“Huwag mo siyang bigyan ng mga ulap. Hindi niya iyon kailangan.”
—Horoscope, Eli Rueda Guieb III
Sinusulat ko ito habang nakikipagbuno sa kahol ng mga aso sa baba. Si Adele, halong Labrador-Askal, at dalawang purebred askal na walang ibang pangalan bukod sa “puppies.” Nag-iisip ako kung paano ko bubuuin itong kumukutkot sa aking isip, mga latak ng kani-kaninang nagtapos na araw. Hindi makatulog dahil sa mga kakatapos na eksena, hindi makatulog dahil sa iniisip ang mga pag-uusapan at gagawin sa klase, sa sariling mga plano. Iniisip ko kung paano isusulat ang dapat isulat nang kung paano ko ito nabubuo sa utak, nang may layunin ng gustong magpaintindi, walang anumang balak na makasaling o makasakit. Sino ba naman ang gustong maglapat ng sakit sa iba? Iniisip ko ang lahat habang kumakahol nang walang tigil ang tatlong aso sa baba, nagkakahulan sa bawat isa, sa blangkong espasyong nasa pagitan ng tatsulok na nabuo ng kanilang magkakahiwalay na de-kadenang puwesto. Kahol nang kahol sa bagay na wala, sa bagay na hindi ko naman nakikita. Kumakahol sila na parang masong kumakabog sa sariling dibdib, at imbes na makadirestso ako sa gusto kong sabihin ay nabubuo ko sa imahinasyon ang eskena na bababa ako, lalabas ng bahay, babarilin isa-isa ang mga pagkaingay-ingay na hayop. Babarilin o pupukpukin ng bato o bote o paso o kahit na ano, kahit ano basta tumahimik lang sila, basta tumahimik, parang awa na ninyo, sana’y tumahimik na ang lahat.
Kanina, sa pila sa ATM, sinamahan ko ang gurong katrabaho ko sa departamento namin sa UP. Kinukuwento niya ang buhay niya noong kasing-edad ko pa siya. Noong bago pa siya magkaanak. Noong nagkaasawa’t anak na siya’t nadiskubreng may sakit ang kanyang anak. Naikuwento niya na kailangan niyang rumaket, paano’y invasive daw ang sakit ng anak nila. Umaatake hindi lang sa isip kundi mismo sa pisikal na lakas. Naikuwento niya ang labing-anim na operasyong pinagdaanan ng anak nitong nakaraang taon lang. Labing-anim o labingsiyam? Hindi ko na matandaan, baka may sarili akong iniisip. Kailangang magturo sa La Salle bukod sa pagtuturo sa UP. Kailangang rumaket. Naikuwento ko na may kaibigan akong may problema rin sa pera, paano’y kailangan ng malaking halaga para sa therapy ng anak na may autism. Sabi ko sa kasamang guro, sabi ng kaibigan ko’y fifty thousand ang kanyang binubuno para sa pagpapaaral ng anak na hindi pa umaabot sa pagkadalaga. “Naku,” sabi ng kasama kong guro, “sabihin mo sa kanya ayos pa yan, at least hindi invasive, ayos pa yan.” At naisip ko, kasabay ng lahat ng mabuting intensyong nais ihatid ng kasama ko hinggil sa kanyang pahayag, paano ko ba naman sasabihin sa kaibigang ko na “oy, ayos lang daw yung problema mo, ayos na yan,” nang walang anumang sakit na maitatawid? Nagkuwento ang kasama kong guro, sabi niya, andami-daming nangyayari, andami-daming kuwento. Nakuwento niya na wala pa siyang MA noong nagkaanak at nadiskubre ang sakit ng anak, at marami pang nangyari pagkatapos nito. Natanong niya, natanong sa akin, naramdaman ko na ba ang pakiramdam na sa dinami-dami lang ng nangyayari, sa lahat ng eksenang pinagsasabay-sabay, naranasan ko na ba ang pakiramdam na parang lumulutang lang? Sabi ko, opo, alam ko ang pakiramdam na iyan.
Noong isang araw, sa pangalawa sa huling araw ng klase sa kursong tinuturuan ko, nagulat ako sa ligayang nararamdaman ko sa klase. Masaya kahit maraming late. Masaya kahit hinihikaban at tinutulugan ng mga kasama sa klaseng hinatak ng grabedad ang talukap, pinagsama-samang hell month at paglilipat-lipat ng mga klase at ang hiwaga ng maalinsangang kuwarto sa ala-una ng tanghali. Naisip ko, baka dahil medicated ako. Baka dahil umiinom ng supplement. Kasi, naggi-gym. Kasi, gustong magpayammy dahil nasabihan minsan, napakaraming buwan na ang nakaraan, na “ang plain-plain ng personality mo,” among other things. Gustong magpayammy pero gusto agad-agad. Kaya bumili ng Whey, pampalaki. Kaya bumili ng fat burner, pampalusaw ng bilbil. Kaya lang, ang fat burner, may halong caffeine, magpapawis at iihi na parang walang bukas. May halong appetite suppressant, para pag kumagat ako ng potato wedges sa may Papa John’s ay para akong kumagat ng isang piraso ng karton (kahit hindi pa ako nakakakain ng karton kahit kailan). May halong mood stabilizer, para may focus, para kahit gatas at saging lang ang na-breakfast at alas-dose na ng tanghali at wala pa ring lunch ay nasa gym pa rin ako at makakabuhat ng hanggang 100 pounds sa bench press. Kaya laging energetic hanggang mag-alas dos ng madaling-araw, buhay na buhay pagkagising ng saktong ala-sais, kumikilos at bumabyahe na parang panaginip lang ang lahat, paminsan-minsan sumasagi sa isip na “alam kong puyat at gutom at pagod dapat ako, pero parang hindi.” At papasok sa klaseng may ganitong pakiramdam at may mga eksenang minsan, sa pagkakaalam ko ay nakakairita, pero nagugulat ako na hindi ako naiirita, at nadala ko naman pabalik sa masaya, masaya sa pagtuturo, hanggang mapunta sa masayang usapan. Parang masaya naman ang klase, masayang pag-uusap tungkol sa kahirapan at vote-buying at mga piyesang masyadong pulitikal o kulang sa pulitika, masaya sa pagkakatanda ko, sa aking semi-gising, semi-pagod, semi-puyat, mood-stabilized, fat-burning, nagpapayammy na katawan at gunita.
Pumasok ako kanina sa opisina sa ganitong estado. Pumasok nang late, paano’y gumising/nagising nang late, nag-agahan nang late, nagpa-fitness nang late, nananghalian nang late. Alam ko, dapat nadidismaya ako sa ganitong pagkahuli, pero dahil naggagamot, keri lang. Dumating ako sa UP at naabutan ang isang kasamang guro, naghahanda ng papeles para sa isang gawad. Isang prestihiyosong gawad sa unibersidad, isang tipo ng gawad na panghabambuhay. At dahil panghabambuhay, kailangang ihanda ang mga nagawa sa buong buhay bilang propesor sa unibersidad. Kailangan ng tulong mula sa mga non-teaching staff, yung tipo ng tulong na walang ibang pwedeng gawin kundi sumunod sa utos. Kailangan ng tagatakbo sa mga opisina sa Diliman para maghanap ng mga diyaryo at journal na nailimbag sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan. Kailangang mag-photocopy at mag-print at mag-collate. Kailangang maghanap ng mga citation sa mga publikasyong hindi pa nababasa ng staff kahit kailan. Kailangang maghanap at sumagot ng mga form na naglalaho o hindi makita sa mga oras na kailangan na itong sagutan. Kailangan itong gawin bago dumating ang isang maiksing deadline, hindi sapat para sa ilang dekada ng serbisyo at buhay-guro. Kailangang sumunod sa isang prosesong nagmamadali, na mangangahalugang kailangan ding kumilos nang mabilisan ng lahat ng naimbitahan sa pagtupad ng trabaho. Kasabay nito, kumikilos bilang administrador ang kasamang guro. At ang sabay-sabay na kahingian ng pangangasiwa, pagtuturo, at paghabol sa deadline ay bumuo ng mga ulap sa mata ng lahat ng kasama sa proyekto, may mga kanya-kanyang kuwento at reklamo na hindi agad-agad nakikita o napapansin, paano’y nagkasabay-sabay na. Gusto ko silang bigyan kanina ng kung anong gamot ang iniinom ko. Para imbes na mga ulap na nagdudulot ng inis, kebs-kebs na lang, parang panaginip lang ang lahat. Sana’y makuha ng kasama kong guro ang gawad na isinabuhay niya’t pinagtulungan nilang balikan at buuin nang ilang linggo.
Iniisip ko ang mga bagay-bagay na nagdadala sa akin ng mga ulap, o nagdadala sa akin sa mga ulap. Mga eksenang nagpapalabo, o mga eksenang nagdadala sa estadong sakto lang, yung parang dinadala lang ako ng hangin sa dapat kong kalagyan, o anumang nasa gitna ng malabo o sakto o sobrang saya. Ang makakumpleto ng ehersisyo. Makapanood ng isang palabas at ang mag-isip tungkol dito pagkatapos. Kumuha ng larawan. Bumalik sa mga lumang larawan. Kumain. Matulog. Makapagbigay ng surpresa o masurpresa mismo. Makapagsulat. Makatanggap ng reaksyon sa mga naisulat. Makitang maisaentablado ang isang naisulat, o maghintay na maisaentablado ito. Masabihan tungkol sa trabaho. Masabihang magkomento tungkol sa ginagawang trabaho o proyekto, lalo yung nasa sining. Masabihan lang actually ng kahit ano. Makabalita tungkol sa mga minamahal, maganda man o panget, at mag-isip na sana’y maayos naman sila, at ang mga kaipokritohang dala ng ganitong hiling. Ang mabati ng mga tao, ang masabihan ng “mukhang masaya ka a,” o na may nagawa akong trabaho nang mahusay. Ang mapuna sa trabaho. Ang makapagpasaya, o ang maging dahilan ng saya. Baka sa huli, iyon lang naman, lahat naman ng tao ay gusto maging masaya. Gustong lumipad. Iba-iba lang ang antas ng taas, iba-iba ang target, iba-iba ang paraan ng pag-akyat o paglipad at pag-abot doon sa estadong sakto na, ayos na. Minsan ay malayo sa ulap, minsan ay malapit, at may iba-ibang nakikita base sa layo o lapit na ito.
Kanina, sa departamento, habang humahabol sa deadline ang kasama kong guro para sa kanyang gawad, at ako naman ay nakasalampak ang mukha sa isang mesa doon—inaantok na hindi—dumating naman ang gurong sasamahan ko pa lang sa ATM. Nagtanong ang isa, paano ba pupunta sa Novaliches, paano ba pupunta sa ospital na ganito. Ang isa namang humahabol sa deadline, tumigil sandali sa pagtipa sa computer at nagtanong kung sino ang nasa ospital. Noong sinabi ng isa na father-in-law niya ang naroon, na namatay ang tatay ng asawa niya, nagkaroon ng saglit na pagtigil ng mga mundo. Isang maliit na maliit na saglit, hindi agad-agad mapapansin, pero tumigil pansamantala ang lahat. Ang gurong may inaasikasong iba, tumigil at nagsabi ng “sorry” para sa nangyari sa gurong naghahanap ng ATM, pantaxi papunta sa ospital sa Novaliches. Sinamahan ko siya pababa sa Landbank at inialok na ihatid siya hanggang sa SM Fairview. At nagpatuloy ang daigdig sa paggawa at paghawi ng mga ulap.