Gusto kong isiping kahit anuman ang pinagdadaanan, anumang lungkot ang pinapasan, gusto kong isiping laging may isang happy place na parang nasa palabas na “Cheers,” yung a place where everybody knows your name and they’re always glad you came (dahil madalas ay masaya naman talagang mag-come, depende sa sitwasyon).
Sa aking/aming happy place, lahat ay maganda. Lahat ay nagmamahal at minamahal. Pero lahat ng damdamin ay hindi dinadaan sa diretsang pagsasalita. Sa aking/ aming happy place, dinadaan ang lahat sa kanta.
Sa aking/aming happy place, may mga bagay na sinususpinde, hinihinto pansamantala. Pero minsan, mahirap, hindi madaling huminto. Wala namang automatic na mapipindot sa katawan para sabihing hanggang dito ka lang dapat mag-isip, hanggang dito ka lang dapat makaalala. Hindi naman ganoon kadaling isalansan ang alaala ng pagmamahal at alaala ng sakit. Pero sige, tuloy pa rin sa pagpila ng mga numero, dire-diresto pa rin sa pag-awit.
At yun siguro ang sikretong malupit ng aking/aming happy place. Parang pagkanta ng sanitized na “Walanghiyang Pare Ko:” Pare ko, meron akong problema, wag mong sabihing “na naman.” Same old same old. Mga litanya tungkol sa mga bagay na andiyan at wala, mga kumplikasyong sinususpinde pansamantala. Mga pag-alalang masaya na masakit, pwedeng pag-usapan pero idinadaan na lang muna sa kanta. at tutal kakanta naman, kakanta na nang may kasama.
At oo, alam ko: here i am, playing with those memories again.














