Elbi

Winawasiwas mo ang dala mong payong, parang samurai, parang noong ginagawa mo rin noong sumama tayo sa rally dati.  SONA ni Gloria.  Biro ng isang kaibigan noon, “Gloria ROMERO, pekeng pangulo!”  Naroon din ang isa pang kaibigan, siyang mas GND, siguradong na-agit siya kung narinig niya ang birong iyon.  Mabuti’t sa iba siya nakapakat.  Hindi na natin siya masyadong pinag-usapan pagkatapos niyang mamatay.

 

Ikaw ang nagpakilala sa akin ng lechon kawali at munggo sa Batcave, ang libreng sabaw sa IRRI.  Hindi na ikaw ang kasama ko sa Cadapan’s, nagsusundo ka na kasi ng mga anak mo sa eskuwela noong nadiskubre ko ito, kasama ng iba.  Noong ikaw pa ang nagpapasyal sa akin, noong araw na iyon, naikuwento mo siya, siyang hindi mo sinasadyang napaiyak sa may overpass.  Sabi mo, bigla na lang dumapo sa iyo—kung mahal mo, dapat hindi mo sinasaktan.  Hindi ko alam ang isasagot ko noon, basta naramdaman ko, balang araw, mai-in love din ako sa isang tagainyo.

 

Tuwing binibisita kita, tuwing nagpapahinga tayo sa paglalakad-lakad, lagi tayong sa pagitan ng Freedom Park at DL Umali bumabagsak.  Noong araw na iyon, sumagi sa isip natin ang isang dating kaibigan.  Pareho na natin siyang hindi nakikita o nakakausap noong sumagi siya sa isip natin.  Naalala natin ang kanyang kuwento, kung paano bawat taon simula noong nakilala natin siya’y lagi niyang sinasabing twenty-seven ang edad niya.  Natanong natin—hindi ko alam kung sino ang nauna—kung kailan kaya siya titigil sa pagsiging sinungaling.  Pareho tayong humalakhak, tawang tweny-six.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.