Adele

Nagre-repost ako ng ilang larawan ng asong si Adele.  Gaya ng nakuwento ko na sa ibang blog at social networking sites, nakuha ko si Adele sa panahon na may matinding lungkot.  Malaking tulong na may isang alagang kailangang bantayan ang paglaki.  Ibinabalik ka ng mga di pa makontrol na pangangailangan ng isang tuta, ibinabalik sa katinuan mula sa pagkalutang na dala ng sariling bagahe.  Habang hinahanay ko ang mga larawan, natutuwa ako na sa loob lang ng halos dalawang buwan ng pagtigil ni Adele sa bahay namin ay napakalaki na ng kanyang ikinalaki.

Pinakahuli sa mga larawan ang picture ni Adele sa may amphitheater ng UP Diliman.  Ipinasyal ko siya saglit para makapaglakad-lakad siya sa eskuwelang kinalakihan ko’t ngayon ay lugar ng trabaho.  Nagsuka siya sa biyahe, pero naenjoy naman niya ang pasyal.  Sa kanyang pagpapahinga mula sa pagkagat ng mga kahoy, dahon at damo, nakuhaan ko siya habang bahagyang tumatalbog sa balahibo ang kulay lilang liwanag mula sa langit na papadilim na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.