Dear Ricardo

Dear Ricardo:

 

Kapag naiisip ko kung paano tayo mag-usap, naaalala ko ang isang pelikulang Koreano.  Sa pelikula, bihirang mag-abot ang dalawang bida, bihirang mag-usap nang harapan.  Laging mula sa malayo, sa itaas ng apartment ang isa at sa ibabang kalye naman ang isa.  Laging sa telepono nagkakarinigan ng tinig, laging nagkukuwento ang isa tungkol sa isang taong minamahal.  Isususpinde ng kinukuwentuhan ang lahat ng kanyang sariling bagahe, lagi niyang ginagawa iyon, para pakinggan ang kuwento ng pag-ibig mula sa kabilang linya.  At kapag halos papunta na sa bahaging pinakaimportante—iyong bahaging ihahayag na kung sino ang “the one” na pinapasaringan sa kuwento—laging sasabihin ng isa na “sige, di bale na lang, sa susunod na lang.  At masayang mag-aabang ang isa, hanggang sa susunod na kabanata.  Sa huli, mababalitaan na lang ng nag-aabang na ang kanyang kausap ay namatay na, nabiktima ng isang marahas na banggaan ng mga kotse.  Laging unang pinapatay sa mga palabas ang tauhang may nakaambang kuwento, laging unang kinikitil siyang may pinakamayamang potensyal para sa pagmamahal.

 

Tinanong mo sa akin, ilang araw na ang nakaraan, sa pamamagitan ng text, tinanong mo kung bakit sa tingin mo’y lagi kang nasa posisyon na ikaw ang mas nagmamahal.  Sabi mo, lagi kang naghahanap ng mga bakas na mas naglalaan ng panahon at lakas ang minamahal mo kesa sa iyo, dahil natatakot kang ikaw at ikaw na naman ang mas ume-effort.  Natatakot kang sa timbangan ng pagmamahal, ikaw na naman ang mas may bigat, ikaw ang mas mabigat.  Natatakot ka na sa oras na napansin mong nawawala ang balanse, o pag nararamdaman mo na ang grabedad ay mas nasa iyo, natatakot ka sa madalas mong reaksyon—ang pumutol ng/putulin ang relasyon.  Sinasabi mo sa aking nasisindak kang maging mas mapagmahal kasabay ng pagkasindak na maging halimaw na manhid, nanlalamon ng emosyon.  Iniisip kong sinasabi mo ito dahil iniisip mong may sagot ako.  At para doon ay nagpapasalamat ako, kahit wala naman akong garantiyang may sasabihin akong hindi mo pa alam o hindi pa nasabi sa iyo ng iba.

 

Mapanglansi at malupit magbiro ang anumang laro na kaakibat ng puso, Ricardo.  Sa oras na pumasok ka sa setup ng isang romantikong relasyon (na minsan ay walang ganitong pormal na paghahayag—sino ba ang huling nagsabing “oy, simula sa araw na ito, nasa romantikong relasyon na tayo ha?”  Maraming natatakot sa paghahayag), tinatrabaho natin ang iba’t ibang tulak at hatak ng mga puwersa.  Ito ang klase ng laro na mas talo ang nagsasabi ng damdamin, mas talo dahil mas bukas at tapat, samantalang nagmumukhang manhid at walang pakialam ang hindi kayang magproseso mula emosyon papuntang salita; may mga pagkakataong habang may nagpapakita ng sobrang pagkagusto na magkaroon ng maayos at masayang pagsasama, lalong nalulungkot ang isa at nagdedesisyong lumayo; iniiwasan ang pagbibilang ng mga masayang sandali, masaya laban sa malungkot, pero umaabot sa puntong dahil sa iba’t ibang puwang ay naghahanap ng siguradong mabibilang—buwan o taon ng pagiging opisyal na magkapareha, sagot sa text message, larawan sa Facebook, mga kuwento sa ibang kaibigan—at laging may lumalabas na sobra at kulang sa kuwenta, sobra dahil nagbigay at walang balik, nagbilang ng sukli kahit hindi naman binibili at binabayaran ang damdamin, naghanap nang naghanap dahil parang laging may kulang sa sukat, at lalong ipinagkait dahil nagbigay na nga sa pananaw ng hinihingian pero bakit parang laging sa kulang pa rin napupunta ang pansin; higit sa lahat, ito ang tipo ng laro na kapag itinuring nang “laro,” kapag umandar na sa pagpupuntos, sa panalo at talo, sa naghahabol at hinahabol, halos palaging siguradong may uuwing lumuluha.  Pero, tingin ko, alam mo na ito.

 

Masarap sanang mabuhay sa mundo na bawat ekspresyon ng pagmamahal ay isang selebrasyon.  Masarap mabuhay sa mundong malaya nating masasabi ang tunay nating nararamdaman, nang walang paghahambing sa mga nakaraang ugnayan, nang walang takot sa mga posibleng bunga ng mga inaasahang paghahayag.  Pero mahirap ialog mula sa mga balikat ang mga halimaw na ipinasa sa atin, maging ang mga kimerang tayo rin ang lumikha at minsan ay pinapabuhat din sa iba.  Habang nakaharap ako dito sa aking computer, habang pinipiga sa katawan papunta sa mga daliri ang mga salitang iniisip kong makapagbibigay sa iyo ng saglit na ginhawa, nararamdaman ko ang mga kukong kumakalmot sa aking balikat, ang mga pangil na kumakagat sa aking likod.  Mga paalala ng mga sariling duda at hinagpis.  Maganda ba ako.  May magmamahal pa ba sa akin.  Sapat na ba ako.  May mali ba sa akin.  Pagkatapos ng lahat, saan ako dapat pumunta.  Nahihiya akong inuulan ko ang iyong mga agam-agam ng mga dagdag na kawalang-kasiguraduhan.

 

Dahil nakita na kitang umiiyak, at ganoon ka rin naman (bagaman hindi literal, mas pinili kong idaan sa pagkain ang aking lungkot sa pagkakataong iyon), at sigurado namang wala sa atin ang gustong makita pa ang bawat isa sa ganoong klaseng sitwasyon.  Kaya mas madali ang umiwas sa mga tanong na pinagmumulan ng lungkot.  Pero kailangang harapin.  Pagtatapat, baka nandoon ang susi.  Sa gitna ng maraming bagahe, sa lahat ng mga nilikhang pasanin, piliting magmahal sa pinakamatapat na paraan, piliting magmahal kahit natatakot o lagi’t laging nasusugatan.  At sa oras na may mga makaengkuwentrong ibang taong nag-aalok ng pagmamahal para sa atin, nag-aalok pero sa tantiya natin ay hindi natin maibabalik o kayang tumbasan, igalang natin sila’t maging matapat, sabihin sa pinakamahinahon at pinakamalinaw (posibleng pinakamabiis rin) na paraang naiintindihan natin.  Pilitin nating huwag paglaruan ang damdamin ng iba, kahit na napakalaki ng tuksong gawin ito (dahil nagawa na sa atin, paulit-ulit at maraming beses, bakit hindi ipamana sa iba hindi ba?  Pero sana’y kayanin nating lumayo sa ganitong tukso).  Sa huli, ito siguro ang pinakamahirap, maging matapat tayo sa sarili natin.  Kumakapit lang ba tayo dahil natatakot na wala nang ibang mahahanap na kapalit (parang laruan lang na naiwanan sa kung saang kalye)?  Minamahal ba natin siya dahil sa kanyang pagkatao o dahil sa nakalilibog na lasa ng kanyang laway kapag isinusuksok niya ang dila niya sa sarili nating mga dila?  May pinupunuan ba siyang puwang sa sarili na hindi natin kayang punuan nang mag-isa?  Nasaktan ka ba niya dahil sa una siyang nagsabing may mali, kahit na alam mong oo nga, matagal nang may hindi tama sa relasyong ito?

 

Hindi ko alam ang buong kuwento mo, Ricardo, tulad ng hindi mo alam ang buong kuwento ko.  Sa totoo lang, baka kahit tayo ay hindi pa alam ang buong kuwento natin.  Pero alam nating walang iisang bersyon ang pag-ibig, walang iisang padron ng kahit anong love story.  May mga batas na binabali para sa pansarili’t pang-ibang kapakanan.  Ang mga pinakamatalinong nilalang ay sumusuko sa iba’t ibang yugto ng kabaliwan dahil tinataya nilang ito at ito lang ang tanging paraan sa partikular na pagkakataong ito ay naranasan.  Pero sa aking panig, patuloy pa rin akong sumusubok.  At ito siguro ang tanging siguradong payong maibibigay ko, Ricardo.  Palaging sumubok magmahal, sa pinakatapat na paraang naiintindihan mo, subukang bumangon at magpahilom pagkatapos ng maraming paglagpak at pagkakasugat, subukin ang sarili sa paghahayag ng damdamin, sa paghahayag sa sarili’t sa paghahayag sa iba, subukang magpatuloy kahit malaki ang tuksong pumutol agad-agad.  Dahil iniisip kong anumang halimaw, anumang pilat, anumang pagkabasag, may isang kaibigang humingi ng tulong, at kahit inuulap ng aking makitid na pag-unawa, sinubukan kong ipaliwanag.  At hindi man ngayon, baka maraming pinto’t bintana ang nabuksan ng pagtatangka kong maging mas malinaw.

 

Alagaan mo ang sarili mo, Ricardo.  Huwag ka na masyadong kumain ng siomai, alam naman natin kung ano ang epekto nito sa amoy ng pawis mo.  Huwag ka ring mahiyang magpadala ng mga mensaheng mahirap sagutin, gaya ng kung naniniwala ba ako sa inherent goodness ng tao, baka naman sa susunod na random mong tanong ay may mas maayos na akong itutugon.  At muli, good luck sa ating paghahanap ng mga sagot.  Huwag kang mahiyang magpadala sa akin ng mensahe pag umabot ka sa puntong mas naiintindihan mo na ang mga kumplikasyong ito.  Baka ikaw at hindi naman pala ako ang unang makakadiskubre.

 

Salamat sa iyong pagbabahagi.  Nawa’y walang sinuman sa atin ang mabalitaang napinsala’t itinumba ng aksidente, bago pa matapos ang isasalaysay nating kuwento ng pag-ibig.

 

Nagmamahal,

V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.