#

Isa sa mga lagi-lagi kong inuulit-ulit sa mga taong paulit-ulit kong kinukuwentuhan–pag may nakainan akong nagustuhan ko, pag may lugar na napasyalan at natuwa ako, natuwa dahil naisip ang isang malapit sa akin, gagawan ko ng paraan para dalhin sila doon.  Para maranasan din nila.  Dahil habang may mga araw na masayang kumain at pumasyal nang mag-isa, sa maraming pagkakataon, sa kaso ko, mas gumagaan ang pasyal pag may makakasabay sa byahe.

Mahirap maghashtag ng mga kuwentong karaniwang nilalagyan ng hashtag ngayon–feels, TBT, OOTD, foodporn.  Kakatapos lang ng bagyo.  Nagkikiskisan ang mga pananaw sa unibersidad kaugnay ng aktibismo, mob rule, pagiging sibilisado, pagiging kriminal.  Pero kani-kanina, noong tumila-tila ang ulan, sinubukan na namin ni Lorenzo ang pagbyahe papuntang sa book fair.  Unang book fair niya kasi kung sakali, matagal na rin niyang nasabing gusto niyang pumunta.  Sa dami ba naman ng pagkakataong pinaghintay ko siya at hinintay naman niya ako, at dahil alam ko namang abot-langit ang ligayang mararamdaman niya kapag napalibutan siya ng pagkarami-raming librong bagong-labas at discounted, tingin ko’y karapatan naman niyang mag-enjoy.  Isa siguro iyon sa kahashtag-hashtag na istorya, ang istorya tungkol sa paghihintay.  Sa akin, base sa mga naranasan, sa lahat ng ugnayan, mahalaga ang pagkakaroon ng respeto sa kanya-kanyang pag-aabang.  Sa prepesyunal na senaryo o romantikong ugnayan man, may paggalang na dapat igawad sa sinumang nagregalo ng paghihintay, at maipapakita ang respeto sa paglalatag ng mga bakas na may pupuntahan naman ang pag-aabang, o kung hindi man ay ang sapat na pagkadisente para magsabi nang maayos at malinaw.

Pareho kaming naghintay nang halos tatlong oras sa loob ng bus, mula SM Fairview hanggang Mall of Asia.  Napasyalan ang dapat pasyalan, nakatingin sa pagkarami-raming mga inaalok na babasahin.  Nakasalubong at nakangitian ang ilang mga pamilyar na mukha.  Pagkatapos nito, napag-usapan namin, kakain kami sa masarap.

Naisip ko, dadalhin ko siya sa El Pollo Loco.  Alam ko kasing may branch pa nito sa may MOA.  Dati, sa SM North ko ito naranasan.  First time makatikim (nahihiya akong sabihing hindi ko na matandaan kung sino ang unang kasama).  Parang noong unang nalasahan ang pizza ng Yellow Cab o isaw sa Dannylicious, ang goto sa Una Sikat o buffet sa Yakimix, noong matikman ko ang inihaw na manok-pita-kanin-salsa combo nila, agad umandar sa isip ko, “magugustuhan ito nina __________….”  At gaya ng mga unang danas sa pagkain at pasyal, naparanas ko ito sa iba.  Isang beses na tinamad na mag-Lantern Parade ang aming barkada sa writing org naUP UGAT at nag-Megamall na lang, noong dinalhan ko ang mga taga-Fine Arts na dating estudyante, habang gumagawa sila ng lantern sa ibang pagkakataon, noong hindi pa nakabase sa Laguna si Mama, noong nagtatrabaho pa sa Saudi si Papa at kami lang ni Mama ang madalas nakakapasyal pag Weekend.  Si Mama, mataray iyon pagdating sa pagkain, pero noong nakakain siya ng Chicken Taquitos at creamy macaroni soup ay nasabi niyang masarap bumalik doon.  Pati ang hipag na si Phia, ganoon din ang reaksyon.  Lahat kami ay nalungkot noong naglaho ang El Pollo Loco sa SM North at napalitan ng ibang istruktura.  Nitong araw na napadaan kami sa mall na may ganitong kainan, naisipan kong iparanas ito sa aking kasama sa byahe.  Sabi ni Lorenzo, isa iyon sa pinakamasarap na inihaw na manok na natikman niya.  Naalala ko si Mama.

Sa Twitter, kung saan sa ilang piling saglit ay nagiging unofficial public diary ang moda ng mga ihinihinga, nasabi ko na ang aking laging sinasabi, na sa ngayon ay mailap na ang mga pasyal pampamilya.  Na mas pipiliin ng mga magulang kong huwag bumiyahe mula Cabuyao pa-Novaliches para maipadala bilang sweldo ng katulong at pambili ng ulam ang dapat sana’y panggasolina at toll nila.  Na kailangan nilang magtrabaho kahit naoperahan si Papa at pareho silang tumatanda na ni Mama, kasi marami kaming utang na dapat bayaran.  Kasi, hindi kami mayaman.  At ang mga maliit na ginhawa gaya ng paglabas-labas nang magkasama, mga kwento ng pagkain sa mga nagsara nang restaurant, sa mga mall na kaunting kibot ay may bagong pasabog na iniaalok, ito ay mga maliit na ginhawang sa usapin ng pagkakataon ay lalo pang lumiliit.  At kailangan ko lang ulit-ulitin sa sariling anuman ang reklamo, umokey na si Papa, umookey na kami.  Kailangang isiping isang taon na ang dumaan noong naospital si Papa para sa kumplikasyon sa blood sugar, na nabigyan pa kami ng dagdag na isang taon kasama siya.  At ang mga loan, mga debit, mga promissory note at notice ng pagkaremata, may mga nabayaran/nababayaran na.  Alam kong nasabi ko na nang ilang ulit iyon.

Sa byahe pauwi, bigla na namang bumuhos ang malakas na ulan.  Paalalang may bagyo nga palang nangyari.  May mga kalamidad na mas malaki sa akin/amin.  Sa klase, pinag-uusapan namin ang usapin ng ekstensyon, ang pagpasok ng sarili sa isang kwento, ang pagpasok ng sarili upang humaba at lumawak ang kwento ng karanasan.  Noong isang gabi, nag-add as friend ang isang kaibigang friend ko na naman dati sa Facebook, baka nagbago ng account.  Nakita ko ang imbitasyon niya para sa opening ng isang art show.  Naalala ko ang isang piyesang ipinabasa ko sa klase sa malikhaing pagsulat, isang piyesang isinulat din ng isang kaibigan, tungkol sa pagsisinungaling at sa paglapit o paglayo sa mga detalye.  Lagi, sa sining o sa totoong buhay, may mga katotohanan at kasinungalingang mababakas depende sa pipiliing distansya, depende sa kung hanggang saan paaabutin ang pagtanaw sa obra.

Mabuti’t isa lamang itong bungkos ng mga salitang may panget na larawan ng inihaw na manok, dilawang kanin at patatas.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.