Ang mga kaibigan ni Mama Susan

Naisipan kong piktyuran kanina ang nanay kong si Susan doon sa isang sari-sari store sa dulo ng Fairview.  Astigin kasi ang malaprobinsyang effect ng tindahan, na kasabay naman ng Sprite at yosi combo ni Mama Susan.  Nagdadaldalan kami tungkol sa mga kaibigan kong nasa ibang bansa na, mga kayosihan at kainuman niya noong nasa Pinas pa ang mga nasabing kaibigan.

Naisipan kong i-post ang picture ni Mama dahil naalala ko na bidang-bida siya sa mga kuwento ng aking mga kaibigang nakakayosihan niya.  Dahil din siguro sa nagtatampo siya sa akin, paano’y umalis ako kagabi, umalis nang bigla-bigla.  Dahil din siguro bago umalis, nasira ko ang lock ng pinto sa kuwarto nila, kaya sinira ang doorknob para makuha ko ang susing naiwan ko sa pantalong naiwan naman sa kuwarto nilang mas maaliwalas sa kuwarto kong puro lupa at basura.  Dahil din siguro gusto ko siyang yakapin kaninang umaga pagkauwi, dahil din siguro gusto kong ikuwento na may iniyakan ako noong umalis ako ng bahay, may iniyakan at nakaayusan naman, dahil din siguro marami pa akong gustong ikuwento sa kanya pero alam kong hindi niya muna gustong marinig, o dahil din siguro hinuhusgahan ko siya agad sa mga gusto at ayaw niya, dahil din siguro ayoko lang siyang mag-alala.  Mas mabuti na sigurong magtampo si Mama, kesa mag-alala sa kanyang anak na paparating na ng trenta’y kung anu-ano pang kabulastugan ang inaatupag, mga kabulastugang tulad ng pagsasabi/pagtatago ng katotohanan, pag-iyak sa mga oras at lugar na di-inaasahan, at syempre’y pag-ibig, lagi namang may pag-ibig na inaatupag.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.