3

Tinext ng nanay kong si Susan ang kanyang napanaginipan noong isang gabi–nakita raw niya ang three year-old version ko na lumalakad papunta sa isang matarik na bangin, tinatawag at hinahabol daw niya ako pero hindi niya ako maabutan, kaya hayun, natapos ang bangungot sa pagkahulog ko sa malalim na panganib.

Bigla ko lang naisip ang tinext ni Mama habang iniisip ko ang kaibigang sina Kat at Lec, na kasama ko sa litrato sa post na ito.  Ito’y isang attempt at “keeping busy,” alinsunod sa payo ng maraming kaibigan.  Paano, tulad ng dati’y lumilipad-lipad na naman ang kamalayan ko sa mga usaping nakaangkla sa rela-relasyon, sa paghihintay, sa pag-alala sa mga pangako.  Hindi ko ikukuwento dito, pero malamang ay isulat ko siya sa ibang pagkakataon, hindi para mang-blind item ng tao kundi para mas maintindihan ko rin ang takbo ng mga pangyayari, para malaman ko lang kung ano ba ang dapat na gawin.  Kailangan kong magsulat dahil tingin ko’y bugbog na ang mga mata at tenga ng mga malapit na kaibigan sa mga ganitong sentimiyento ko, ilapat na lang sa birtuwal na papel at maipabasa sa mga aktuwal na gustong magbasa.  At habang hindi pa ako handang mag-all out sa pagkukuwento, kaya kong sabihin na masuwerte ako sa isang banda–heto ako’t halos hindi na makatulog dahil sa ragasa ng emosyon, samantalang natitigilan ako dahil sa ang binubuhusan nitong lahat-lahat ng sakit ay isang bato (siya at hindi ako ang nagsabi nito).  Kaya ko ring sabihing wala pa akong relasyong napapaabot nang lampas sa limang buwan, at sa loob naman ng mga apatnapung minuto’y nabuo ko na sana ang ikatlong buwan ng relasyong pinagdesisyunang pasukin.

Kaya heto, keeping busy, nag-iipon ng enerhiya para matapos ang mga trabahong nalalapit ang deadline, mabuti’t nagagawa naman, at heto, nagbabahagi ng mga larawan ng mga kaibigan, mga kaibigang sa tingin ko’y nalampasan itong mga batas ng tatlo, ni hindi na nga pinag-iisipan ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.