Golden Slumbers

Pinagtaksilan ako ng katawan ko kani-kanina–at ayokong isiwalat pa ang mga detalye ng kung paano naganap ang nakakadiring pagtataksil na ito–kaya naman ang sana’y masaya’t panatag na pag-uwi, pagbati ng “good nighty” sa mga malapit na tao, at paghimbing ay naging isang malayong pangarap na lang/ na naman.  Mas malapit pa ang parating na pagsikat ng araw, at sa ilang oras ay kailangan nang bumangon para humarap sa klase.  Sana’y kayanin ng natitirang pagkamulat ang tatlong oras na pakikipag-usap.

 

Lumilipad ang isip sa mga lugar na tinataya bilang mas payapa, sa pagtatangkang mabawi ang ninakaw na idlip.  Mga larawan ng masayang agahan.  Bisita ng/sa mga kaibigan.  Lakad-kuwentuhan sa isang maalinsangang hapon ng Abril.  Ang unang araw na nagtagpo kami ng alagang aso.  Pagbibisikleta sa isang malayo pero pamilyar na lupain.  Nagbabalanse ang mga imahen tulad ng pagbabalanse sa mga pedal, idlip o puyat, pagkabalisa o pagkapanatag, pag-arangkada o pagpreno.  Gusto ko sanang huminto na malayo sa dahas ng pagsemplang, pero ayos ding mabuwal, madapa/mapahiga sa kahit anong dahilan (kahit anong dahilan, sige na naman, basta mapadapa/mapahiga lang ang gunita), para magkaroon ng lohika ang pagbangon.

Ito ang tipo ng oras na hindi ako sigurado kung dapat bang magsabi ng “magandang gabi,” o “magandang umaga.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.