Light Snack Surprise Moments/ Rainy Friday in Mong Kok

May mali yata sa akin, masyado na yata kasi akong chill sa buhay.  O, ang mas tamang sabihin, chill sa maraming bagay na dapat natataranta, at nagpapakataranta at praning sa mga sitwasyong wala naman akong kontrol kaya naman mas dapat magpa-relax lang.

Gusto kong bumalik ang pakiramdam ng excitement para sa mga deadline at mga tagumpay–katulad ng pakiramdam ng unang suweldo/unang award/unang akdang nailimbag/unang libro/unang royalty check/unang imbitasyon para magkuwento tungkol sa pagiging manunulat/unang byahe sa labas ng Luzon/ unang byahe sa labas ng bansa/unang Dirty Sanchez.  Nasa punto kasi ako na sinasabi ng isip at paligid ko na maaga pa, marami pang byaheng dapat mapuntahan at marami pang pakikipagsapalaran na dapat bunuin, pero ang aking heart naman ay nangungulit sa pagsabi ng “hindi, ayos lang iyan, relak ka lang, wag pabigatin ang mundo mo.”  E syempre, doon ako madalas maniwala, sa heart.

Kaya habang hinihintay bumalik ang spark, ang sigasig, ang libog para sa maraming surpresa ng mundo, nagpapakuntento na lang muna ako sa pagbahagi ng mga maliit na surpresa sa mga kaibigang mas masiklab pa ang damdamin para sa mga kasiklab-siklab na bagay.  At nakakatuwang para sa ilan, napakaraming kaba at pagkatarantang nabubura ng ilang slice ng cake, express-kuwentuhan, at ilang larawan.

Ang isa’y naghahandang pumunta sa Palawan para sa kaunting immersion; ang isa’y humahabol ng mga deadline para sa mga nakapilang art show.  Ako, wala, nag-iisip kung sino ang unang mapapagod at sikretong pagtatawanan sa mga makakasabay sa jogging noong araw na iyon.  Pero tumitigil ang buong uniberso pansamantala para sa pagnamnam ng ilang slice ng Estrel’s:

Pagkatapos ng saglit na meryenda-chika time, babalik na kami sa aming mga sariling mundo.  Ang isa’y mag-eempake, ako’y babalik sa campus para magpaka-fit, ang isa’y babalik sa pagiging art superhero.

Ang ating art superhero ay hahabol ng deadline para makagawa ng Munny.  Natutuwa ako sa pun ng pangungusap na iyon.

 

Kinagabihan, pagkatapos ng sariling pagmamagaan jog-jog lang na parang walang naghihirap moments, nakipagkita ako sa mga kaibigang hindi mahilig kumain ng carbs.  Sinalo ko na ang mga kaning pinalaya nila habang naghahabol ng mga nakalipas na kuwentong-buhay.  Nakisabay sa amin ang buhos ng ulan.  Sa lente ng aking entry-level na kamera, mukhang isang eksena sa Hong Kong ang nagaganap.

Pagkauwi sa bahay, habang binabalikan ang mga larawan, naisipan kong bumuo ng poster para sa isang imaginary na pelikula.  Ipipila ko siya sa aking imaginary TV series at imaginary novel na pare-pareho kong isinusulat sa panaginip.

Isinukat ko rin ang surpresa ng isang kaibigang sa sobrang saglit ng pagkikita’y hindi ko na nagawang kunan ng larawan.  Pink baktong Cambodian shirt ang tawag niya sa kanyang iniregalo.  Isa ito sa mga pinakamagandang t-shirt na natanggap at naisuot ko sa buong buhay ko.

Gusto kong maalala habambuhay ang pakiramdam ng gaan kapag nilalaro sa isip ang mga susunod na light snack surprise, ang mga mabilisang hinahabol na kuwento, ang mga hinirayang mga pelikula’t teleserye, ang mga laro sa tunog at imahen, ang pakiramdam ng pagkagulat-pagkapanatag-pagpapasalamat.  Baka nasa tamang lugar pa ako.  Siguro’y hahayaan ko na lang ang sariling mahatak ng iba’t ibang bigat ng buhay sa kanilang angkop na panahon, nang walang anumang pagpipilit mula sa aking panig.  Wala namang ibinungang maganda ang kahit anong hininog sa pilit, maski ang grabedad.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.