Better Picture in Progress

Mula sa isang taong naging malapit din sa akin, noong unang panahon—bakit daw ang hilig-hilig namin sa mga kuwentong natatapos sa lungkot?  Naihinga niya ang kanyang puna pagkatapos kong iparinig sa kanya ang mga kanta mula sa musical na “The Last Five Years.”  Ito’y kuwento ng limang taon ng pagsasama, isang manunulat at isang aktres sa teatro.  Sa musical, may mga sundot man ng ligaya’t excitement, ang puno’t dulo ng kanilang kuwento’y minarkahan ng mga awit na nangingibabaw sa lungkot.

Naalala ko ang musical, ang taong dati’y malapit sa akin, ang lungkot, habang nakikikain ng pandesal kasama ang mga kaibigan.  Sa di planadong agahan nitong nakaraang araw, naibato uli sa akin ang tanong, wala ba akong maisusulat na masaya , dito sa aking maliit na espasyo ng birtuwal na mundo?

***

Nahihiya ako dahil alam kong maraming mga kuwentong umaandar kasabay ng aking mga parang paulit-ulit na istorya, mga salaysay ng iba na sa aking tantiya’y mas may bigat at kompleksidad.  Pero syempre, hinahatak ako ng mga sariling takot at kaba, ng mga makasariling pakiramdam ng pag-iisa’t iba’t ibang antas ng sakit.  Sa aking tantiya, hindi palaging madali ang umako ng sakit ng iba habang may iniindang sariling karamdaman, kahit pa sa sariling danas din napatunayang hindi rin palaging mabuti sa kalusugan ang magpahatak sa sariling bigat.

Madalas, ang sariling bigat ay lumilipat sa panulat.  Ang biro ko sa mga malapit na kaibigan, hindi ako makapagsulat kapag masaya, at lahat ng nailimbag na aklat ay umandar sa ganoong prinsipyo.  Tutal nasaktan na ako, sa aking tantiya, e di masaktan na ako’t gumawa ng libro tungkol sa aking pain.  Minsan sinusuwerte, ang sakit ng loob ay nag-aanyong book royalties.  May panahong tumatanggap ako ng lampas sampu hanggang dalawampung libo kada anim na buwan dahil sa mga hinanakit na inilapat sa pahina.  Those were the days.

***

Sa pagkakamera, madalas kabaligtaran ang aking operasyon.  Madalas akong nagbabaon ng kamera kapag may pinaplanong surpresa, o umaasang may makukunang masayang alaala.  Madalas ay may inaasahan akong reaksyon, at inaabangan ang reaksyong iyon para mahuli ng entry level na techie toy.  Para may pruweba na nasunod ang plano.  At ang pagsunod sa plano ay madalas katumbas ng pagiging masaya, sa aking tantiya.

Minsan, bago pa dumating ang pichur-pichur moment, nabubuo na sa isip ko ang mga eksena.  Mabilis ang pagtakbo ng utak, naglalatag ng mga bisyon at premonisyong hindi naman palagi’t hindi naman kailangang mangyari.  Palagi kong kinukulit ang sarili na huwag masyadong ma-excite, antayin na lang dumating.  Palagi akong kinakabahan habang hindi pa dumarating ang alaalang inaasam/inaasahan.

***

Mula sa isang taong malapit sa akin, ngayon-ngayon lang, bakit daw parang mas matindi ang kapit ng mga alaalang ikinakabit ko sa lungkot at pagkadismaya?  Bakit ang maraming oras na magaan at steady lang ay nilalamon ng isang pagkakataong tinatantiya ko bilang “mali?”  May mga paliwanag ako, may mga gustong sabihin, pero laging nabablangko kapag tinitingnan kung paano niya ako tinitingnan noong mga sandaling iyon—blangko, hindi maipinta ng kahit anong salita—at bumabalik lang sa aking sarili ang pagbulong ng “oo nga, bakit nga ba ganoon?”

***

Binabagabag ako ng mga pangsariling bigat—utang sa credit card, gulong na pinasingaw ng nangtitrip na kapitbahay, 400 pesos na pagkakasyahin sana hanggang sa susunod na buwan, obsesyon sa pagpapayat at sa katabaan, takot sa pag-iisa at katahimikan.  Aminado akong nakakalimot ako, nalalampasan ang pananda ng tuwang ibinabahagi sa akin ng uniberso nitong mga nakaraang buwan/araw/linggo.  Saktong sa mga sandaling hindi ko dala ang aking kamera, ang aking depensa, saktong dumadalaw ang mga di-planadong tulong at pagbabahagi ng ligaya.  Sa mga sandaling sariling mata’t camera phone lang ang nabitbit, nakapasyal ako sa mga lugar na hindi pa napupuntahan; sa mga oras na iniisip kung paano o saan ba magpapalipas/palilipasin ang gutom, nariyan ang mga kaibigang nag-alok ng libreng kain/inom/kuwento; may mga bagong kakilalang nagturo ng pinakamalampit na vulcanizing, at mga dati nang maaasahang sumugod para tulungan ako sa aking mga maliit na sakuna; habang ineenjoy ang saglit na meryenda mag-isa, may mga dumaan para kumaway at mangamusta; sa gabing lumulutang na ang ulo ko sa mga alagang takot, pagod, at antok, may nagpaubaya ng sariling oras at espasyo para masigurong, sa wakas, posible na ang mahimbing na pagtulog.

Nahihiya ako sa kanilang isinunod ko lamang sa maraming paliguy-ligoy.  Wala akong ibang masasabi kundi pasensya na, at maraming salamat.  Sana’y kasa-kasama ko pa rin kayong nariyan at nagpakita, hanggang sa mga sandaling mas matingkad na sa aking mapangdudang mata’t isip ang mas malaki’t mas masayang larawan.

***

Sa mahabang patlang ng di pag-uusap, sa loob ng sasakyan, hinawakan ko ang kanyang kamay.  Anong pasasalamat ko’t sa lahat ng mga salitang binitawan ko, mga salitang nanakit at nagpapatahimik sa kanya sa mga sandaling iyon, sa gitna ng kanyang mga sariling sama ng loob, hindi siya nagpumiglas at kumawala.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.