Shakey’s Moments

VBG_0247

Kakapa-renew ko lang ng aking Website domain at hosting, at gaya ng mga reklamo sa nakaraang taon, bitin na bitin na naman ang sarili sa mga kwentong itinala.  Gaya ng mga nakaraang taon, nangakong magiging mas masipag magkwento.  Kung anuman, dito lang sa blog medyo nagtitipid.  Nakagawa naman ng paraan na makapagsulat at makapagsalaysay sa iba pang mga daluyan.  Nasasayangan lang ako, aba, 4600 pesos din ito ha.

Kaya sa gabi ng aking Website renewal, ibabahagi ko ang alamat ng Shakey’s Moment.  Isa itong terminong pinauso ng kaibigan, na nangangahulugan ng isang pangyayaring sobrang masakit o/at malungkot, na sa sobrang bigat ay kailangan mong pumunta sa Shakey’s at lunurin sa mojos at manok, o pizza at pasta, o kahit na anong pagkain, ikain palabas ang lahat ng mga hinanakit.  Iyon ang orihinal na Shakey’s moment.

Nangyari iyon isang hapon ng Marso, 2012.  Sariwa pa ang paghihiwalay mula sa isang karelasyon, na sinikap kong tambakan ng trabaho para hindi masyadong isipin.  Ang isa sa napili kong panambak–ang tumakbo para sa isang mataas na administratibong posisyon sa opisina.  Natural, natalo, lalo’t hindi pa ako handa at lihis na lihis ang motibasyon sa pagpasok sa hamon.  Pwede ring naghahanap lang ako ng dahilan para manugod ng dating karelasyon, pagkat iyon ang ginawa ko pagkatapos na pagkatapos maideklara ang pagkatalo sa trabaho.  Tumawag at nakipagkita.  Ang buod ng engkwentro, hindi ko maproseso ang mga sinabi niya sa mga ipinapakita niyang kilos.  Kung anuman, para lang consistent sa pagiging lihis ng lahat, pagkatapos ko mangulit, umiyak, makipag-away, lahat-lahat, nanghatid pa ako sa sakayan ng bus para makabyahe siya nang maayos pauwi sa kanilang bahay sa Laguna.  Pagkatapos, nagmaneho ako, diretso, kanan, kaliwa, paikot-ikot, hanggang sa mapansin kong literal na hindi ko na alam kung nasaan ako.  Nagtawag ako ng mga tao, ng mga kaibigan.  Nagbanggit ng mga landmark.  Banco de Oro, na sobrang rare at wala sa ibang lugar.  Isang gallery na katabi ng tindahan ng kutson, mas pamilyar.  Nakaipon ako ng hininga, nakaipon ng kaunting sarili.  Nagmaneho uli hanggang sa medyo kilala na ang mga kalye at panandang edipisyo.  Ang isang malapit na kaibigan, na malapit ang bahay sa may Kalayaan avenue, pumayag namang kitain ako sa Shakey’s, sa may Matalino.

Habang naghihinga ako ng sama ng loob sa malapit na kaibigan, tinatangka kong ubusin ang limang piraso ng manok na may kasamang patatas.  Tumatawag pa ang kapatid, nagpapasundo.  Bad timing, naisip ko noon.  Not my best, sigurado ako.  Hindi ko naubos ang pagkain–nakatatlo lang yata ako.  Hindi doon naubos ang mga sama ng loob.  Ilang taon pa ang bubunuin bago mangyari iyon.  Pero ang termino, ang tatak para sa ganoong karanasan, naitatag nang malinaw na malinaw sa gabing iyon ng Marso.  Ang pinakaunang opisyal na Shakey’s Moment.

Marami nang nangyari pagkatapos ng moment na iyon.  Marami nang nagbago.  Sa ngayon, napansin ko, bihira’t halos hindi na ako nagsusulat nang may kaugnayan sa musika.  Wala na ang mga hirit tungkol sa mga infinite na playlist.  Hindi na rin ako masyadong nakakasulat ng mga kwento.  Ang mga pinag-iisipan sa buhay ay naisasalin sa mga isinusulat na dula.  Nabawasan ang pag-eehersisyo.  Nabawasan ang paghihimutok.  Kung hindi man nabawasan, nag-iba ng mga pinaghuhugutan.

Pero ngayong may panahon para pag-isipan, ngayong may motibasyon para isulat ang mga dapat na natandaan at kinatandaan, ngayon ko napansin ang papel ng pagkain sa mga binubuo kong salaysay.  Hindi naman huminto ang mundo pagkatapos ng pinakaunang Shakey’s Moment.  Hindi rin naman naging mag-isa ang naunang Shakey’s Moment na ‘yun.  Pero kung anuman, hindi naman nawala ang sarap ng manok at patatas.  Hindi naman nakadismaya ang keso ng pizza na ultimate cheese and garlic.  Ang bottomless iced tea, kaya palang tumagal mula sa mga kwento ng iyakan hanggang doon sa mga daldalang may kaugnayan na sa pagngiti, sa paghalakhak.  Pag binabalikan, nakikita kong ganoon ang direksyon ng istorya.  Pagbawi ng kahulugan.  Pagbawi ng mga pinatutungkulan.  Ngayon, pag naghahanap ng moment sa Shakey’s o sa anumang kainan, medyo mapalad naman, kasi ang mga nakakasama ay mga kapalagayang loob, mga mahal sa buhay.  Akalain mong ang kwento pala ng Shakey’s ay kwento ng pagbangon?

Pero malamang, gutom lang ‘yan.  Kitakits sa Matalino, o sa Lagro, sa Morato, sa kung saan man.  Breast part saka wing.  Extra gravy at extra kumustahan.  Sagot ko’ng kalahati, pag may extra mojos, di natin ‘yan iiwanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.