Ang 2014 Ko

Pakiramdam ko’y naging tahimik ang panulat ko ngayong taon.  Baka mas napangunahan ng pagkuha ng litrato.  Pero alam kong ang pakiramdam na iyon ay mas madaliang pagtataya kesa aktuwal na karanasan.  sa aktuwalidad, marami-raming naisulat, hindi pa nga lang nabubuo o nailuluwal sa anyong libro o palabas na inaabangan.  Laging may kurot sa puso kapag may naiuusog na proyekto, lalo pag ibinuhos mo ang maraming panahon at lakas doon (sa kabilang banda, may iba bang paraan sa paggawa ng isang malikhaing proyektong maipagmamalaki mo, may iba bang direksyon bukod sa ibuhos ang lahat ng kaya?).  Iyon siguro ang pangunahing leksyon ko ngayong taon, sa taong magpapaalam na.  Ang matutong maghintay, makinig, gamitin ang panahon para magtimbang at paghusayin ang mga borador habang may panahon pa.  Sa katunayan, kailangang ipagpasalamat ang regalo ng dagdag na panahon.

Nag-iisip ako tungkol sa paghihintay at naiisip ko ang mga pagkakataong ang ilang mga nagawa dati ay nagsimula bilang pangarap at paghihintay din–pagkakaroon ng mga kaibigan mula sa mga hinangaang palabas, pagsulat ng sariling libro o dula, pagpunta sa mga lugar na sa kuwento lamang nababasa at naririnig.  Lahat ay nagkaanyo naman sa tiyak na panahon, madalas pag di na inaasahan, madalas pag hindina masyadong dibdiban o pilit na pilit ang pagnanasang mangyari ang gustong mangyari.

Tumitingin ako sa mga larawang ng nakaraang taon at naaalala uli ang mga bagay na ginawa, simula sa Enero noong iniisip kong aabot ba kami ng Disyembre, aabot nang maayos at sama-sama ng mga mahal sa buhay?  Awa ng Diyos, patapos na ang Disyembre.  At sa pinakamaiksing paghahayag, narito naman ang lahat ng kailangan.

Narito ang ilan sa mga nais kong matandaan mula sa aking 2014, dito sa aking birtuwal na espasyo:

1. Naipalabas ang dulang MAL noong Mayo, kasama ang mga estudyante ng Sining Panteatero para sa Dulaang Laboratoryo.  Isang matrabahong proseso, lalo nga’t sabi ng kaibigang si Dexter (ang tagapayo rin ng produksyon) na sa esensya ay hindi na lamang adaptasyon ng Trojan Women ang ginagawa namin, kundi isang bagong trabaho na.  Bagong trabaho, maraming bagong butas na kailangang harapin at ayusin.  Mabuti na lang at nakasundo ko ang direktor naming si Mara, at sa proseso din ay muling naunawaan na laging kolaboratibong proseso ang teatro, na hindi lang nakadepende sa isang tao ang pagtakbo ng istorya.  Marami akong katuwang, kaya hindi dapat pasanin lahat.  Masaya sa pakiramdam na mabuo ito, dahil pinapaksa ang isang paksang malapit sa akin–ang kuwento ng mga puwersahang pinaglaho.  Kung kaya kong bumalik sa nakaraan, ang aayusin ko lang siguro ay ang mas pangungulit sa mga kaibigang makanood, lalo na iyong may mga adbokasiya na nakalinya sa paglaban ng pulitikal na pandarahas.

Ang ibang mga engkwentro sa teatro ngayong taon ay bilang tagapanood, tagasuporta sa mga kaibigang nagkaroon ng malaking role sa unang pagkakataon, silang mga pinagsugalan ng kani-kanilang direktor sa palabas.  Sa aking naranasan sa Mal, at sa panonoood sa mga kaibigang nagkaroon ng kanilang kanya-kanyang shining moments, tumindi ang aking paniniwala na ang mundo ng teatro ay mundo ng pag-eksperimento at pagtitiwala, ng pagsusugal at pagbibigay ng pagkakataon doon sa mga hindi pa nakakasubok o nasusubukan.

Tulad ko, na nagsimula bilang kasama ni Dex sa Centennial program sa UP, nabigyan ng pagkakataong mag-ambag sa Rizal X, at mula doon ay tuluy-tuloy na.  Bukod sa paggawa ng dula, napagkatiwalaan ng Departamentong ituro ang pagsusulat ng dula nitong Midyear term (though ayoko munang ulitin anytime soon, magpapraktis pa).

2. Hindi enggrande ang mga lakad ko ngayong taon, mas pagbisita lang sa mga lugar na napuntahan na dati.  Pero masaya na naibahagi ko ang mga pagkain, lugar, at karanasan sa mga taong mahalaga sa akin.  Mula sa biruan sa Ecopark ay nagkakatotoo ang plano namin ni Laurence na pumunta sa Sagada, at ang mga kaibigang tagateatro ay nahatak pa-Los Banos sa iba-ibang pagkakataon.  Sa unang subok pumunta sa Pangil, Laguna, naisama ko ang mga dati nang nakakasamang sina Ji-ann at Tanya.  Doon sa biyahe sa Pangil, unang subok ng aso naming si Alejandro na lumangoy sa isang sapa.  Unang beses ding lumusong sa tubig ng tatay kong si Armin pagkatapos ng kanyang operasyon noong 2013.  Doon sa pagkakataong iyon, nakita ko ang pagbuhay sa loob ni Papa, na na-excite na siya lalo sa mga susunod na pagpasyal at paglusong.

3. Nakadalo ako sa mga gawain para sa mga adbokasiyang mahalaga sa akin.  Mga byaheng Tanggol Wika, rally laban sa Academic Calendar Shift, Araw ng Kalayaan, One Billion Rising.  Sa sa susunod na taon ay mas maging masigasig ako sa mga ganitong pagdamay, at sana syempre, lalo sa usapin ng pagtatanggol para sa pagpapanatili ng Filipino sa kolehiyo, sana’y magkaroon ng positibong bunga ang lahat ng pagkilos.

4. Nakapagsalita ako sa isang event ng student org–na ang nangyari lang naman ay ikinuwento ang mga nakaraang himutok at ang kinalabasang book project dahil dito–nakalahok sa mga gawain ng departamento namin, nakapagturo ng undergrad at MA level na klase, natapos ang semestre.  Masaya lang sa pakiramdam na sa mas malakihang tingin, pumapasok ka sa opisinang may paggalang ang mga tao para sa iyo at sa trabahong nabibigay mo.

5. Masaya rin na naging tagapanood (at taga-picture) para sa tagumpay ng mga taong malapit sa akin.  Graduation, booklaunch, pagkakapili sa kumperensiya.  Masayang mahuli ang mga ganitong sandali, makunan ng larawan.  Basta sana hanggang sa mga susunod na taon ay maiwasan ko ang Last Five Years syndrome at maging genuinely masaya para sa mga taong mahal ko, at ma-inspire na pagbutihin kung ano naman ang mga ginagawa ko sa aking pagsusulat (at pagpi-picture na rin).

6. Tungkol sa pagpipichur-pichur, masaya rin na ginagamit ang mga larawan ko para sa mga pahayagan at Website, lakas makapropesyunal.  Sana next year marami pang magyaya sa aking litratuhan ang kanilang mga palabas, lalo’y may bago akong susyal na lente.

7.  Nakaanibersaryo ako.  Tangina take that guys.

8. Matatapos ang taon na buo at malusog ang mga kamag-anak.  Lagi akong kinakabahan na baka many mangyari, na may magkasakit o kung anuman, dahil natural na yata sa akin ang mag-alala.  Pero sinusubukang isantabi ito, ninanamnam ang mga kaarawan, ang mga holiday, ang mga simpleng weekend na nabigyan ako ng pagkakataong makasama sila, makatawanan, makabiruan tungkol sa mga bagay-bagay.

Dagdag na tapang, o lakas ng loob para lampasan ang mga sariling takot, para maging mas masipag na bumuo ng mga bagong sandali, ng mga bagong pagkakataong maisusulat at makukunan ng larawan, iyon na lang siguro para sa susunod na taon bukod sa usual good health at long prosperous life.  Sabay na excitement at kaba at pasasalamat ang nararamdaman, pero ayun, narito pa rin naman, tumitipa, nag-aabang, nagpapatuloy.  Kitakits uli sa susunod na taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.