Informed

Ang holiday Monday ko ay idinaan sa aking routine radio gig sa DZUP, ang Kalampagan sa Lunes.  Kahit walang pasok sa UP, live kaming nagpalabas tungkol sa cyber bullying.  Masuwerte’t naimbitahan ng mga episode producer si Ginoong Chris Lao, na dati’y biktima ng baha, na naging biktima ng cyber-bullying, na ngayon ay isang certified attorney na.

Marami kaming napag-usapan, tungkol sa sariling karanasan ni Attorney Lao; sa mga dating kuwento gaya ng kuwento ng lifestyle columnist na si Malu Fernandez, na sa huli’y nag-resign sa kanyang trabaho sa magazine; sa mga mas bagong balitang katulad ng kay Robert Blair Carabuena.  Nabahagi ni Attorney Lao ang sakit ng mga salita, ng online na pangkukuyog.  Sabi niya, umabot sa puntong naglalabas na ng dugo ang kanyang sistema dahil sa trauma na nanggaling mula sa mga taong umatake nang lampas sa insidente at umabot hanggang sa mismong pagkatao niya.

Marami pang napag-usapan at naibahagi, pero gusto kong ibahagi na sa buong programa’y napansin ko na napaka-pleasant na bisita nitong si Attorney Lao.  Kalmado, bukas sa pakikipag-usap, may paggalang sa mga host at producer ng aming college radio show.  Naalala ko tuloy–at nabanggit din naman sa mismong palabas–ang mga sinasabi ko sa sariling klase tungkol sa katangian ng pagiging kulang ng media.  Laging may tututukang impormasyon at laging may naisasantabi.  Madalas, lalo’t hindi maingat, maraming ipagkakamali na ang muntik bakas ng impormasyon ang kabuuan ng pagkatao ng sinumang nahuhuli ng mga kamera’t naa-upload sa iba’t ibang daluyan ng kaalaman.  Tama nga siguro ang naging consensus ng mga kasama sa Kalampagan, na ngayon–higit sa kahit na anong panahon–ngayon pa dapat lalong maging mapagmatyag at maingat sa paghawak at pagpapasa ng mga nakikita at naririnig.  Kailangang maging mas mausisa sa bawat karanasan.  At sa panig ng biktima, gaya ng nasabi ni Attorney Lao, maraming kuwentong iimbentuhin tungkol sa pagkatao mo, at may ibang magiging mas malas at aabot pa sa social networking ang paghahalungkat, pero laging may puwang para maging mas maayos bukas.  May nagagawang milagro ang pagtitiwala sa sarili, at sa mga taong may mas malalim na pagkilala sa iyo.

Sa huling segment ng aming palabas, dumating ang asawa at anak ni Attorney Lao.  Nakakatuwa ang batang si Hillary.  Camera-prepared, bibong-bibo.  Siguro’y maglalaan ako ng hiwalay na salaysay tungkol sa enerhiya at ligayang ibinibigay ng mga batang gaya ni Hillary.  Sa ibang araw ko itutuloy ang pagkukuwento.

Sa ngayon, napasaya lang ako na may nadagdag na anggulo sa aking pagkakaintindi sa kuwento, ni Chris Lao at ng iba pang bagay.  Baka tama nga ang sentimiyento niya lampas isang taon na ang nakaraan–na may ligaya sa pagkakaalam, na regalo ang maging informed.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.