na ang nanay na yumao, at pagkalipas ng mga nakagawiang ritwal ng pakikiramay ay agad na sumunod ang mga ritwal ng lamay–pagkain ng mga mani at butong-pakwan/ buto ng kalabasa, mamon, kanin at ulam, kape, pagkukuwentuhan tungkol sa namatay, pangangamusta sa magkabilang panig, kamusta ba ang opisina, kamusta ba ang gurong namatayan. Natural na bahagi ng ritwal ang pagsilip sa kabaong.
Matagal ko nang napansin, at nasabi na rin nang ilang beses, na may espesyal akong pagtatangi sa malaking pagkakaiba ng bangkay ng tao sa kanyang itsura noong siya ay buhay pa. Kahit batbat ng makeup, kahit anong ganda ng damit na isinusuot, halatang-halata ang pagkatuyo, ang pagkaartipisyal. Kung totoong may diyos (sa panig ko ay naniniwala naman), masasabi kong isa ito sa mga mahusay na disenyong nagawa niya–ang pagiging malayung-malayo sa itsura ng taong buhay sa taong patay na. Malinaw ang distinksyon, halos sinasabi ng bangkay sa kabaong na “huy, wala na dito ang hinahanap mo, umalis na siya at talagang walang-lamang sisidlan na alng ang sinisilip mo ngayon.”
Nabibigyan ako ng isang kakaibang ginhawa sa ganitong paninigurado ng mga puwersa sa Itaas, na sa oras na dumating ang araw ng pagpanaw ay sisilip ako sa kabaong ng mga taong mahal ko, at anuman ang lungkot ay may ginhawa na alam kong hindi na ang taong minahal ko ang sinisilip ko sa kabaong. Iisipin ko marahil na isa itong garantiyang nasa ibang lugar na sila, mas masaya’t mas panatag.
***
Habang nakatambay sa funeraria, nagpapalipas kami ng oras sa pag-uusap sa mga plano namin sa aming Departamento. Kaming mga magkakasamang guro, sa loob ng kuwartong may patay, nagbabatuhan ng mga plano at impresyon sa panibagong akademikong taon, sa ilalim ng panibagong pamunuan. Sino ba ang bagay na maging magkasama sa kuwarto, ano ang mga kurso na dapat tutukan, ano ang mga bonus na hinihintay pero hindi pa dumarating, ano ang mga appointment at petisyong nakabitin pa sa ibang opisina’t naghihintay ng pirma, ano ang ituturo namin bukas sa aming mga kanya-kanyang klase. Napuputul-putol ang aming department meeting ala Funeraria Paz sa pagpasok ng mga panibagong bisita, sa mga pasingit na pag-aalok ng kendi at kape, sa pag-flash ng video ng yumaong ina ng kasamang gurong naka-sync sa kanta ni Carol Banawa na “Iingatan Ka.” Kahit nadepress ako sa mga larawan ng ina noong buhay pa siya, hindi ko mapigilang maisip si Judy Ann Santos dahil ang kanta ni Carol Banawa ang theme song ng isang teleserye ni Juday.
***
Dumaan kami sa kapehan sa Morato para sa ritwal ng “pagpag.” Kailangang alugin lahat ng kanegahan ng patay, baka sumama siya kasi pauwi, baka gusto lang talaga naming magpalibre sa kaibigang propesor na walang ideya kung ano ang pagpag at trip namin siyang i-bully. At nagpatuloy ang kuwentuhan tungkol sa sugar level ng mga kaopisinang diabetic, mga guro sa masteral at doktorado na hindi masyadong nagtuturo, mga kasama sa trabaho na parang baranggay mamulitika, mga pananaliksik tungkol sa wika ng mga multo, mga kaibigang hindi masyadong nakikita pero nami-miss at gustong makamusta, mga kaaway na ayaw munang makita. Nagpapalitan kami ng mga pampagpag na kuwento kasabay ng paghigop ng aming mga malamig-mainit-mahal na inumin, at mga pagkaing lampas isangdaan pero sa aming tantiya ay sulit naman, e kasi paminsan-minsan lang.
***
Isa-isa kong ibinaba ang mga kasama sa kani-kanilang bahay, mula sa pinakamalapit na UP Campus, hanggang sa Pansol/Balara, hanggang sa loob ng Lagro. Mula Balara hanggang Lagro, napunta ang aming paksa tungkol sa mga plano’t pagpapamilya, tungkol sa mga proyektong hindi natuloy at pinag-iisipan pa. Sabi ko sa kaibigang guro, sinulatan ako ng aking Kindergarten teacher dahil may naisulat ako tungkol sa kanya sa una kong libro. Singit naman ng kaibigang gurong taga-Lagro, madalas daw siyang tumatambay sa village na tinitirahan ko–sa Amparo–noong siya ay nasa kolehiyo at ako’y ume-elementary pa lang. Sa palitan namin ng aming mga lihis na salaysay, napagtahi namin na ang Kindergarten teacher ko ay nanay pala ng dati niyang girlfriend. Natuwa kami pagiging very very small ng aming mundong ginagalawan, at kahit palagi kong iniiwasan–iniiwasan pero gustong balikan (love-hate relationship, gaya ng relasyon ko sa mga patay at kamatayan)–napunta kami sa pag-uusap sa mga romantikong ugnayang lipas na. Sabi niya, ng kaibigang gurong ihinahatid sa Lagro, nakaparomantiko niya noon, at na-devastate siya sa paghihiwalay nila ng karelasyong nakatira sa Amparo. Gaano katagal ang devastation, natanong ko. Mga dalawang taon, sabi niya. Two years? TWO YEARS? Nabanggit ko ang tungkol sa three-month rule, nasabi kong “so, hindi gagana yun ano?” Sabi niya, “naku pare, hindi palaging gumagana yun.” Hindi ko napigilang itanong “e paano na yun? Dalawang taon pa akong magdurusa?”
Sabi niya, “well, hindi natin alam. Baka magkabalikan kayo. Baka hindi. Baka may mahanap kang iba o baka may mahanap siyang iba. Pero laging may darating na bago. Something better.” Hindi ko alam kung eksakto ang pagkakatanda ko dahil mas magaling siyang umingles sa akin lalo kapag seryosong bagay ang pinag-uusapan.
***
Naputol ang usapan namin dahil kailangan na niyang bumaba. At umikot akosa ilang mga kanto at naligaw pa nang kaunti bago matumbok ang tunay na kalyeng kabisado ko, ang tunay na daan pauwi. Kaninang umaga, bago pumunta sa patay, pumasok ako sa eskuwela nang may mga bagaheng himutok at sama ng loob para sa mga sitwasyong hindi ko kayang makontrol, para sa mga taong hindi ko mapagkasundo ang mga sinasabi sa kanilang aktuwal na kilos. Sa daan pauwi, naisip ko ang pagtingin sa mga bangkay, ang pag-uusap tungkol sa buhay ng mga yumao, ang pagkukuwentuhan tungkol sa mga plano at pagkapa sa mga bagong pinuno at pamumuno, ang paghinto saglit para kumain sa lugar na hindi pa nakakainan kahit kailan, ang pagbabatuhan ng mga kuwento, ang mga weird coincidence, ang mga garantiya na may mas mga okey na bagay na parating. Hindi ko mapigilang maisip kung darating ang panahon na magkakatinginan kami ng mga taong mahalaga sa akin at ang makikita na lang namin ay mga sisidlan na walang kalaman-laman, at lahat ng mga alaala ng buhay ay napunta na sa isang lugar na hindi pa namin kayang puntahan nang ganun-ganon lang. Iniisip ko ang sakit ng ulo at dibdib ng nakaraang matrabaho’t mainit na araw, ang pagnanasang matulog at magpahinga, naiisip ko ang mga bagay na baka hindi ko pa napaghandaan mamaya/ bukas, sa mga susunod na bukas, sa mga susunod pang bukas. Pero heto, pagkatapos pakainin uli ng late night snack ang naghihintay na aso, pagkatapos magsipilyo at maligo, nagmadali akong humarap sa computer at piliting itahi itong kuwento, kasabay ng paglakip ng mga kaagapay na larawan. Kasi, oo, darating ang araw na babasahin ko ito, na titingnan ko ang bawat litrato, at baka tingnan ko ang kuwento’t alaala sa ibang pagtingin. Pero sa ngayon, sa aking puyat at mina-migraine na gunita, sila ang mga tauhan sa isang istoryang hindi pa tapos sa pagtatahi. Isang kabanata ng mahaba-haba pang nobela (mahaba, kung papalarin), at sa kabanatang ito, lahat sila’y nariyan, nariyan at puno ng buhay.

















