Sa isang malayong panahon, na sa totoo’y ilang taon lang naman na nakalipas pero parang ang tagal na, may isang kaibigang sinuri ang aking kapalaran base sa mga baraha ng tarot. Pinakanatatandaan ko sa kanyang pagbasa ang panawagan na tumalon. Masyado raw akong sanay sa komportable, sanay pero nagmumukmok para sa mga pangarap na di nagiging realidad. Kailangan ko raw ng kaunting pag-amba sa panganib. Leap of faith, sabi niya.
Aminado akong mas prone ako sa paghihintay kesa kumilos. May mga bagaheng dinadala na halos ipinapasa na sa ibang tao, mga personal na drama, mga pansariling pabigat. Halos lumampas sa isip na nabigyan tayo ng isang araw na extra ngayong taon. Isang extra na pagkakataon para mag-enjoy, para gawin ang mga matagal nang nais isagawa, para isawika ang matagal nang pinipigil ng matatakuting dila.
Mainit ang hangin at panahong sumalubong sa Marso. Ilang saglit na pagtambay sa labas ay mangangahulugan ng pagkasunog. Pero sa kung anong dahilan, niyayakap ko ang tagbanas na parang isang kaibigang matagal nang hindi nakikita. Init ng pagdiriwang, kasama ng mga taong gusto kong makasama ngayon. Sa loob ng dalawa, apat na taon, baka iba na ang aking mga makakadaupang-palad, lagi namang eksperto ang uniberso sa pagbibigay ng mga surpresa at pasabog. Pero sa ngayon, ito ang aking naging desisyon. May isang extra na araw sa pagtatapos ng buwan para makasama ang mga taong gusto kong makasana, at silang nasa larawan ang patunay ng aking desisyon.
Hanggang sa mga susunod na pagtalon.


















