Toll

Nabasa ko sa isang libro dati, minsan, yung isang bagay, mas nabubuhay siya nang matagal kesa doon sa kahulugan niya.  Kahulugan at baka kahalagahan.  Naaalala ko ang nabasang iyon kapag may mga malakihang pagbabago sa mga pisikal na istruktura–manggahan na naging mall, school na naging simbahan, ice cream store na naging kalye.  Minsan, mula sa may kahulugan, nagiging wala.  Nasirang computer.  Napaglumaang software.  Sa kaso ng pagbyahe ko–itong E-pass tagkit.

“Lakas makasushal,” ganoon lagi ang biruan namin noong unang nagkaroon si Mama ng kanyang E-pass.  Paano, imbes na pumila para sa ticket, may espesyal na lane at gate para sa mga electronic tag.  Sa mga mas mayabang na araw, itinuturo namin silang mga walang nakadikit na ganoong gadget, itinuturo at patawang sinasabihan ng “ay, kowowo nomon koyo…”

2010 ako nagkaroon ng sariling kotse, si Mama rin ang nangutang ng pang-down para doon,  Isinabay niya ang pagbili sa pagkakaroon ko ng espesyal na award sa unibersidad, para sa pagiging paboritong guro.  Nakasama ako sa top 5 sa isang online na botohan at ang naging press release ko sa FB, UP ang nagbigay ng kotse sa akin.  Syempre, maraming naniwala.  Minsan may mga madali talagang mauto.  Pagkatapos ng halos isang taon, Setyembre 2011–niregaluhan ako nina Mama at Papa ng sariling E-pass.  Sushal na rin ako, padaan-daan sa special lane, bahagyang napapaiksi ang byahe mula QC hanggang Laguna.  At ngayong binabalikan ang mga nakasama sa byahe, aba, pagkarami-rami na rin talaga.

Sana may espesyal na memorya ang E-pass, isang malawak na alaala para sa bawat lagusang nadaanan, kung sino ang mga nakasama, kung saan nagpunta, kung ano ang naramdaman.  Pagtikim ng pinya sa Calauan.  Pasyal sa Tagaytay.  Paghahanap ng yogurt sa D3 para sa kaibigan.  Pagparoon at pagparito dahil hindi alam ang dapat puntahan.  Bukod doon, nakatala din kung magkano ang nabawas kada destinasyon.  Bente hanggang isangdaan na piso, depende kung saan galing.  Ilang oras ng tulog.  Ilang araw ng paghahanda.  Ilang linggo ng pananabik.  Buwan at taon ng paging anuman sa tuliro/excited/masaya/malungkot/galit/takot/atbp.  Doon sa apat na taon na paroon at parito, kahit bahagya ko lang na pinapasadahan, nagkaroon na nga ng ayon nga sa isang dula’y pagkarami-raming akumulasyon.  At ngayon, ang isa sa pananda ng mga akumulasyong iyon, paso na.  Expired.  Napalitan ng mas maliit at mas bagong instrumento  Kahit maglabas-pasok uli ako sa mga dating dinadaan-daanan, wala nang makakakilala sa dating pananda ng mga byahe.  Mas matanda na ang lahat, kinaltasan na rin ng iba-ibang singiling dala ng nagdaang apat na taon.  May mga siningil na kayang palitan–ito yung mga napanghahawakan, kayang tumbasan ng salapi basta magsikap, o ng taglay kong alindog, o kung anuman.  May mga kinuhang mas mahirap kung hindi man imposibleng mabawi, mga nasa antas ng buhay, damdamin, ugnayan.  Kung anuman, hindi masasabi ng kahit sinong wala sa ating binago ng panahon.

Bukod sa E-pass, natatandaan ko, may kasabay pang bigay ang Mama at Papa ko na laruang para sa dashboard–isang asong de-spring.  Napaglipasan na rin ng panahon ang dikit ng adhesive sa ilalim ng laruan, pero nasa likod pa siya ng sasakyan ko.  Hiningi ko sa kanila yun, dahil natuwa ako sa mga ibinebentang laruan sa kalye.  Kaya nga hanggang ngayon, kinukunsinti nila ako’t binibigyan ng kung anu-anong abubot lalo pag nagpapabili din ang anim na taong pamangking si Ayek.  Sabagay, noon pa naman ganoon sina Mama at Papa, yung kahit anong magpapasaya sa amin, kahit hanggang ngayon, ibinibigay nila hanggang kaya.  Gusto ko ngang hindi makalimutan ang ganoong klaseng ugali nila.

At siguro, kaya rin ako nagsusulat ngayon.  Kasi nga, ang gamit, nawawala.  Pero ang alaala, kung magiging maingat at matyaga, kayang gawan ng paraan para hindi mapanis.  Piliin nating matandaan silang nagpaabot sa atin dito sa ating latest na checkpoint.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.