A Little Help

Nagkakuwentuhan kami ni Schedar kanina.  Nagsimula lang sa yayaang maghapunan sa may Area 2 sa UP.  Matagal-tagal na rin kaming hindi nakakatambay kaya masaya ang habulan ng mga kuwentuhan.  Iba-iba ang paksa, tungkol sa mga pinagkakaabalahan, tungkol sa mga kumakain ng mga oras at pag-iisip namin.  Bago matapos kumain–na hindi na sa Area 2 kundi sa Malingap Street dahil marami-rami palang kumakain sa Area 2 kapag mga alas siyete hanggang alas otso, bukod pa sa gusto naming subukan ang kasusyalan ng Breakfast and Pies na naroon–nakatanggap kami ng text kay Det na nagsasabing “rescue us!”  Hindi ko pwedeng sabihin kung ano ang dapat iligtas o mula saan.  Ligtas nang sabihin na pare-pareho kaming may mga gustong takasan.  Umihi muna ako bago kami pumunta ni Schedar pabalik sa UP at puntahan sila sa Khas doon sa dating University Arcade malapit sa simbahan, doon kasi sila kumakain.  Umihi lang talaga ako.  Hindi ako tumae.  Hindi rin ako defensive.

Maraming naibalik sa muling pagtambay ko kasama si Schedar, at kasama sina Det na kasama rin sina Shawie at Joanne.  Mga kuwentong masarap na mahirap isulat.  May mangilan-ngilan na parang tinik na nakatusok sa isang lugar sa katawan na hindi matukoy pero laging nariyan.  Sa ngayon, gusto kong sabihing sa lahat ng mga tinik at mga kuwentong gustong takasan at balikan, sa maraming bagay na hindi ko kayang maisatitik simula pa lang noong 2012 hanggang sa ngayon, muli kong naalala na sila nga pala ang laging naroon.  Hindi ko sila pinili, hindi ko rin pinilit, nangyari lang.  Na kabilang sila ang kasama sa mga kainan at tambay sa videoke, mga kasamang pumasyal, mga hingaan ng sama ng loob.  Marami akong gustong isulat, lagi naman, baka nga expired na ang mga katotohanan.  Pero sa ngayon, gusto ko lang silang alalahanin at pasalamatan.  Kasama nga pala sila sa mga kaibigang aktuwal na nakasama, hindi lang sa mga oras na seasonal at madalian gaya ng annual Facebook Christmas/New Year/birthday greeting, kundi sa mga pagkakataong hindi ako ang pinakaokey na ako at kailangan ko ng mga taong magpapaalala ng mga bagay at dahilan kung bakit dapat magpatuloy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.