Kahapon ang “cheat day” ng kaibigan kong sina L at R. Marami akong pwedeng ipanglarawan sa kanila pero gusto ko silang ilarawan sa simula bilang ang aking mga kaibigang hindi kumakain ng carbs. Maliban na lang kung cheat day, ang araw na pwedeng baliin ang mga sinumpaang panata sa pagngasab ng mga maarina’t maasukal na pagkain.
Biro ni C, isa pang malapit na kaibigan, noong una niyang narinig ang “cheat day,” nai-imagine niya na ang araw na ito ay pandaraya sa usapin ng relasyon nina L at R. Na tuwing Linggo, humahagilap sila ng ibang mga taong makakasama at makaka-sex, at kinabukasan ay balik na uli sa nakasanayan na nilang buhay-magkarelasyon. Happy Cheat Day. Sayang, wala si C kahapon, hindi naman talaga siya nahihilig lumabas tuwing weekends.
Bukod kina L at R, kasama pa namin ang isa pang L. Si L na ito, rockstar ‘yan. Pag nagkakataong magkasama kami, madalas akong magtanong sa kanya sa mga tamang diskarte sa pag-ibig. Lagi akong kinukunsinti ni L, at laging pinagsasabihan. Huwag daw ako masyadong magbilang, huwag daw masyadong sasama ang loob kung ako palagi ang nauunang humirit o gumawa ng paraan. Tama naman si L, dapat napaglalakihan din ang pagbibilang ng kabutihan at pagkukuwenta ng kung sino ang mas nauuna o mas nagbibigay kapag nagmamahal. Lahat kami, kahit hindi naman kami ang girlfriend ni L, ang tawag namin sa kanya ay “Hon.”
Kasama rin sa Cheat Day si D, na kamukha ni Tetchie Agbayani. Dala-dala ni D ang bagong Blackberry Playbook, nakuha niya dahil sponsor sa kanilang TV station ang Blackberry. Nag-a-update siya ng OS sa pamamagitan ng kanyang portable wifi. Kay susyal naman ni D, at kay bait. Noong bago magpasko, binigyan niya ako ng planner na may disenyo ng The Vampire Diaries. Paborito ko pa man din ang makakuha ng freebies mula sa mga napapanood kong series.
Ako, si L at R, si L/ Hon, si D, pinagsaluhan namin ang Monster Meal Deal ng Shakey’s sa Matalino Street kagabi. Noong inorder ko ang Monster Meal Deal, pinaalala ng waiter, “Sir, pang-ten to twelve persons po iyon ha,” sabi ko, “opo, alam ko po,” kahit na lilima lang naman kami. Nahiya pa nga ako kaya sinabi kong anim talaga kaming kakain sa mesa. Lahat ng order sa Monster Meal Deal ay dinodoble–dalawahang pizza, dalawahang spaghetti, dobleng dami ng manok (sangdosena). Lahat ay itutulak ng tatlong pitsel ng Pepsi. Magkakasundo kaming lahat na ayaw namin ng spaghetti na puti ang sauce, kaya imbes na carbonara ang isang pasta ay parehong meat sauce ang aming pinili, gaya ng ginagawa namin pag magkakasama kami sa iba pang mga cheat day.
Pagkatapos ay lumipat kami sa katabing crepe store. Unang beses ko pa lang makapunta doon. Sila, dahil may nakahanda nang listahan ng order, naisip kong hindi na baguhan sa lugar. Natanong ko, sa gitna ng usapan tungkol sa mga Blackberry at Ipad, sa mga kaibigang nasa ibang bansa, sa Naruto comics number 576-577, sa mga gig sa Palawan, natanong ko kung kailan sila unang nakapunta sa crepe shop na kinakainan namin. Sumagot ang isang L, “noong December.”
At natawa kami, kasi naalala namin na iyon ang araw na nilaglag ko sila. Isang gabi ng Disyembre na sinamahan nila ako sa isang lakad, at nagkataong pinili kong sumama sa iba noong naroon na sa dapat puntahan. Panibagong kuwento na siguro iyon, at tapos na ang palitan ng mga paumanhin at mga bilin. Pero hindi ko mapigilang maisip na nakakatuwa ang mga ganitong surpresa, ang mga ganitong realisasyon. Na sa dinami-dami ng mga pasikut-sikot sa sariling byahe, sa gitna ng mga tampo/ reklamo sa sarili at sa iba, nakakatuwa na kahit ang bawat isa sa amin ay may mga sariling lungkot, sariling pinagkakaabalahan at plano, may mga araw na gaya nito, na may mga taong gaya nila. Mga kaibigang pagsasabihan ka kapag sumasablay ka, pero palagi kang maaalala sa mga araw na gustong dayain ang lahat ng mga panata’t mag-enjoy lang sa mga saglit ng pagkaing tadtad ng mantika, tamis, alat.
Hanggang sa mga susunod na pagkikita.











