Habang napapalapit ang tag-init ay lalong hume-hectic ang buhay. Tulad ng nakaraang araw, na pagkarami-raming inasikaso. Pero ito ay araw ng mga pangako. Una, nagbenta ng lumang flash sa kliyenteng pinangakuan kong pagbentahan dahil siya ang pinakamasigasig maghintay at mangamusta sa produktong ibinebenta (sana’y masaya siya sa nabili niya); pangalawa, nagbasa ng piyesa para sa book launch ng antolohiyang kinabibilangan ko, akala ko kasi’y magpe-perform ang lahat ng nag-ambag kaya umoo ako kahit sa greenbelt, na di ko pinagsisisihan dahil masaya ang event; pangatlo, ang featured sa post na ito, ay ang pangakong bibisita sa pabasa ng kaibigan. Panata nila ito kada taon, at ayon sa kanya’y parami nang parami ang nakikibasa sa bawat taon. Sana’y maging malakas na ang loob ko para magbasa nang malakas, para makasabay sa pagbabasa nila ng pasyon.

Isang magandang pakiramdam, ang pakiramdam ng nakatupad sa salitang inilatag.






