May dalawang magkasunod na episode sa Buffy: the Vampire Slayer, kung saan hindi na kinaya ng bidang si Buffy ang bigat ng mga nangyari sa kanya, kaya natulala na lang siya at nanahimik. Sa imahinasyon niya habang nakatulala, umaandar ang ibang mundo kung saan hindi siya ang siyang kilala niya. Ibang panahon at ibang mga kondisyon.
Pag-uwi ko kanina, dito sa bahay, nakita kong nakaayos ang mga gamit sa kuwarto. May pabor kasi akong ginawa para sa kasama namin sa bahay. Baka ito ang paraan niya ng pagsabi ng “salamat.” Siguro kung nakita niya ang mga librong itatambak ko na naman sa kama, baka napalitan ang “salamat” ng “tangina ayan na naman.”
Gaya ng alam na ng marami, nasunog ang opisina namin. Pumunta ako noong mismong madaling-araw na nasusunog ito. Para lang ikumpirma. E ayun, kumpirmado naman, ayon nga sa mga dumidila-dila pang apoy doon sa ikatlong palapag kung saan naroon ang dati naming mga silid. Noong nakumpirma ko na, naglakad pa nang kaunti, nakipagkuwentuhan sa ilang mga kaibigang naroon, pagkatapos ay bumiyahe papunta sa Cabuyao. Bumili ako ng Jollibee, pumunta sa canteen kung saan naroon sina Mama at Papa. Umuwi sa bahay namin sa may Hongkong Village, natulog saglit. Pagkagising, nagbayad ako ng bill sa cellphone, dumiretso sa may UP Los Banos. Lahat ng mga kaibigang nakita doon, malungkot ang mukha noong nakita ako. Pagkatapos, magkasama kami nina Laurence at Ayel sa may Shakeys Calamba. Tapos, sa SM Calamba. Booksale Calamba. Nakakita ako ng libro ni Brecht. Yung dulang bahagi ng report ko sa klase ng guro at kaibigang si Sir Bomen. Alam ko, marami siyang nasunog na libro. Mas marami kesa sa akin. Binili ko ang libro kahit 85 pesos siya (madalas, 35 pesos ang limit ko sa Booksale). Noong Sabado at Linggo, dumalaw kami kay Lola Nene sa Las Pinas.
Maraming kuwento tungkol kay Lola, pero ang buod nito’y naospital siya, naospital uli, at hindi na siya ang dating siya, sa ngayon. Lunes Santo noong dinala siya sa ospital na katabi ng SM Fairview. Dalawang linggo bago si Lola, naospital naman ang nanay kong si Susan. Marami ring kaakibat na kuwento iyon, pero ang buod ay isa iyon sa mga pinakanakakatakot na pangyayari sa buhay ko, at masaya ako na buhay siya at nakakabawi. Sa pangkalahatan, ayoko munang may mga mamatay na kahit sino sa paligid, o makabalita ng kung anong balita ng sakit o kamatayan. E kamusta naman sa Kidapawan di ba? Sa pangkalahatan, minimal ang pagkilos ko, kasingliit ng nakikitang reaksyon at partisipasyon sa mga bagay-bagay. Kung kaya, matutulog. Kung kaya, dadalo sa pulong. Manonood ng dula. Babyahe pa-LB o Cabuyao. Kukuha ng litrato. Makikikomento sa Twitter o FB. Makikiramay sa ibang mga kakilala at kaibigan. Kung kaya.
Syempre, may ilang saglit, ilang araw, linggo, parang nakalutang lang. Parang serye ng mga eksenang panaginip lang, hindi totoong buhay. Kasi kung totoo, bakit masyadong magulo, o masyadong masakit, o masyadong kumplikado? Syempre, minsan nakatanga. Baka isang saglit na pag-idlip, baka napahabang tulog. Minsan, nagsasalita sa sarili, sa loob lang, doon sa hindi maririnig. Nakikipag-usap, di ko alam kung kanino o para kanino. Sige, okey na, pwede mo na akong gisingin. Hawakan mo ang kamay ko, isang pisil. Isang mahigpit na kapit.


