Matagal na namang mailap ang tulog sa akin–hindi ko na yata maialis sa isip ko ang maging ganoon, palaisip–pero kakaiba ang epekto nito sa akin nitong mga nakaraang araw. Kahapon, halos buong araw akong nakakaaninag ng mga anino na tumatakbo-takbo, doon lamang sa puntong halos abot ng tanaw, puntong hindi ako sigurado kung nakita ko ba talaga o inimbento ko lang. Noong lalapit ako sa kotse para kunin ang ilang mga gamit, ilang segundo pagkatapos kong gumarahe, inakala kong may nakaupos sa driver’s seat at lumingon pa sa akin. Ilang segundo lang din at nawala na ito. Baka pagod lang, naisip ko.
Binabalikan ko ang pagtakbo, matagal-tagal na ring nawala ito sa sistema ko. Kagabi, naalala ko kung bakit ko ito natipuhan. Nauubos ang lahat ng iniisip sa pag-iikot-ikot. Kung sapat ang dami ng itinakbo, matatapos akong halos blangko ang utak, manhid ang katawan, at kumakalam ang sikmura. Paghahanap na lang ng mahahapunan at paghiga sa kama ang tanging tumatakbo sa isip pag nagmamaneho pauwi. At halos sureball ang pag-idlip, may kaunting pagising-gising nga lang kada oras, pero mas suwabe kesa walang ehersisyong nagaganap.
Kaninang madaling-araw ay nanaginip akong nasa may itaas kami ng kalye namin, doon sa may antayan ng tricycle. Imbes na aspalto ay malalim na putikan ang naroon. Lumalangoy ang lola ko, ang tatay ko, ang tito kong kapatid ng tatay ko, ang isa pang titong namatay naman noong Abril. Nagyaya si Titong patay na mag-group picture silang magkakapamilya. Habang sinisilip ko sa lente ng camera, nagsabi ang tito kong patay na, nagsabi siyang susunod na raw ang tatay ko, maghanda na raw ako. Pagkatapos ay nagising ako at gumawa ng mga lecture at mga tarpaulin para sa mga nanalo ng kung anu-anong contest. Balik normal.
Nakahanda na ako sa isang balik-normal, balik-takbo, balik-pinakanormal-na-pahingang-posible mode nang may nakuha na naman akong bagong surpresa. Nitong mga nakaraang araw, may natutunan ako hinggil sa surpresa–anuman ang intensyon, anuman ang pinagmulan, positibo man o negatibo, laging may panganib sa isang surpresang dumalawang ulit. Laging may nag-aalala’t laging may umuuwing may lungkot, lungkot na baka wala sa lugar, wala sa lugar pero hindi maiiwasan. Anuman ang pasikut-sikot, nag-aalala ako. Gusto kong mapanatag, pero mukhang ito ang panahon ng pag-aabang sa maraming bagay.
Ang susunod na kabanata.

