Kabilib-bilib, kaya kong lingunin lang
ang limampung taon. At doon, sa dulo ng tanaw,
isang nilalang na kabisado ng pagkilala ang kabuuan,
kuyom ang mga kamay sa may hita, ang mga mata’y
nakatitig sa hinaharap nang may pinaghalong
sindak at pagsuko ng kaluluwang hinihintay ang gunaw.
Pamilyar na pamilyar, batang-bata nga lang, syempre naman.
Nakatulala sa hinaharap, ang itsura niyang nakatitig sa tigib
na dilim.
At nagmumunimuni—ibig sabihin, sa pagkakatanda ko, may tangkang
labanan ang pagbabago.
Pamilyar, nakikilala, bagaman mas nangungulila, mas nagdurusa.
Hindi siya tumutugon, tingin niya, sa depinisyon
ng paslit, ng isang taong marami pang magandang inaabangan.
Ganito ang itsura ng iba; Kaya nga, oo naman, ganito sila talaga.
Palagiang nakikipagkaibigan
sa kamera, marami sa kanila’y tunay
na dalisay ang pagkakangiti—
Naaalala ko ang ganoong edad. Lito sa sariling duda, sa sariling pandidiri,
at kasabay naman nito’y nalulunod
ng panibugho sa pangkalahatan, sa pangkaraniwan; habambuhay
na kapiling ng pag-iisa, ng lamig sa pagdamay ng gunita, patungo sa bukas
na lubusang nilulukob ng lungkot, walang silbi ang ibayong lakas
bukod sa magwaksi—
Iyan ang problema sa pananahimik:
hindi nasusubok ang mga ideya.
Dahil hindi sila ideya, sila’y katotohanan.
Lahat ng harang, ng pagpipigil ng budhi, ang mapilit
na paghuhubad sa palasak papunta sa mahiwaga,
lahat sila’y kamangmangan ng daigdig, sa totoo lang.
Silang nagkukulang, silang nagpapalit-palit, silang napipigil ang imik—
lahat silang itinataboy ng pagkabuo. Naupo ako sa dilim, sa may sala.
Ang kaarawan ay ganap na. Pinaglimian ko ang panahon, natural.
Naisip ko kung paano, sa halos sabay na pagkakataon,
masayang lulundag ang puso ko’t bubulusok
sa walang kapares na pighati. Iyong saglit ng paglundag—ang sandaling di ko tinandaan—
iyon pala ang kaligayahan; iyon ang kakambal na kahulugan.
***
medyo nasira ang putol ng linya, pero pagtatangka itong ilipat sa Filipino ang tulang Birthday na nasa http://itsakirby.wordpress.com/2009/05/13/birthday/