Isang Huwebes ng hapon, habang nagmamaneho pauwi, naalala ko ang klaseng katatapos lang. Napagdesisyunan kong maniwala na naging masaya ang diskusyon, na isa ito sa mga mas okey na araw ko sa pagtuturo. Mayamaya’y may pumasok na E-mail message sa telepono, kahit bawal dahil baka mabangga ay sinilip ko pa rin. Facebook notification mula sa kanya, ni hindi ko pa nababasa o nakikita ang laman ay natuwa na rin ako’t gising na siya’t naisipan akong i-tag sa kung saan man. Magaan ang loob ko habang bumabyahe, at biglang pumasok sa isip ko na marami-rami na ring Huwebes sa nakaraang ang Huwebes na mabigat, na palagi akong umuuwing may pakiramdam na malungkot o matamlay, na natutuwa ako dahil sa partikular na Huwebes na iyon ay magaan ang lahat, sa mga sandaling iyon ay ayos ako, at hindi ko napigilang maluha sa biyahe, kahit mga tatlong segundo lang naman at hindi naman tumuloy-tuloy.
Sinabi ko sa kanya ang naramdaman kong ito kinagabihan, sa text message. Humingi ako ng paumanhin kasi napahaba ang mensahe, dahil kako’y ayokong makalimutan ang pakiramdam at gusto kong naibabahagi ito sa mga taong mahalaga sa akin. Hindi siya sumagot agad, at nang nakuha ko ang reply ay sinabi niyang mabuti’t nakapagsasabi ako ng ganito, na hindi niya gaanong maimik sa ganoong mga bagay dahil ayaw niyang magsabi ng kahit na anong pilit sa loob niya, na nakukuha niya ang punto at nagpapasalamat siya.
***
Sa isang hiwalay na byahe pauwi, isang Huwebes ng gabi’t nakikinig ako sa aming college radio habang duma-driving-driving, naabutan ko ang pag-uusap ng mga host tungkol sa usapang relasyon. Sa kanilang intro, binabanggit nila ang etika ng paghahayag ng mga gawaing-pangrelasyon sa mga social networking site at sa Internet. Inilalatag nila ang pagtimbang sa kung tama bang i-status update kada segundo na nag-holding hands kayo ng karelasyon mo, kung dapat bang mag-post ng mga larawan habang naghahalikan, kung ang ultimate fate ba ng ganitong klaseng moda ng paghahayag ay nasa direksyon nina Mo Twister at Rhiann Ramos (wow poise). Natatandaan ko sa ilang bahagi na may tono ng pangungutya at di pag-intindi ang mga host tungkol sa ganoong klase ng display of affection.
***
Naiilang akong tawagin siya na ganoon lang, na “siya.” Para bang ikinukuwento ko ang isang demonyong kontrabida na hindi maaaring banggitin ang pangalan, na guguho ang mundo kapag naisawika ko ang pangalan niya’t naikabit sa aking sarili sa iskema ng isang romantikong relasyon. Naiilang ako pagkat ang operasyon ng utak ko ay nasa wika, na ang pagsasawika ng mga pakiramdam ay artikulasyon ng pagpapatotoo ng pakiramdam at karanasan. At kahit laging maraming kasinungalingan ang mga salita, kahit laging may pinapanigan (madalas kakampi ng mga salita ko ang aking sarili, ako ang bida sa aking mga kuwento’t reklamo), inaabangan ko ang panahong magiging bahagi kami ng wika ng bawat isa sa puntong hindi na ito pilit, na wala nang pangamba na mahuhusgahan o magkakasakitan o mapaparusahan ng iba’t ibang panig at sitwasyon.
Madalas akong matakot sa kanyang kawalan ng mga salita.
***
Nai-text ng isang kaibigan, nag-usap daw sila ng karelasyon niya hinggil sa pagiging possessive ng isa. Possessive na wala pa sa puntong inaari ang bawat segundo at sandali, pero laging may kaba ang karelasyon ng kaibigan sa mga oras na ibang tao at hindi sila ang magkasama. Paliwanag ng karelasyon, natatakot siya na sa oras na hindi sila magkasama ay makalimutan na lang ng kaibigan ko ang kanilang relasyon, na makalimutan ang karelasyon, na hindi na ito maging totoong relasyon. Napag-usapan na nila ang dapat pag-usapan tungkol doon, sila na ang bahala doon. Pero may isang saglit na napagbiruan namin ito ng kaibigan, sino ba raw kasi uli ang pinag-uusapan? Tungkol ba sa problema ng dalawa, o ng isa lang? Pagrereklamo ba na ang ugat ay ang kapareha o ang sariling paranoia? Sinabi ko na lang na totoong may bakas ng sarili sa reklamo sa iba, pero hindi nag-iisa ang kaibigan ng aking kapareha. Can relate, kumbaga.
***
Minsan ay sumulat ako sa kanya. Sa dinami-dami ng binitawan kong salita, isa sa mga hiniling ko doon sa liham ay magkaroon kami ng larawan na magkatabi kami, sa aking ikatatlumpung kaarawan. Pinaunlakan niya ang aking hiling.
***
Nagkataong ang sirkulo ng aming mga buhay-relasyon ay maliit lang, kaya naman kahit noon pa’y dumadapo ang mga impormasyon tungkol sa kanya-kanyang buhay sa isang click lang ng mouse. Nasabi ko sa kanya na nakita ko ang mga larawan nila ng dati niyang karelasyon. Hindi ko nasabi na kahit paano, kahit na iba ang kondisyon at sitwasyon n gaming ugnayan ngayon, may bahaging naiinggit ako sa mga kuwentong nabubuo ko mula sa mga nakakalat na impormasyon. Dahil rumehistro sa mata, dahil may biswal na patunay, minsan iniisip kong ay, parang mas totoo ang relasyon nila. Kahit na alam ng aking lohikal na bahagi na masamang magkumpara, na hindi palaging pareho ang mga panukat ng pagkatotoo at pagkasinungaling ng iba’t ibang ugnayan.
Sa isang saglit ng kahinaan, nito-nito lang, natukso ako sa bagong Facebook timeline at tiningnan ang pahina ng isa pa niyang ex, isang nakaraan na sabi niya’y marami na siyang hindi matandaan. Sinilip ko ang mga post sa bawat buwan na alam kong sila pa ang magkapareha. Pagkarami-raming salita ng ligaya at pasasalamat, pinakamasayang Pasko, di malilimutang pamamasyal sa Ocean Park, pagraos sa trangkaso dahil may isang nariyan at mangangalaga. May palagiang paghahayag sa bawat buwan na nabubuo bilang magkarelasyon, apat, lima, pito. Sa loob ng mga susunod na buwan, mapapalitan ang mga status ng mga linya ng paglaban, mga second chance, mga last straw. Pagkatapos, blangko, nawala ang mga salita’t kuwento. Katahimikan.
Hindi ko mapigilang punuin ng magkakahalong damdamin itong pagkalaki-laking puwang.
***
Nitong nakaraang gabi lang, gusto ko sana siyang tanungin, ang kanyang pagiging hindi maimik at pag-iwas sa mga salitang pilit ay isang likas na ugali, isang napagkalakihang katangian, at hindi naman dahil lang sa akin? Salita lang ba ang pinipilit ko mula sa kanya, hindi pati damdamin? Pero masyadong matamis ang meryendang Razon’s para sa ganoong pag-uusap.
***
Mahilig akong kumuha ng larawan. Nakahiligan na noon-noon pa. Pag pinag-uusapan ang larawan, lagi kong naaalala ang isang kuwentong pamilya namin. Sa Baguio, sa may Mines’ View Park. Nagkakainisan ang nanay ko at kuya dahil sa ayaw ngumiti ni Kuya sa may tabi ng bangin. Natatandaan ko ang pagnanasa ni Mama na makabuo ng isang magandang larawan, isang Kodak moment na pag sinilip ng mga bisita sa bahay, pag binabalasa ang mga nakatambak na photo album, maiisip nila, “wow, napakasaya naman ng pamilyang ito.”
Naaalala ko ang radio show, ang mga ex niya na sinisilipan at inaangkinan ng kani-kanilang mga nakaraan at alaala, ang aking mahal na kaibigan at ang kanyang karelasyong may kaparehong paranoia, naiisip ko ang mga larawan, ang mga saglit naming pagsasama, mga saglit na hinuhuli ko sa aking lente. Sabi ko sa kanya, may ngiti siya na gusto ko palaging mahuli sa aking dslr na memorya, isang tipo ng ngiti na abot-langit, ubod ng gaan, parang walang anumang kapahamakang makakarating. Paminsan-minsan, nakakatsamba ako sa paghuli ng ngiting ito.
***
Sabi ng ilang kaibigang manunulat, usong-uso ang mga tula at kuwento tungkol sa katapusan ng mundo, o mga interpretasyon ng paano ba ito matatapos. Para sa iba, ang katapusan daw ng mundo ay ang kawalan ng mga batayang pandama. Halimbawa, naaalala ko, sa isang tula’y katapusan ng mundo ang mundo na may mga tauhang wala nang bibig. Sa kawalan ng salita, wala nang ibang maaaring abangan kundi ang impormasyong ibibigay ng balat at mata—tagal o bilis ng paglambot ng ari, itsura ng mukha ilang segundo bago dumapo ang halik, kapit ng kamay, pag-alpas sa yakap. Sa mundong hindi ka maaaring magsabi ng “andito lang ako, huwag kang mag-alala,” “masaya ako na kasama ka, huwag ka sanang umalis agad,” o “marami pa akong duda sa sarili, pero gusto kong samahan mo ako sa pag-aayos nito,” walang ibang maaaring gawin kundi punuan ng ibang pandama ang kulang. Kahit pa oo, madalas, ang pagpuno ng mga pagkukulang ay isang mapanlinlang na paraan para punuin lang ang mga kulang sa makasariling sarili.
***
Kagabi, pinuno ng aking makasariling sarili ang mga kulang. Gusto ko sanang sabihin sa kanyang gusto ko pa siyang makasama nang mas matagal, na tingin ko’y hindi rin naman siya makakatrabaho kaya baka pwede namang makitulog na lang ako kasama niya, na nami-miss ko ang pag-uusap nang matagal buong gabi (at syempre ang iba pang mga maselan na bagay na kaakibat ng pagsasama buong magdamag), gusto kong mapakinggan siya, ano ba ang mga plano niya, kasama ba ako sa mga plano niya, gusto kong makatulog na kayakap siya, o siya’y makatulog na kayakap ako—gaya ng unang madaling-araw na nagkaroon kami ng malaking pagtatalo, gusto ko lang siyang makasama. Pero naduwag ako, tinanggap ko ang mga ibinibigay niyang patlang sa pag-uusap, tinanong ko na lang kung gagawin na niya ang nakapila niyang trabaho, kung mag-i-Internet siya pag-alis ko, mga salita na wala namang aktuwal na halaga o saysay sa akin sa mga oras na iyon. Hinalikan ko siya sa labi, pumikit na ako agad at hindi na sinilip ang reaksyon sa mukha niya. Sinabayan niya akong lumabas, hinawakan ko ng kaliwang kamay ko ang kanang kamay niya habang naglalakad siya palayo para bumili ng load.
***
Tumawag ako sa kanya bago ako humiga. Sabi ko’y mauuna na ako, mag-text lang siya pag matutulog na siya dahil sigurado akong magigising ako’t sisilipin na naman ang madalas na karamay sa mga salita—ang cellphone. Hanggang sa mga oras na tinitipa ko ang mga salitang ito’y inaabangan ko pa rin ang mensahe niyang nagsasabi ng “good night.”
*galing sa kantang “Stolen,” dahil yun ang pinapatugtog sa radyo noong naiisip kong isulat ito, at ito rin ang theme song ng kaibigan kong kinaiinggitan ko ang love story.




