18 – Ang Digmaan

2

Sipi mula sa Dulang Mal (2014), kung saan sinusubukang tandaan ng Ina ang isang digmaan, isang digmaang kinakain ng paglimot.  Sa dulang ito, hindi lamang pisikal ang gera, naglalaban din sa alaala.  Mahalagang balikan lalo’t matingkad ang digmaang ito sa kasalukuyan.

Para sa 31-Day Writing Challenge.  Na ayun nga, minsan ay sharing ng pre-written na mga bagay, pero kebs.

***

INA:

Ang digmaan. Hindi ako malay sa kakampi at kaaway, kung sino ang sumakop at sino ang nilooban, kung saan nagsimula o kung paano natapos, kung natapos man. Pero alam ko, natatandaan ko, ang sigaw ng taong sinusunog o hiniwa ng punyal o espada o sibat. Ang lansa ng tahanang nagbaha sa dugo. Ang iyak ng mga sanggol na naiwanan ng kani-kanilang mga magulang. Ang panggagahasa, ang pagpunit ng mga laman at kaluluwa, ang paghiwa-hiwalay ng mga pagkatao sa iba’t ibang panig ng daigdig, naririnig at nadarama ko sila. Napakatagal na panahon, hindi ko matandaan ang umpisa at katapusan, sampung taon, labinglima, dalawampu, ikinahihiya kong hindi ko matandaan at maipinta ang buong larawan!

KABIYAK:
Ituloy mo, Ina.

MUTYA:
Nakikinig kami.

BUWANG:
Naniniwala kami.

INA:
Pagkukulang ko, patawad, ang hindi magagap ang kanilang mga pangalan, pero batid ko, natatandaan ko, na sa mundong aking kinagisnan ay may halaga ang bawat pangalan. Dahil ganoon ang digmaan sa mundong aking kinagisnan, isang pagkilala at pakikidalamhati sa lahat ng mga nawala at nawalan. Ang bawat nilalang na inaangkin ng digmaan ay kinikilala, binibigyan ng ngalan ang mga puntod, binibigyan ng marangal na ritwal at marangal na himlayan. Pagkat sa mundong kinagisnan, ang digmaan ay hindi listahan ng mga pangalan, hindi mga mukha o tinig na papasok at lalabas sa malabnaw na alaala. Hindi sila tauhan sa isang palabas. Sila’y tao, may kasaysayan at may mga ugnayan. Isang mapagmahal na anak…

MUTYA:
Isang sinisintang asawa.

KABIYAK:
Isang inang minumutya.

BUWANG:
Isang salaysay na hindi dapat mamatay.

INA:
Kinikilala ang kanilang pangalan, ang kanilang salaysay, taun-taon, sa mga ritwal ng pag-alala. Pagkat dapat silang alalahanin. Dapat silang manatiling buhay. (to audience) Patawad, paumanhin, sa inyong lahat na hindi namin maisawika, hindi na ito ang mundong aming kinagisnan, at marahil, hindi na rin kami ang mga “noon” na nakikilala namin.

3

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento *