Palihan (II)

1. Pag nagkukuwento ako, madalas akong umuulit-ulit.  At kung may lagi akong umuulit-ulit na kuwento (lagi na, umuulit pa), iyon ay ang kuwento ni Auntie Liza, ang tita ko na nakapag-aral sa UP Baguio.  Kung may modelo ako sa interes sa pagsusulat, siya iyon at si Tita Emmie na ate niya.  Pero si Auntie, kombinasyon ng pagkahumaling sa pagsusulat at pagkahikayat sa buhay-UP.

May ritwal kami, pag bumababa siya tuwing bakasyon.  Ito ang panahon na pinapalabas pa sa TV ang Beverly Hills 90210, Baywatch, at ang isa sa mga kinahumalingan ni Auntie–ang Melrose Place.  Dahil nagkokolehiyo siya, hindi niya ito masyadong napapanood.  Kaya pag nakabakasyon siya, iyon ang papel ko sa kanya–ang maging tagapagsalaysay ng mga nangyayari sa Melrose.  Kung nagkagustuhan na ba sina Allison at Billy, kung na-develop na ba ang pictures ni Jo, kung bumait na ba ang bad boy na si Jake.  Bilang kapalit, binibigyan ako ni Auntie ng mga school paper niya (paborito ko ang feature article niya tungkol sa mga new year resolution na may imahen ng pag-flush sa toilet).  Nagpapakita rin siya ng photo albums at ibinabahagi ang mga kwento ng panliligaw sa kanya (pinag-agawan pa siya ng magkapatid dati!), pagkain sa isang parke sa Baguio para sa kanyang kaarawan, mga kwento ng buhay sa UP, ng buhay-UP.  Kung ano ang ideya ko ng pagsusulat at ng buhay-UP, marami doon ay galing kay Auntie.

Kaninang napabisita kami sa UP Baguio campus, naalala ko si Auntie.  Noong nagtapos siya, umakyat kami.  Owner jeep na stainless pa ang dala namin, pero nakaakyat ang buong pamilya.  Natatandaan kong kasabay ni Auntie magtapos si Angel Aquino.  Noon, naisip ko, balang mag-aaraw mag-aaral ako sa UP.  UP Baguio sana, o kahit saan basta sa UP.

2. Habag nagmemeryenda kasama ang fellows at panelists ng UP Workshop, pumasok sa isip ang isa pang dahilan kung bakit napapahalagahan ko ang mga palihan.  Tungkol pa rin sa komunidad, komunidad na nakabase sa harapang interaksyon.  Madalas, ang pag-unawa lang natin sa mga manunulat ay kung sino sila base sa mga inilalagay nila sa mga akda nila–lahat ng angas, landi, drama, madalas doon na natatapos ang pagkakakilala.  Kapag nailalagay ka sa sitwasyon na kailangan ninyong pisikal na magsama, doon nagkakamukha ang may-akda.  May mukha pala siyang lampas sa kung sino siya sa papel.  Mukhang tao.  Tulad ng ligaya ko sa pakikipagkuwentuhan kay Auntie noong nasa high school pa ako, lubos ko ring napapahalagahan ang pagkakakilala at pakikinig sa mga kuwento nitong mga bagong taong nakakaengkuwentro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.