Bulaan

Huwag mo akong paniwalaan; ang puso ko’y may lamat.
Maulap ang lahat sa aking tanaw.

Batid ko ang sariling dibdib; kabisado na parang psychiatrist.
Pag ang mga titik ko’y nag-uumapaw sa damdamin,
doon ako nagiging lubos na sinungaling.

Kalunus-lunos, sa totoo lang: buong buhay akong hinangaan
sa aking talino, sa mahika ng salita, talas ng isip.
Sa bandang huli, lahat ito’y balewala–

Hindi ko matandaan ang sarili,
halimbawa, na nakatindig sa mga baitang, hawak ang batang kapatid.
Hindi ko tuloy maipaliwanag
ang pagkakagalos ng kanyang bisig, sa may dulo ng manggas.

Sa sariling pagtingin, ako’y may tagabulag: ako’y purong pahamak.
Ang mga gaya ko, tipong akala’y bukas sa lahat,
kami ang mga inutil, kami ang mga sinungaling.
Kami dapat ang pinakaunang inilalaglag
kung katotohanan ang tanging hinahanap.

Sa sandali ng pananahimik umaapaw ang pagtatapat.
Langit na maaliwalas, mga puting hibla ng ulap.
Sa ilalim ang munting bahay na kulay abo, at ang mga azalea,
matingkad na lila at pula.

Kung ang nais mo’y ang totoo, alisin sa hinagap
itong nakatatandang kapatid, iwaksi siya sa gunita:
kapag ang isang nilalang ay nakaranas ng ganoon katinding sakit,
sa pinakamarubdob nitong kakayahan,
walang anumang gumagana.

Kaya huwag mo akong pakatiwalaan.
Pagkat ang sugat sa dibdib
ay sugat din sa isip.

 

(adaptasyon ng piyesa mula sa http://www.poemhunter.com/poem/the-untrustworthy-speaker/)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.