Iwinasiwas ng bata ang tinik ng isda’t matagumpay nitong nakuha ang atensyon ni
Kitkat. Mabagal na naglakad palapit sa bata ang pusa, kumakalog-kalog ang bundat
na tiyan at nanlalaki ang dalawang dilaw-berdeng mga mata. Unang pagbubuntis ni
Kitkat, at di mapakali ang batang amo sa kung ilang mga munting Kitkat ang iluluwal
ng nabuntis na alaga. Kulay kahel din kaya, naisip niya. Matakaw din kaya sa tinik ng
dalagang bukid? Nanlalaki rin kaya ang mga dilaw-berdeng mata kapag makakakita ng pagkain?
Ilan kaya? Ilan kaya? Hindi mapakali ang bata. Nagpapaulit-ulit sa utak niya ang isang
eksena: si Kitkat at ang kanyang mga kuting, mga supling na kulay kahel, nagtatalunan, kumikislap ang mga dilaw-berdeng mata? Kung ilan sila, hindi niya alam, hindi alam ng bata. Pinagmasdan niya ang bundat na tiyan ni Kitkat habang kinakain nito ang tinik, lumuhod siya’t sinapo ang namumukol na sikmura. Sinalat ng kanyang maliit na mga daliri ang paligid ng tiyan ni Kitkat, pinisil-pisil na parang dalagang bukid sa talipapa. Mayamaya’y nanlaki ang mga mata ng bata, di mapigil ang kanyang abot-langit na ngiti.
“Lima! Lima ang anak ni Kitkat!” at masaya siyang tumakbo papalayo sa pusa. Ilang
araw ang lumipas, nagluwal si Kitkat ng limang pira-pirasong mga katawan, mga durog-durog na lamang dapat sana’y mga kuting. Limang kumpol ng mga naluray na paa, bituka, tiyan, ulo, buntot. Nagkalat sa paligid ng limang pira-pirasong katawan ang limang pares ng itim na bilog, mga munting orbeng animo’y nakikita ang lahat ngunit walang nakikita.
***
*lumang akdang naisulat noong na IYAS WRITERS WORKSHOP ako. naisip ko lang uli dahil sa mga naipong kuha ng pusa, na marami sa mga kaibigan ko ang mahilig.