The Real Score

 

Ganito kasi yung nangyari, eto talaga yung kuwento:
tinext mo ako noong summer break,
tinanong mo kung gumagawa ako ng sirang computer.
Sagot ko, “oo naman!”  (Hindi ko pa ex yung ex
ko, na kapangalan mo).  Nag-set tayo
ng appointment, sa bahay mo, isang hapong nakakasunog ang init.

Kung tutuusin, baka nga hindi ganoon kainit
ang sitwasyon, baka nga hindi na dapat ikuwento
dahil wala namang dapat ikuwento.  Hindi naman naging “tayo,”
kaya hindi tayo pwedeng mag-break,
at lalong hindi kita pwedeng maging ex,
baka nga tungkol lang talaga ito sa computer.

Wala naman talagang sira ang computer,
reformatting lang, at hindi nakakabasa ng CD pag medyo mainit,
kaya nga hindi agad tayo natapos.  Yung ex
ko nga, nakabantay sa YM noon, baka hindi ko pa naikuwento.
Natandaan mo yun?  Yung kausap ko tuwing nagbe-break
ako, yung ka-webcam ko sa dala kong laptop, habang nagkukuwentuhan tayo?

Akala niya siguro, naglalampungan tayo,
pero loyal naman ako noon, tanging nasa utak ko ang computer
mo.  At hindi naman kami nag-break
pagkatapos nito.  Matagal pa, ilang buwan paglipas ng init
ng tag-araw.  Hindi pa naman doon pupunta ang kuwento,
at hindi naman talaga ito tungkol sa nangyari sa amin ni Ex.

Ang kuwento’y naroon sa mga kuwento.  Natatandaan mo?  Ex-
ample, noong habang nag-i-install ng Windows ay napunta tayo
sa mga video ni Beyonce na nalalaglag sa hagdan; o yung kuwento
mo tungkol kay Ultraman X at sa palabas na “Japanorama.”  Sa dala kong computer,
binuksan mo ang Youtube at pinakita sa akin.  Wala nang init
ang sabaw sa Chowking noong lumabas tayo para mag-dinner break,

pero masarap pa rin, libre e!  Ganoon naman ang ideya ko ng break–
daldalan tungkol kay Beyonce at Ultraman X,
mga reklamo tungkol sa panahon na sobrang init,
ako na nakasakay sa taxi, ikaw na nasa labas, kumakaway habang nakatayo,
ang ilan pang mga pagkakataon ng pagkumpuni ng sirang computer,
ang pagkarami-raming kuwentong hindi na pwedeng ikuwento.

Baka nga yun na talaga ang istorya: ang lipas nang summer break, tayo,
ang ex na nagmamatyag sa computer, ang ex na kapangalan mo,
ang mainit na silid, ang mga bitin na kuwento.

 

 

(naisulat noong 2009)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.