Noong iniisip kong simulan ang entry na ito, iniisip ko siyang simulan sa pinakaromantikong paraan na kaya kong maisip. Pero kani-kanina lang, habang nagsisipilyo, napaduwal ako’t naisuka ang kinaing meryenda at hapunan. Sumirit sa bibig at ilong ang mga bakas ng tempura, ramen, pasta, at pizza, mga alaala ng kainan at kuwentuhang pinaasim ng gastric juices. Baka ganito lang talaga ang lahat ng pagtatangka sa pagsasalaysay ng mga kuwentong pag-ibig. Laging awkward, laging may sablay moment. Pero kung may natutunan man ako sa mga nakaraang araw, ito ay ang leksyon ng pagpapakatapang. Kaya anumang asim ng hininga’t sama ng pakiramdam, pipilitin kong ibahagi ang karanasan sa pinakamatamis na paraang posible.
Tungkol ito sa maraming bagay pero malaking bahagi ng maraming bagay na ito ay ang pag-iisang dibdib nina Mike at Mich. Four years in the making (at sa aktuwalidad daw ay four years na opisyal + pitong buwan na ligaw time), ang buod ng mga testimonyal ay nagsimula ang lahat sa pagtukoy ng kanilang maraming pagkakaiba. Si Mike (na mas kilala namin sa palayaw na “Chu”) na disipulo ng maraming Adam Sandler romcom movies, Rockstar Joe/Mixtape master, nagmamakata kapag umiibig, ay parang malayung-malayo daw sa chill mode ni Mich. Pero nagsimula ang pagiging swak nila sa pamamagitan ng kantang “Stolen” ng Dashboard confessional, isang kantang naririnig ko na dati pero noong reception ko lang nalaman ang pamagat.
Minsan, sa dami ng mga bullshit sa buhay–inimbento man o aktuwal na nangyayari, minsan nakakalimutan na natin ang pakiramdam ng kilig sa pagkatuto ng isang bagong awit, o ang pakiramdam na ang mga kantang natitipuhan mo’y ineenjoy din ng iba. Isa ito sa naiisip ko sa pakikinig ng love story ng aming kaibigan. Higit sa palitan ng ipod at pagpaparinig ng mga kantang ihinanda para sa bawat isa, lampas pa sa pagbuo ng listahan ng mga awit na tatahi sa kanilang napakaraming adventures, nakatutuwang isiping sa gitna ng aming kanya-kanyang mga hinanakit sa buhay, magkikita kami sa isang punto ng pagdiriwang. Naroon kami sa pagkakataong may isang kaibigang nahanap na ang kanilang theme song, kasama ng karelasyong pinangakuang maging kabiyak habambuhay. Masaya sa pakiramdam na maging bahagi ng ganoong paghahayag.
Pasikut-sikot man ang aking mga kuwento, gusto lang sabihing humahanga ako kay Chu/Mike. Siya ang tipo ng kaibigang sa umpisa pa lang ay hindi na nawalan ng romansa sa katawan, hindi nawalan ng paniniwala sa pagdating at pagsasama nila ng kanyang “the one.” Naiinggit ako sa ganoong katinding fighting spirit, at nagpapasalamat din na masaya siya’t nagkatagpo sila ni Mich. Marami akong natutunan sa kanya tungkol sa paghihintay, pagiging masigasig, sa paniniwala na may patutunguhan ang lahat ng panghaharana, ang lahat ng mga tula’t kuwentong iniaalay para sa mga taong minamahal.
Pamilyar na ako sa mga ganoong kuwento ng pag-aabang, at iniisip/hinihiling kong sa dami ng taong ibinuhay ko sa mundo’y naging mas matalino na ako. Pero siyempre, maraming duda, maraming takot at kapraningan. Minsan nakakatuksong manahimik na lang at hindi maghayag ng damdamin para iwas pahiya, para hindi masaktan kung sakaling hindi umayon sa plano ang mga nangyayari. Pero gaya ng inspirasyon nina M&M, inspirasyong naging inspirasyon ko rin noong napanood ko ang pelikula, sige lang, sulat lang, kanta lang, gumawa lang ng napakaraming listahan ng mga awit-dedikasyon, kasi baka kahit parang nagbibingi-bingihan ang pinag-aalayan, may isa palang naaantig sa isang sulok, unti-unti nang nahuhulog sa pinagkabit-kabit nating tugtog.
At bago ako magmoda ng pagpapakita ng mga dati kong naisulat, gusto kong balikan ang sinabi ng kaibigang si Mike sa kanyang wedding vows kay Mich–hindi dapat matakot sa taong handang sumugal para sa iyo, sa taong nangangakong umibig sa iyo habambuhay. At kahit malayo pa ako sa konsepto ng habambuhay na pagsusugal, pwede kong simulan sa mga mas maliit na hakbang. Mga munting salita, kapirasong tula’t paghahayag.
***
Ilapat sa CD’ng 700 MB
saka ipahalik sa iyong felt-tip pen
ang lahat ng puwang, ang di mo masabi,
ang na-mute na soundtrack ng iyong damdamin.
Ang tanging request, huwag nang mag-earplugs
kapag pinatugtog, themesong ng hinagpis
man yan; mag-volume up, speakers ay i-full blast,
di man siguradong nariyan ang ibig
paringgan. Malay mo, e di naman pala
siya nakikinig, at ang tamang “the one”
sa iyong koleksyon ng awit-pagsinta’y
nasa malapit lang pala, sumasayaw
sa pintig ng tugtog na iyong tinuhog,
di pa namalayang siya’y nahuhulog.
Gusto kong isiping hindi magkaiba
ang patak ng metro ng taxi sa New York
(yep, yung concrete jungle-and-garlic-tomatoes)
at yung nakapila sa Mcdo Philcoa;
sarap din sigurong mag-F.K. sa subway–
early morning loving sa may escalator–
pababa, pauwi, sa may train station,
e dito’y underpass ang meron, sa Circle.
Pero oks lang naman kung di nakatakdang
magtugma’t magsabay ang ating Where’s Fluffy
moment. Kung may una, siyempre may huli.
Iba-ibang laro, iba-ibang taya
(ang laro ko minsan, minsan na lang naman,
mag-abang sa cellphone, ringtone ko’y Boys Don’t Cry).
***
Pahabol: syempre kasama sa selebrasyon ang pagpi-picture ng aming sarili.


















