Iniisip kong minsan, parusa rin ang masyadong matandain. Minsan, mas okey ang nakakalimot. Walang bagahe ng mga inaabangang panata, walang bigat ng mga pangakong napako. Pero masakit man, sa ngayon ay pinipili ko pa rin na makaalala, pinipili ko pa ring isulat ang memorya na parang walang iba pang mas mahalaga kundi mapanatili ang mga salita ng hindi paglimot.
Maulan ang bawat Huwebes nitong pasukan. At sa ngayon, nasa panig pa rin ako ng pag-aabang. Isang pangako, isang paniniwala, sa isang taong posibleng inimbento ko lang sa imahinasyon ko. Sa aking makulit na isip, isa siyang magulong tao, isang napakakomplikadong kaibigan. Pero sinabi niya, at naniniwala pa rin ako doon, na siya’y ganoon nga, isang “kaibigan.” At ang kaibigan, hindi hahayaang maghintay ang kapwa kaibigan, maghintay para sa wala.
May lumigtas sa akin sa mga nakaraang pag-aabang, isang hindi inaasahang bisita. Sinasamahan niya ako sa panonood ng sine, sa pagkain, magkasama kaming sumalubong sa kanyang kaarawan. Kagabi, sa gitna ng pagmamaneho sa maulang kalsada, tinanong ko kung saan niya gustong pumunta, sabi niya, “kahit saan.” Naroon siya’t kausap, kabiruan, kakuwentuhan, tungkol sa mga plano’t pangarap, lagi akong madaling mabingwit sa mga ganoong kuwento.
Kapag naiisip ko ang aking tagapagligtas, naaalala ko ang kanyang magandang timing, ang kanyang di inaasahang presensya. Masaya ako, pero kasabay nito, kasabay nitong nakakagulat na kabaitan, lalo lang lumulutang ang ibang inaabangan, siyang itinuring kong kaibigan, siyang bumubuo ng milyung-milyong ulap sa aking isip, siyang sa gitna ng nararanasan kong ligaya mula sa iba’y nagiging imahen at ugat ng lahat ng klase ng sakit.
Hindi ko ito ginusto, hindi ko ito ginugusto. Hindi naman palaging masaya ang sumuko sa isang minamahal. Pero baka talagang may mga pag-aabang na kailangang putulin, baka may pangakong kailangang baliin. Baka minsan, bago ako magpakasakit para sa iba, baka kailangan ding alalahanin ang aking sarili.