1.
Apat na beses akong umiyak ngayong linggo.
2.
Wala akong hinihingi/ibinibigay maliban sa kung ano ang napag-usapan: may ibibigay next week, hihintayin ko ang next week; gustong magpakonsulta sa isang fortune reader, ibibigay ang contact number ng kaibigang nagbabasa ng hinaharap at kapalaran; sinabing makikipagkita pagkatapos ng trabaho, tapos na ang trabaho’t nag-aabang ako; kumapit sa kamay habang nakikiusap na wag iwanan, ayaw maging mag-isa, siyempre, kakapit naman ako, sasabihing “oo, sige, hindi kita iiwanan.”
3.
Naaalala ko ang isang kuwento ng kaibigan, tungkol sa asawa ng kasamang gurong nakapila sa cashier ng Goldilocks. May sumingit na isang customer, nagsabing nagmamadali siya kaya baka pwedeng mauna. Ang sagot ng asawa ng kasamang guro: “ano ang pinagkaiba ng oras mo’t naging mas mahalaga siya sa oras ko?”
4.
Malabo ang tingin ng mga matang inuulan.





