Si Papa, sa Ikalimampu’t Pito

Simple lang ang naging handaan: tokwa’t baboy, siomai, at spaghetti na ihinanda ni Mama; kalderetang buto-buto na galing kay Tita Beth; Ultimate Chocolate Cake ng Red Ribbon na sagot ng kaibigang si Tanya (sa Shell sa may Muntinlupa pa namin nadiskarte, bago dumiretso sa Cabuyao); ang hipag na si Pia, dala-dala ang mga pamangkin kong sina Nimra at Barrick, pati ang DVD player nilang dumodoble bilang videoke machine (sa ibang araw pa sila magpapasabog ng libre sa Nuvali, na saka ko na lang ikukuwento).  Kami-kami lang, mga kapamilya sa Hongkong Village, kami ng kaibigan ko, ilang mga kaibigan nina Mama at Papa sa opisina.  Pero nairaos naman, at ang nakakatuwa’y mukhang mas masaya pa si Papa sa ganitong kasimplehan, parang mas masaya siya ngayon.

Marami-rami na rin kaming pinagdaanan. May ilang mga himutok na naibato na sa isa’t isa, may mga katahimikang pinipili na lang maging tahimik pansamantala.  Maraming tiniis na hirap si Papa para sa amin, silang dalawa ni Mama, para makapagtapos kami ng pag-aaral, para maranasan namin ang mga buhay na mayroon kami ngayon.  Maraming pansariling ginhawang isinakripisyo ang nanay at tatay namin para saluhin kami sa marami-raming sakit.  At tingin ko, sa mas malakihang iskema ng mga bagay-bagay, nagtagumpay sila.

Nasabi ko na noon, namana ko ang pag-iisip ni Papa.  Ang pagiging matulungin.  Ang pagiging malungkot kapag hindi na kayang tumulong.  Ang maraming duda sa sarili kapag nailalagay sa sitwasyon na hindi sanay o pag nararamdamang hindi na kayang magbigay ng kasinggalante ng mga naunang panahon.  Sa ngayon, anuman ang bagahe ko, ipinagdarasal ko na sana’y maging mas okey na ako.  Para hindi na mag-alala sina Papa at Mama, para mas mapansin ko ang mga bagay na makakapagpasaya sa kanila.  Dahil kung kami nga ng mga kahenerasyon ko’y nararamdaman ang pagtanda, mas lalong sila siguro.  Gusto kong maging mas maayos, o mas maayos pa, para sa kanila.

At habang hindi ko pa naaabot ang pinakamaayos na estadong hinihiraya ko, inabutan ko muna si Papa ng t-shirt na may pangalan at numero ni Kiefer Ravena.  Isa sa mga pinaglilibangan ni Papa ay ang panonood ng UAAP, at saktong-sakto ang 350 pesos na t-shirt ni Ravena para makadagdag sa ngiti ng tatay kong papalapit na sa edad sisenta.  At dahil overpriced din ang mga bagong-labas na Ateneo championship shirts.  Sana’y mas marami pang mga birthday na susunod pa si Papa at Mama, at sana’y gaya nitong nakaraan ay magdiwang ang lahat nang may ngiti atmga munting surpresa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.