Pagkawala/Kawalan bilang Metatext, at ang mga Pigura ng Pag-ibig sa Alunsina Desap

Bilang bahagi ng kanilang 2010-2011 Theater Season, itinanghal ng UPLB Samasining ang dulang ALUNSINA DESAP noong 24-27 Pebrero 2011.  Ang dula’y isinulat ni Prop. Reagan Romero Maiquez, at sumailalim sa direksyon nina Prop. Ron Binas at Prop. Jeremy Reuel De La Cruz.

 

Bilang isang manonood na babad sa cable television at Internet, posibleng ipaalala ng pamagat ang piling mga episode ng GLEE, isang popular na TV series.  Ito ang ang mga episode na pumapatungkol sa song mashups—sa ilang mga episode na nabanggit, pinagsasanib ang parang magkaiba pero sa huli’y mapatutunayang magkatulad na mga awit.  Tulad din ng pagtatagpi-tagpi ng Internet users ng mga imahen at tunog mula sa kanilang mga paboritong palabas upang makagawa ng kani-kanilang fan videos at screen capture comics.  Isang hybrid na bagong-lumang-lumang-bagong teksto, ganito ang posibleng maging ekspektasyon sa dula.  Isang pagtatangkang pagsanibin ang katutubong alamat ng paglikha, at ang nosyon ng pagkawala sa konteksto ng pagiging desaparesido, na isang terminong naging popular noong panahon ng Batas Militar—mga taong nawawala, puwersahang dinukot, posibleng dumanas ng torture at summary execution, pinagpapalagay na biktima ng sistematikong dahas mula sa sariling pamahalaan.  Mula sa pagtatambal at pagsasanib nitong dalawang imahen, nitong polarisasyon ng pag-usbong at paglaho, inaasahang iluluwal ang sintesis, ang interkoneksyon.

 

Sa ganitong TV-Internet Frame iminumungkahing basahin ang palabas.  Sa ganitong lapit, kinikilala ang exposure ng manlilikha ng dula at ng audience sa iba pang multimedia elements bukod sa dulang pang-entablado.  At sa ganitong rekognisyon, posibleng mas magiging madali ang paggagap ng lohika sa adaptasyon nitong mito ng paglikha, na ie-extend pa sa iba’t ibang bersyon ng paglaho.  Maaaring basahin bilang fan writing ang dula.  Hindi lamang simpleng retelling ang ALUNSINA DESAP, ihinahalo nito ang ilang mga tauhan mula sa magkaibang mga mito, nagdagdag at nagbawas ng ilang mga bahagi, itinuloy sa kuwentong may mga tauhang makikilala sa kasalukuyan.  Isang ideyal na halimbawa ng textual poaching—isang terminong ginamit ni Henry Jenkins, isang iskolar sa Fan Studies at Advanced Media Studies at sumulat ng librong TEXTUAL POACHING: TELEVISION FANS AND PARTICIPATORY CULTURE.  Ang textual poaching ay ang kapasidad ng isang fan fictionist o fan writer na gumamit ng mga umiiral na teksto, iproseso ito ayon sa kanyang intelektuwal na kakayahan, ihulma, at ariin ito bilang panibagong anyo ng naratibo.  Hindi orihinalidad o pangongopya ang isyu, kundi kung paano magkakasilbi ang teksto sa panahon at sitwasyon ng intelektuwal na nagbasa ng teksto, na sa bandang huli’y gaganap din bilang tagalikha ng panibagong tekstong naka-target sa isang partikular na audience.

 

Sa bersyon nina Maiquez/Binas/De La Cruz, pangungulila ang sanhi ng paghabi sa cosmos, lungkot ng pagiging mag-isa, sentimiyentong inaalingawngaw ng mga tauhang Bidasarimanok at Kawayang Lawiswis.  Sa sentimiyentong ito tumugon ang pagtatagpo nina Tungkung Langit at Alunsina, at sa pagsasanib ng dalawang bathala’y nagkaroon ng pakiramdam ng kaayusan.  Ngunit ang cosmos ay agad na mapapalitan ng chaos sa oras na maiwan si Alunsina sa kanilang tirahan sa alapaap, diyosang itinalaga bilang taumbahay at tagahanda ng sinaing (sa isang pilosopong manonood, pwedeng sabihing ang ugat ng lahat ng pagkagunaw ay ang kawalan ng Gasul o Emergency lamp sa langit).  Magwawala si Alunsina sa pagkawala ni Tungkung-Langit, ng liwanag, ng posporong magbibigay ng kapiranggot na ilaw, ng bigas, ng lahat-lahat, isang pagkaulol na nag-ugat sa paglaho ng nakasanayang kaaayusan.  Sa kanyang pagwawala,  magpaparoo’t parito ang ang mga pula’t asul na pulutong ng Alipato’t Alatiit, kikisap ang LCD projector ng teatro, at ipakikilala sa pamamagitan ng photoplay ang pagkagunaw ng mundo ng mga mortal, na tutuloy naman sa pagpapakilala ng mga bagong tauhan sa naratibo: sina Jody at Regina, isang tipikal na housewife at isang tipikal na kabit, nag-aagawan sa sundalong lalaking biglang nawala sa kanilang piling ; si Giz, abogadong nagpapaka-fitness expert, taglay ang lahat maliban sa isang intimate na relasyon; si Caloy Andrade na isang university professor, walang kahiya-hiyang ibinabandera ang kanyang kaalaman tungkol sa intertextuality, sa fractals, sa mga akda nina Rosario Cruz Lucero at Ricky Lee, habang kinakatunggali ang atraksyon niya para sa kanyang mga estudyante; Si Jomar, ang desaparesido, ang mukhang ibinabandera sa mga rally, kasama ng mga larawan nina Karen at Sherlyn, mga mukhang hindi lahat ay may oras tumingin, kumilala, maghanap.  Magtatagpo sina Alunsina at ang mga bagong tauhan sa isang anyo ng middle-space, isang limbo, kung saan isasalaysay ng bawat isa ang kanya-kanyang mga kuwento ng pagkawala at kawalan.

 

Bukod sa mga elemento ng ng fan writing na naisagawa ng dula—pagbabago ng lugar at panahon, paglipat ng isang popular na tauhan sa isang panibagong mundo, pagpapatuloy ng naratibo mula sa nakasanayan nitong pagwawakas—inaasahan ding ang bagong bersyon ng teksto’y nakabubuo ng isang matibay na metatext.  Metatext ang terminong ginagamit ni Jenkins para tukuyin ang kabuuang mga batis ng kaalaman at pag-unawa sa isang teksto mula sa komunidad ng mga taong nakabasa o nakaranas ng tekstong ginagawan ng panibagong bersyon.  Halimbawa, kung kuwento ni Tungkung-langit at Alunsina ang pinag-uusapan, ang metatext ay ang kabuuang bungkos ng impormasyong alam at naintindihan ng mga nakabasa ng iba’t ibang bersyon ng mito nina Tungkung-Langit at Alunsina.  Sa pinakaistriktong depinisyon ng metatext, maaaring magkaroon ng problema ang dula.  May posibilidad na hindi natutugunan ng adaptasyon ang mga orihinal na karakterisasyon o eksaktong paglalarawan sa mga katangian at motibasyon ng mga tauhan mula sa mga orihinal na mito.  Maaaring may mga iskolar sa katutubong panitikan na kumuwestiyon sa authenticity o faithfulness ng produksyon, at sa kung paano ito itunuloy o ikinabit sa kuwento ng mga kontemporaryong tauhan.  May malaking posibilidad ding ihayag na may pagkapilit ang pag-uugnay kay Alunsina sa iba’t ibang mga tauhang may iba’t ibang personal at pulitikal na suliranin, pilit dahil baka hindi tugma sa rasyunal ng pagkakahulog ni Alunsina mula sa langit—kung naging malinaw man ito sa mga tagapanood—o/at pilit dahil sa isa na namang pagkakataon, ang buhay ng mga mortal ay nakatakda na naman sa desisyon ng isang diyos/diyosa (kung ang sinasabing fractals sa dula ay bahagi ng malaking kabuuan, bakit diyos lang ang makakaapekto sa mundo ng mga tao?  Hindi ba posibleng baligtarin ang mekanismo’t ang kilos naman ng mga mortal ang magkaroon ng literal o pisikal na impact sa mundo ng mga diyos?).   Sa kabilang banda, malakas ang reaksyon ng mga manonood sa mga eksena ng suyuan nina Tungkung-Langit at Alunsina, kasinglakas ng pagtugon ng audience kapag may mga pahayag tungkol sa paghihintay ng sinisintang hindi umuwi sa bahay ng kabit o ng legal na asawa, o sa paghahayag ng galit sa mga babaeng nagpapaloko sa mga lalake, o sa gurong nagsasawika ng kanyang pagkaakit sa kanyang estudyante, o sa pagmamakaawa ng isang diyos sa sinusuyong diyosa—kay lakas ng tawanan noong nangako si Tungkung-langit na kung babalik si Alunsina’y hindi na niya kailangang magsaing!  Sa kabilang banda, sa gitna ng lahat ng chaos, ng gulo at parang kawalan ng koneksyon, may mga bakas ng emosyon, bakas ng imahen-tunog-galaw, may mga piraso ng katotohanang nakukuha ang taganood/tagabasa ng dula.  May communal na pag-unawa sa paghahayag ng pangungulila’t pagiging kulang, at marahil sa ganoong kolektibong pag-unawa mahuhugot ang sinasabing metatext.

 

Siguro, kung nagpatuloy pa ang dula’t itinuon ang pokus sa mga lecture ng gurong si Caloy, siguro’y siya ang magpapalawak pa ng metatext na natukoy.  Muli niyang ibabahagi ang nosyon ng fractals, na ikakabit niya sa bagong-biling librong A LOVER’S DISCOURSE ni Roland Barthes.  Sa librong ito, ikukuwento niya habang nakatingin sa estudyanteng lihim niyang sinisinta,  ang fractals ay  tatawaging fragments, o figures.  Nabubuhay daw ang tao sa mundo ng pira-pirasong paghahayag ng sarili.  Walang iisang kabuuan, walang tiyak na umpisa-gitna-wakas.  Ang pag-iral ng tao ay pag-iral sa mundo ng pangangapa sa mga pirasong ito.  Hindi kayang ipaliwanag ang kahulugan ng buhay, o ang punto ng existence ng isang nilalang sa mundo, o kung bakit laging parang di mapahilom na sugat ang pakiramdam ng pagiging hindi buo.  Pero makakaranas ang tao ng iba’t ibang interaksyon, makakarinig siya ng iba’t ibang kuwentong-buhay, mapapanood niya ang iba’t ibang eksena mula sa mga kakilala’t di kakilala, at sa puntong iyon ay makakaramdam siya ng isang magkahalong pagkabahala’t pagkapanatag.  Nakikilala niya ang karanasan, pamilyar ang eksena.  Parang naranasan na niya, parang naisabuhay na niya, parang naramdaman na niya.  Walang sinumang tiyak na makapaglalarawan danas, pero may makakakilala sa pakiramdan ng pag-aabang at pagpapaabang, ng pagsasalita at pananahimik, ng pag-angkin at pagpapalaya.  Mayaman sa mga ganitong piraso/ fractal/ fragment/figure ang dula, at kahit posibleng hindi mapagtahi-tahi ng manonood ang kabuuan ng mga pirasong iyon, posibleng sapat na ang pagdanas ng pagkilala at pamilyaridad.  Baka naman ito an ang esensya ng dula, na tingnan siya para sa mga pirasong ito, na tanggapin na baka hindi pagsusugpong o pagsasanib ang pinakamataas na resolusyon kundi ang bahagyang dampi at hagod, nahahawakan na hindi, nakakapa bagaman nakahiwalay pa rin.  Isang matamis-mapait na pakiramdam na magbabalik sa tagapanood sa isang yugto ng kanyang buhay, ang yugtong unang lumatag sa kanyang gunita ang konsepto ng “pagmamahal.”

 

May ilan pang lugar para sa pagpapalawak nitong mungkahing lapit sa pagbabasa.  Bukod sa pagtutok ng ilaw sa audience, halimbawa, siguro’y naramdaman pa ng mga tagapanood ang inklusyon sa eksperimentong ito kung tumatawid-tawid ang mga artista ng dula (na mangangahulugan din ng pagtawid ng kuwento) sa loob at labas ng stage area; maaari ring maging mas sabog pa ang daloy ng kuwento (halimbawa ay ang paglusaw ng usual two-act scheme ng dula, o ang halinhinang pagpapakilala sa mga tauhan imbes na ang mga diyos sa unang bahagi, at ang mga tao naman sa ikalawa, pagiging mas indistinct pa ng harang sa sayaw, pag-awit, video, dialogue—sa kasalukuyang estado ng dula’y maaaring tumawid siya bilang maayos na pagsasalansan ng mga elemento versus chaotic pero tila may kaayusang istruktura).  Baka may dagdag na excitement kung tinahak din ng dula ang isang usual fan writing path na pagtatambal ng ilang mga di-inaasahang tauhan sa ilang di-inaasahang sitwasyon—si Alunsina at si Caloy kaya, o si Tungkung-Langit at si Jomar?  Maaari pa ngang nilaro ang ekspektasyon ng audience mismo, na sa bandang huli’y gawing mas obvious na may mga bahagi silang hindi maiintindihan/naiintindihan, o isiniwalat pa sa manonood na may butas din sa paghahanay ng mga bagay sa dalawahang tumbasan (diyos-tao, babae-lalake, tagapanood-tagapagtanghal).  Pero ito’y posibleng mga hamon o mungkahing ihaharap na sa mga susunod pang produksyon.  Sa ngayon, kailangang kilalanin ang dula para sa mga napagtagumpayan nito,  isang piyesang may intensyon ng pagpapalalim habang pinapanatili ang elemento ng aliw at pagpapaliwanag.  Humahanga ako sa mga kasapi ng produksyong ito sa pagtatangkang ipaproseso sa kanilang mga tagapanood ang mga masalimuot na konsepto ng pagsasagilid, pulitikal na dahas,  seksuwal na pagkakahon, mga panandaliang aliw ng materyal na pag-aari.  Higit pa roon, kahanga-hangang hinamon ng produksyon ang mga manonood na tanggapin ang posibilidad na ang lahat ng mga yugto’t episode na itinanghal ay bahagi ng isang mahaba, masalimuot, walang umpisa-gitna-katapusang naratibo ng pag-ibig.

 

One thought on “Pagkawala/Kawalan bilang Metatext, at ang mga Pigura ng Pag-ibig sa Alunsina Desap

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.